Halos walong taon nang nakalipas ay nito lamang Miyerkules, July 10, nagbaba ng hatol ang Manila Manila Metropolitan Trial Court Branch 7 para arestuhin si PO3 Franklin Kho—ang pulis na sumagasa sa mga aktibista6 habang nagsasagawa ng protesta sa US Embassy noong Oktubre 2016.


“Ang walong taon na pagiging malaya ng isang pulis na mayroong sala sa mamamayan ay isang malaking insulto sa libu-libong mga aktibistang pilit na pinatahimik, dinukot, at pinaslang ng estado! Ito ay manipestasyon ng kabulukan ng PNP at iba pang armadong pwersa ng gobyerno, pati na rin ang hindi pantay na pagdinig ng hukuman,” pahayag ng Katribu Youth.
Umabot sa 50 ang nasaktan at apat ang sugatan nang ratsadahin ng sasakyan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may numerong 145 ang mga nagpoprotesta.
“Tinatanggap natin ang pagpapataw ng kaso kay PO3 Franklin Kho at nakikita itong magandang hakbang sa pagkamit ng hustisya para sa karapatan sa malayang pamamahayag. Gayunpaman, ang mabagal at bulok na pag-iral ng hukuman sa ating bansa ay lubos nating kinukundena,” pahayag ng Katribu Youth.
Sa hatol ng MRTC, si PO3 Franklin Kho ay mahaharap sa three counts ng kasong attempted homicide na may piyansang P36,000 sa bawat kaso o halos P108,000 sa kabuoan.
“Napakalinaw ng ebidensya. Ginawa ito sa harap ng publiko at napakarami ng mga nakuhang bidyo at saksi,” ayon kay Ephraim Cortez, abugado ng mga bikima mula sa National Union of Peoples Lawyers.
Matatandaang marahas na binuwag ng mga pulis ang protesta sa pamamagitan ng pambobomba at paghagis ng tear gas para lamang umatras ang mga nagpoprotestang katutubo at mga aktibista. Dagdag pa sa mga pangyayari, hinarurot ni Kho ang police mobile at makailang ulit na sinagasaan ang mga nagprotesta.
“Arestuhin at panagutin si Franklin Kho! Panagutin ang pang-aabuso at pandarahas ng kapulisan at iba pang armadong pwersa ng gobyerno! Itigil ang pandarahas sa mga mapayapang nagpoprotesta! Itigil ang pandarahas sa mga aktibista,” diin ng Katribu Youth sa kanilang pahayag.
Kabilang sa nagreklamo laban kay Kho ay sina Katribu secretary general Piya Malayao, Nicole Soria, Raymart Sumalbag, Reynaldo Moldon, Dionesio Abear, Dr. Julie Caguiat, Reyan Naong at Baling Catubigan.