Mas lalong pipilayin ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. ang mga magsasaka sa iminumungkahi nitong pagtataguyod ng Masagana 150 o Masagana 200, pag-aalma ng mga magsasaka.

Anila, 1970 pa nang itulak ng kanyang ama at dating pinatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang pagkakaroon ng programang Masagana 99. Layunin ng nasabing programa ang pagpapataas ng produksyon ng bigas upang makamit ang sinasabing “rice self-sufficient” na bansa.

Mula sa 40 kabang bigas kada ektarya ay kinakailangang umabot ang mahahakot sa higit 99 kaban kada ektarya. Ganito muli ang gustong mangyari ng administrasyong Marcos Jr. na kamtin naman nang higit pa sa 99 kaban kundi 150 kaban ng aanihing bigas kada ektarya.

Sa katunayan, higit isang buwan na ang nakalipas, kung saan nagdaan na rin ng unang State of the Nation Address, ngunit nananatiling kulang o hindi pa rin kumpleto ang gabinete ng kasalukuyang administrasyon.

Kaya naman si Marcos Jr. mismo ang nagpresintang maupo at mangasiwa ng posisyon bilang interim na kalihim ng Department of Agriculture.

Ang usapin ng paghawak ng posisyon ng mga nasa mataas na katungkulan ay hindi na bago sa administrasyon at tambalang Marcos-Duterte, kung saan mismo ang kanyang bise-presidente rin na si Sara Duterte ang tumatayo ngayong kalihim ng Department of Education.

Huwad na sagana

Nakasaad sa programang Masagana 99 ang paggamit ng mga high-yielding variety (HYV) na mga binhi galing pa sa ibang bansa mula International Rice Research Institute. Dagdag pa rito na ang mga binhing HYV ay dapat tumalima sa pangangailangan ng mataas na kalidad ng mga pestisidyo, pataba at pagkain.

Ito ang mga dahilan sa patuloy na pag-aray ng mga magsasaka at manggagawa sa agrikultura noong dekada ’70. Sa katunayan, bagamat tumaas ang produksyon sa 55%, higit sa doble naman ang ginastos ng mga magsasaka para imantini ang sensitibong pangangailangan ng mga HYV para tugunan ang proyektong Masagana 99.

Sa pagsapit ng dekada ’80, higit 60,000 magsasaka na lamang ang nabibilang sa Masagana 99 mula sa kalahating milyon noong 1974 hanggang 1975. Maraming magsasaka ang tuluyang nalubog sa utang hanggang taong 1984 ay huminto na ang Pilipinas sa pagluluwas ng bigas na noo’y isa sa mga nangungunang bansang tagapagluwas ng bigas.

Isang taon pa ang nakalipas nang nagsimula nang mag-angkat ang bansa ng bigas.

Gintong bigas, gintong presyo

Hulyo noong nakaraang taon nang aprubahan ang biosafety permit for commercial propagation ng Golden Rice, isang HYV. Ibig sabihin lamang nito ay may hudyat na ang pagpapalawak at pagtatanim ng Golden Rice nang sa gayon ay maari na itong mabili o makonsumo sa mga darating na araw.

Ayon sa Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG), ang Golden Rice ay isang palpak at walang saysay na pagsosolusyon sa matagal nang krisis sa bansa hinggil sa hinahangad na “rice self-sufficiency”.

Dagdag pa ng grupo na tanging naglalakihan at dambuhalang korporasyon ang nakikinabang at hindi ang mga maralitang magsasaka at manggagawa sa agrikultura sa layunin ng pagpapalawig ng Golden Rice, maging ang Masagana 150 o 200.

“Mahirap abutin as a national average ang 150 cavans at 200 cavans hangga’t napakataas ng cost of production sa palay at walang ibinubuhos na suporta at subsidyo sa produksyon para sa magsasaka ang gobyerno,” saad ni Rafael Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform sa isang pahayag.

Ayon kay Mariano, kailangang buhayin ang lokal na agrikultura kung saan prayoridad ang tunay at masaganang produksyon kaakibat ang mga salik na makatutugon sa lehitimong pangangailangan ng magsasaka tulad ng

  • pagsuspinde sa pagpapalit-lupa na pang-agrikultura,
  • pagbibigay ng P15,000 subsidy o ayuda para sa mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.
  • paglaan ng sampung porsyento (10%) sa pambansang badyet para sa agrikultura at
  • pagbasura ng Rice Tariffication o Liberalization Law.

Binabansagang anti-magsasaka ang mga palisiya tulad ng Rice Liberalization Law o Republic Act 11203, na pinirmahan bilang batas noong administrasyong Duterte, kung saan binigyang laya ng gobyerno ang pagbulusok ng importasyon ng mga produkto sa agrikultura na higit mababa o halos wala nang buwis upang ibenta sa merkado. Sa ganitong kalakaran, sadyang inilulugmok nito ang mga magsasaka na napipilitang ibenta ang kanilang produkto sa kakarampot lamang na halaga.

“Ang pagiging masagana ng mga magsasaka ay makakamit kung may tunay na reporma sa lupa at suportang serbisyo sa mga magbubukid,” dagdag pa ni Mariano.

Sa kabilang banda, matatandaang kasagsagan din ng kampanya ni Marcos Jr. ang mungkahi nitong ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Agad naman itong binangga ng Urban Poor Coordinating Council at sinabing makabibili lamang ng P20 na bigas ngunit sa kalahati o ¼ kilo. Ayon kay UPCC coordinator Carmelita Collado, ito ay gawa ng patuloy na bunga ng mataas na inflation rate at krisis sa petrolyo.

Ngayong Mayo 2022, umabot na sa 5.4% ang inflation rate ng bansa mula sa 4.9% na datos noong Abril ng parehong taon.

Hamon ng magsasaka

Sa unang 100 araw ni Marcos Jr. sa panunungkulan, at bilang aktong kalihim din ng DA, naglatag ng mga hamon ng mga magsasaka sa pangunguna ng KMP ang mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan ng nakararami dulot ng pandemya at sosyo-ekonomikong krisis sa bansa.

1. Maglabas ng Executive Order (EO) laban sa pagkukumbert ng mga lupaing agrikultural na nakalaan o angkop para sa produksyon ng mga staple food crops.

2. Resolbahin ang matagal nang girian gaya ng sa Hacienda, Tinang sa Tarlac, Araneta Estate sa Bulacan, Lupang Ramos sa Cavite, Dumarao Stockfarm sa Panay, at Concepcion Grande sa Bicol.

3. Itigil ang patakaran ng food import dependency. Bawiin ang EOs 134 at 135. Bawiin ang mga permit sa pag-import ng isda. Repasuhin at Amyendahan ang RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act.

4. Suspindihin ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) 11203 o ang Rice Tariffication Law/Rice Liberalization Law.

5. Agad na suspindihin ang excise tax sa mga produktong langis.

6. Sertipikahan bilang apurahang mga panukalang batas para sa self-sufficiency ng pagkain: Genuine Agrarian Reform Bill, iminungkahing Rice Industry Development Act, at ang Fertilizer Subsidy Program.

7. Tiyakin ang pagbibigay ng P10,000 ayuda at P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda, at manggagawang pang-agrikultura.

8. Magtalaga ng mga tunay na kinatawan ng magsasaka sa pamamahala at paggamit ng mga pondo at ari-arian ng coconut levy. Makipagtulungan sa mekanismo ng pagbabantay ng mga tao sa paggamit ng mga pondo at ari-arian ng coconut levy.

9. Ibalik ang ill-gotten wealth ng mga Marcos at kanilang mga kroni. Bayaran ang P203.8 bilyong hindi nabayarang buwis ng mga Marcos.

10. Maglaan ng hindi bababa sa 10% ng pambansang badyet sa agrikultura at produksyon ng pagkain. Ito ang bahagi ng GDP ng agrikultura sa pambansang ekonomiya.

11. Ibasura ang mga permit para sa Golden Rice. Ganap na ipatupad nang may sapat na pagpopondo ang Organic Agriculture Act (RA 10068, na sinususugan ng RA 11511).

12. Ipawalang-bisa ang EO 130 sa pagmimina.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here