Sa pagtama ng pandemya at pagpapatupad ng iba’t ibang uri ng lockdown at patuloy na limitadong pampublikong sasakyan, kapansin-pansin ang pagdami ng mga gumagamit ng bisikleta upang makapasok sa trabaho at makakuha ng kanilang mga pangangailangan.

Sa katunayan, bumili rin ako ng bisikleta para magamit bilang paraan ng ehersisyo at siyempre makapasyal na rin sa karatig na lugar dahil sa pagkabagot sa matagal na lockdown. Sa tuwing kasama ko ang aking bisikleta hindi ko nakalilimutang sumunod sa mga itinakdang minumum health standards at sinusunod din ang mga lokal na polisiya ng bawat lungsod na aking napupuntahan.

Pagpadyak kay Kamatayan

Ang kalsada ng Metro Manila lalo na sa EDSA ay nagpatindi sa aking takot bilang siklista. Hindi naman kasi ako ganoon kahusay pa sa pagbibisikleta, ngunit naging puhunan ko ang mahigit limang taong pagmamaneho sa kalsada. Naging puhunan ko ito dahil mas madali kong nauunawaan ang mga road signs at ang pasikot-sikot na mga daanan sa loob at labas ng EDSA.

Kasabay ng mga naglalakihang sasakyan tulad ng bus at trak sa EDSA, tila nakikipag-agawan ako ng linya kay kamatayan. Napansin kong maraming kakulangan ang mga lansangan para sa mga biker na tulad ko. Mas may espasyo ang mga kotse. Kaagaw pa namin sa katiting na bike lane ang mga motorsiklo.

Sa kabila nito, marami pa rin ang nakikipagbuno araw-araw kay kamatayan para lang makarating sa trabaho. Bukod sa panganib ng kalsada ay ang panganib sa kalusugan dahil sa banta ng virus at polusyon mula sa kalsada. Masuwerte na lamang ako at work from home ang set-up ng aking trabaho.

Pagpadyak sa Kalikasan

Malinaw na talagang dapat suportahan ang pagbibisikleta bilang isang paraan ng pampublikong transportasyon sa bansa. Sa pag-aaral ng mga urban planner at eksperto sa transportasyon, dapat sana’y nagiging bahagi sa mga plano ng gobyerno sa mga lungsod ang pagbibisikleta. Itinataguyod ng pagbibisikleta ang makakalikasan at layuning mabawasan ang carbon emissions na patuloy na lumalala.

Bukod sa literal na tulong ng pagbibisikleta sa kalikasan, nakatutulong din ito upang  makipag-ugnayan muli ang tao sa kanyang paligid bagay na wala sa de motor na uri ng transportasyon. Sa tulong ng bisikleta, muling napahihinto at nakapagpapahinga sa lilim ng mga puno, sa kalawakan ng parke, at nakahihinga sa tabi ng mga ilog. Ang muling pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kalikasan ay makatutulong upang personal na maunawaan ang kalagayan nito.

Pagpadyak sa Pag-asa

Susi ang pagbibisikleta sa kaunlaran at pagbabago sa pampublikong transportasyon. Ngunit nakalulungkot  na noon pa man, mas binibigyan ng prayoridad ng mga kalsada sa Pilipinas ang mga kotse at sasakyan at ngayon lamang sa panahon ng pandemya bahagyang isinasaalang- alang ang kaligtasan ng mga siklista at pedestrian.

Dahil sa unti-unting nagbabago ang paraan ng maraming mamamayan para masolusyunan lamang ang kakulangan ng pampublikong transportasyon. Kinakailangang pahalagahan ng pamahalaan ang alternatibong paraan tulad ng pagbibisikleta. Kasabay ng pagtuon saa mga batas trapiko na kailangang baguhin bilang tugon sa paglalagay ng mga bike lane, kinakailangang sabayan ito ng pagbabago sa pag-uugali ng mga motorista.

Bilang bansang nagiging parking lot ang kalsada sa tindi ng trapiko, lagi’t laging dapat may puwang sa pagpadyak!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here