Naglunsad ngayong araw ng “Bagsakan” ang mga magsasaka mula organisasyong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at mga volunteers mula sa Sama-samang Artista Para Sa Kilusang Agraryo (SAKA) sa Kamuning Avenue, Quezon City.
Unang ikinasa ang “Bagsakan” noong taong 2018, ito ay bahagi ng kampanya nilang “Bungkalan at Bagsakan” kung saan matapos ng kanilang pagtatanim ng mga gulay ay aanihin ito upang dalhin sa kalunsuran kasabay ng mga pagkilos na isinasagawa rito.
Ayon kay Marco Silvano ng KMP, matinding hirap daw ang dinanas ng mga magsasaka partikular silang mula sa Norzagaray at San Jose Delmonte, Bulacan nang maipatupad ang Enhanced Community Quarantine, bumaba raw nang halos 50% ang kita nila dahil hindi nailuluwas. Matinding paghaharang ang nararanasan ng mga magsasaka na dating nagbabagsak sa mga palengke ng Novaliches Bayan, Commonwealth Market, at Nepa Q-mart dahil sa ipinatupad ng Department of Agriculture na pag-aapply ng “food fast lane” kung saan isa sa rekisito ay ang pagkakaroon ng sariling sasakyan na nakapangalan sa kanila, kalakhan daw ng mga magsasaka ay walang pribadong sasakyan.
Dagdag pa niya nais din daw nilang makapagbigay ng mensahe na sa kabila ng pagkakaroon ng “agrarian dispute” ay sinisikap pa rin ng mga magsasakang pagyamanin ang lupa upang may maihatid na pagkain sa bansa, nais din daw nilang maibahagi ang kanilang kuwento sa pagtatanim upang malaman ng mamamayan ang kanilang karanasan bago pa man dumating sa kusina ng mga Pilipino ang bawat gulay na kanilang inaani.
Sa kabila raw ng Enhanced Community Quarantine ay nakapaghatid pa rin naman sila ng mga gulay sa iba’t ibang lugar at organisasyon na nangangailangan para sa mga pagpapakain at ayuda sa lubos na naapektuhan ng krisi ng COVID-19 halimbawa na lang dyan ay ang Baclaran Church at Tahanang Walang Hagdan.