Hindi kalayuan sa mga malalaking gusali at nakahihilong kalsada ng siyudad ay ang isang munting komunidad na tila’y napag-iiwanan ng mundo.
Dikit-dikit na kabahayan, makikipot na espasyo, daanang maputik kung hindi mabato, at umaalingasaw na halo-halong amoy–sa kabila nito, ang Baseco Compound ng Port Area, Manila ay pinanunuluyan ng libo-libo.
Bilang mga mangingisdang hinamak ng iba’t ibang panahon, hindi hadlang ang ganitong kalagayan sa mga tulad nina Tatay Renato at Tatay Rodel na matagal nang nabubuhay katabi ang dagat ng Manila Bay .
“Kubo-kubo dati bago mapatalsik si Marcos (dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr.). Tinirikan ng mga bahay na dati tubig. Mura mga lote,” salaysay ni Tatay Renato.
Nagsilbing lider noon si Tatay Renato ng Samahan ng Mandaragat ng Baseco (SAMABA).
Aniya, ang mga naunang nanirahan sa Baseco, ang pinaikling pangalan ng Bataan Shipyard and Engineering Company, ay hindi kabilang sa mga maralitang taga-lungsod. Sa halip, sila ay nanilbihan sa isa sa mga pinakamalaking tagagawa ng barko sa Pilipinas.
Nang bumagsak ang diktador na si Marcos Sr., marami sa mga bagong dating sa isla ay mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa mga clearing operation nito sa Maynila.
Nagtayo sila ng kanilang bahay sa mababang lupaing mula sa pinagsama-samang banlik ng ilog, mga durog na bato mula sa mga lumang gusali na itinapon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga putik na hinukay mula sa South Harbor, mga basura, at mga maliliit na puting kabibi.
“Isla boga ang Baseco. Tinambakan…parang sa reclamation. Noong 1970’s, pagmamay-ari pa ito ng mga Romualdez,” dagdag ni Tatay Renato.
Ayon sa kanya, ang White House ng pamilya ni Imelda Marcos ay matatagpuan noon sa bungad ng Baseco. May usaping magtatayo din dito umano ng paliparan kahit na ito ay isa nang kilalang pangisdaang sinasadya pa dati ng mga naglalayag sa Manila Bay para kumain, matulog at magpahinga.
Ang planong ito ay hindi natuloy dahil sa People Power Revolution noong 1986 ngunit pinalitan naman ng ibang mga proyekto ng gobyerno na ayon sa mangingisda ay hindi ganap na epektibo sa tunay na kalagayan at sitwasyon ng mga mamamayan sa Baseco.
Ang Pamayanan ng Baseco
Bahagi ang Baseco sa nasasaklawan ng Barangay 649 Zone 68 ng Lungsod ng Maynila. Ito ay isang reclaimed section ng Port Area ng Maynila.
Mayroon itong higit 56 na ektarya na pag-aari ng Pambansang Pamahalaan ayon sa Ordinansa Blg. 7931 at nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippines Ports Authority.
Bilang isa sa mga may pinakamalaking populasyon na maralitang lungsod sa Pilipinas na aabot sa higit 64,750 na naitala sa Philippine Census noong 2020, ang komunidad na ito ay humaharap sa maraming hamon na lalong nagpapalala sa sitwasyon ng mga residente nito.
Lumilitaw bilang pangunahing alalahanin sa lugar ang kalinisan kasama rito ang limitadong pakukunan ng malinis na tubig, hindi wastong pagtatapon ng basura, at kakulangan ng mga pasilidad sa sanitasyon na nagreresulta sa talamak na pagkalat ng mga sakit.
Dahil sa impormal na paninirahan sa tabi ng baybayin, isyu rin para sa mga residente ang polusyon sa tubig. Dagdag pa ang patuloy na banta ng pagbaha laluna sa panahon ng bagyo at high tide na nagdudulot hindi lamang ng pinsala sa mga ari-arian ngunit panganib din ng pagkakaroon ng iba’t ibang klase ng sakit na dala ng tubig.
Sa kabilang banda, dahil sa kakulangan ng pagkakataong maghanap ng pormal na trabaho ay napipilitan ang mga residente ng Baseco na sumubok ng ibang paraan ng kabuhayan.
Ilan dito ay ang pagtitinda sa kalye, paglilinis ng basura, at bagamat maliit ang kita, pagbabalat ng bawang.
“May mga pumupuntang Divisoria para maging saleslady, tagabuhat kasi malapit lang. ‘Don na rin ‘yong iba tumitira tapos uuwi rito,” pagbabahagi ni Tatay Renato.
Pinapanatili ng mga limitasyong ito ang kahinaang pangsosyo-ekonomiko ng Baseco at humahadlang sa kanilang kakayahang mapabuti ang kanilang mga buhay. Mangyari pa na lubos na apektado rin ng kasalukuyang kondisyon ng lungsod ang primaryang hanapbuhay dito— ang pangingisda.
Ang Mga Mangingisda ng Baseco
“Dati 400 piso per day kumikita sa pangingisda, may ulam pa. Pero minsan 200 piso lang ang kita,” pagkukwento ni Tatay Renato.
Aniya, nagsimula siyang mangisda noong siya ay 19-anyos pa lamang. Ngunit ngayon ay wala na siyang bangka at lambat na lang ang mayroon.
“2010, sagana pa sa yamang-tubig tulad ng alimango, tilapia,” dagdag pa niya.
Personal ding nasaksihan ni Tatay Renato ang fish kill noong kasagsagan ng pandemya na nagmula sa Manila Baywalk at umabot hanggang sa Baseco kung saan tinatayang higit isang toneladang isda, talilong (grey mullet), at hipon ang kanilang nakuha.
Matatandaang naging isyu ang ‘white sand project’ o ang kontrobersyal na dolomite beach bilang bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program na inilunsad noong 2017.
Ayon kay Tatay Renato, ito ang pinaghihinalaang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Banggit ng Pamalakaya Pilipinas noong Setyembre 2020 na ang fish kill sa Manila Bay ay isang indikasyon na ang dagat ay matagal nang masama ang kondisyon kung kaya’t ito ay ang unang dapat seryosong tugunan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) imbis na magsagawa ng proyektong walang kaugnayan sa rehabilitasyon.
Dahil dito, nakaranas ng matinding pagsubok sa paghahanap-buhay si Tatay Renato hanggang sa siya ay lumipat sa ibang trabaho bilang welder at elektrisyan sa San Agustin Church.
Aniya, napilitan siyang manatili rito sa halos dalawang dekada para lamang sustentuhan ang pangangailangan nilang labing-isang (11) magkakapatid.
Bago tumigil sa pangingisda, pinangunahan ni Renato ang SAMABA para tulungan ang mga mangingisdang dumaranas ng mga suliranin sa kanilang hanapbuhay at pangalagaan ang namamalakaya sa lungsod. Bahagi ng kanilang tungkulin ay ang magbutaw ng pondo tuwing sila’y nagtitipon para sa mga mangingisdang kapos at walang kagamitan. Ginamit nila ang naipon bilang pambili sa kanila ng bangkang nagkakahalagang 15,000-20,000 piso dati.
“10 fiberglass na bangka ang pinamigay noong panahon ni Villar, 2018. Ibinigay sa mga ‘di namang mandaragat,” pag-alala ni Tatay Renato nang tanungin kung nakatanggap ng tulong ang SAMABA mula sa gobyerno.
Sa huli, ibinenta lamang ng mga nahandugan ang mga libreng bangka imbis na ibigay nang kusa sa mga mangingisda.
“Hindi mawawala ang mga korap kasi mismong pinuno korap,” dagdag pa niya.
Maliban sa ganitong uri ng sistema ng nakakataas na lalong nagpahirap sa sitwasyon ng mga mangingisda sa Baseco, nasira ang samahan dahil sa mga isyu sa auditing at paghawak ng pera.
Sa kasalukuyan, ang 34-anyos na mamamalakayang si Rodel ang pumalit kay Tatay Renato bilang Presidente ng Samahang Mandaragat, isang grupong naitatag bago ang eleksyon noon lamang Oktubre. Binubuo ng mahigit 80 na miyembro ang samahan sa kasalukuyan.
Layunin ng samahan na gawing lehitimo ang mga panawagan ng mga mangingisda sa Baseco kung kaya’t puspusan ang pag-aasikaso nila sa kanilang pagrerehistro ng mga dokumento tulad ng titulo at by-laws.
Bukod sa pagiging lider ng samahan, gumagawa rin ng mga bangka si Rodel bilang dagdag puhunan. Bagamat ang kanyang presyo ay depende pa kung kakilala, kung minsan pa ay labor o pagtatrabaho lamang ang bayad sa kanya. Ito ay kanyang isang paraan upang bumawi sa mababang huli sa pangingisda.
“Simulang humina ‘yong huli ‘nong nagsimula ‘yong tambak. Karamihan tilapia, tabase ngayon. Sari-sari ‘nong sagana, tulad ng hasa-hasa, talakitok” ani Rodel.
Gabi kung siya’y pumalaot at uuwi lamang kapag may huli na.
“Bago magdilim, dapat nakapwesto na. Pero walang may hawak sa oras ng mangingisda,” aniya.
Ngunit ang panahong ginugugol ni Rodel sa dalampasigan ay hindi na tulad ng dati kung saan umaabot pa sa 18,000 piso ang kita ng mga grupong naglalaot. Ngayon, 300 piso na lang kada araw ang kita habang may 500 piso na kapital na hahatiin pa sa tatlo para sa isang tao sa maintenance at dalawang naglalambat.
“Minsan wala, minsan mayroon. Wala nang maramihan. Pinakamataas na talaga ang 500 piso,” dagdag ni Rodel.
Katulad ni Tatay Renato noon, danas ni Rodel ngayon ang mga epekto ng mga proyektong pangkalikasan ng gobyerno, partikular ang dulot ng reklamasyon at dredging sa Manila Bay.
“Mahirap ‘yong reclamation dahil wala nang grasyang pumapasok,” sambit ni Rodel.
Aniya, kinakailangan pa niyang pumalaot sa Pier South para lamang makapangisda dahil hindi na sila makalapit sa kanilang sadyang pinangingisdaan bunsod ng mga ginagawang pagtatambak at siya namang pagtataboy sa kanila ng mga naglalakihang barko.
Ayon sa kanya, kapos na kapos ngayon dahil sa malalaking barkong nakapaligid at sa maritime na nagpapatubos ng 3,000 piso para sa mga nahuhuling maliliit na bangka na walang rehistro. Dagdag pa niya na kung minsan ay hindi na ito natutubos ng ibang mangingisda dahil walang papel at hindi sapat ang pera.
“Sana naging Chinese na lang ako para mas may karapatan pa ko. Mas pabor pa dito sa mga mayayaman,” pakutyang komento pa ni Rodel.
Bukod sa pakikipagpatintero sa mga naglalakihang barko, problema rin para sa mga mangingisda ang sinasabing pagpaparehistro dahil hindi na nga sapat ang kanilang kita dulot ng mababang huli.
Matapos ang pag-amyenda sa Republic Act of 10654, naging mahigpit ang patakaran lalo na sa panghuhuli ng Maritime Industry Authority (MARIMA) na nagtatakda ng mas mataas na multa sa mga mahuhuling walang rehistrong bangka
Malaking disbentahe ito sa bahagi ng mga mangingisda tulad ni Rodel na naghihirap makapag-ipon para sa pagpaparehistro.
Ayon sa kanya, aabot sa 18,000 piso ang pagpaparehistro na kanilang babayaran sa halagang 700 piso kada taon o higit 25 taong pagbabayad.
“Palya na nga ang kita, magkakautang ka pa ng sobra 2,000 piso kapag nahuli ka,” dismayadong dagdag ni Rodel.
Dahil sa ganitong kalagayan, napipilitan ang ang mga dating kasamahan ni Rodel na magtrabaho na lamang bilang construction worker o welder.
Matinding aray rin para sa mga mangingisda ang mga pagkakataong nakababangga ang mga maliit na bangka ng malalaking dredging vessels.
Hindi maiiwasan ang mga ito lalo na kung malalakas ang mga alon at ang pwesto ng pinaghuhulihan nila ay inookupa na ng mga dambuhalang barko, paliwanag ng mga mangingisda.
Anila, lalo lamang itong nagpapaigting ng panggigipit na kanilang nararanasan sa mga naglalakihang barko.
Katunayan, bago ang panayam, abala si Rodel sa pagkumipuni ng likurang bahagi ng kaniyang bangka na kamakailan lamang ay tumama sa isang barko.
Bilang kilalang tagakumpuni ng bangka, ipinaliwanang ni Rodel na ang halaga ang maintenance ay nakadepende sa laki nito.
Umaabot ang malalaking bangka ng 120,000 piso, habang 40, 000 piso naman sa mga may makina na katamtaman ang laki at 20,000 piso naman sa maliit. Aniya, ito ang bumubuhay sa kanilang bangka kung kaya’t napakahalaga na may hiwalay itong parte sa kanilang kita.
Ang Reklamasyon ng Lupa sa Baseco
Ang land reclamation ay isang paraan para palawakin ang magagamit na lupain upang tugunan ang mga pagdedebelop ng mga imprastruktura at iba pang proyekto para umano sa paglago ng ekonomiya at paglaki ng populasyon.
Ngunit malinaw kina Tatay Renato at Rodel na ang reklamasyon ay lalo lamang nagpabigat sa mga suliranin ng kanilang komunidad sa Baseco.
Mayroong humigit-kumulang 25 proyekto na naglalayong mabawi ang mahigit 10,000 ektarya ng lupain sa Manila Bay mula sa lungsod ng Navotas hanggang sa lalawigan ng Cavite: ang Baseco Reclamation Project na may planong 40-ektaryang reklamasyon ng lupa na matatagpuan sa kanluran ng Engineer’s Island; ang BRADI Smart Harbor Manila na isa namang 200-ektaryang reclamation project na iminungkahi ng Baseco Rehabilitation and Development, Inc. (BRADI) at nasa yugto pa ng aplikasyon; at ang inaprubahan na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila noong 2017, ang New Manila Bay – City of Pearl, kilala rin bilang Baseco Reclamation Project at New Manila Bay International Community, na may 407-ektaryang reklamasyon ng lupa na iminungkahi ng UAA Kinming Group Development Corporation.
Ayon sa mga mangingisda, may kamalayan na ang mga residente sa posibleng sakuna dulot nito ngunit mas nababahala sila sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng kawalan ng nakabubuhay na sahod at trabaho maging ang banta ng pagpapaalis sa kanilang tirahan.
“Simula nang umupo si Marcos (Pangulong Ferdinand Marcos Jr.), tumindi ‘yong epekto ng reclamation,” ani Rodel.
Aniya, ginagamit ng mga awtoridad ang usapin ng pagbabaha bilang banta o panganib dahilan para palayasin ang mga naninirahan sa Baseco. Ito ay sa kabila ng paglalaan ng Philippine Reclamation Authority ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng mga proyekto sa reklamasyon ng lupa na siyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagbabaha o ang tinatawag nilang banta para sa mga residente.
“Ayoko nang hiwalayan ang dagat. ‘Yan na ang pinaka-asawa ko,” ani Rodel.
Ang mga suliraning kinahaharap ng mamalakaya ng Baseco ay hindi lamang nalilimitahan sa karagatang nasasakupan nito. Bunsod nang malawakang pagsasagawa ng reklamasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mababakas ang magkakawangis na kalagayan ng mga lokal na mangingisda, mamamayan at kalikasang tumatamo ng masalimuot na pinsala ng mapanirang mga proyekto.
Isa rito ang mga mamamalakaya ng Limay, Bataan na pumapalaot sa tubigan ng Manila Bay hanggang baybaying Cavite. Karamay sila ng mga taga Baseco sa dilema ng papaliit na papaliit na espasyo ng pangisdaan at bumabagsak na dami ng huli at kita. Epekto ito ng 13,530 lawak ng isinasagawang dredging operation kung saan naranasan nila ang walang alinlangang pagsagasa ng mga malalaking dredging vessel sa kanilang mga inilagak na lambat. Katumbas ng pagmamalupit na ito ang nasayang na P6,000 halaga ng lambat at natangay na pag-asang kumita.
Kabilang pa sa mga lugar na dumarananas ng halos pareho ng sitwasyon ay ang mga baybayin ng Cavite at Bulacan. Sa karagatan naman ng Zambales, na sa halip na dredging vessel mula sa mga kapitalista, pasakit sa kanila ang cargo vessels ng China na tumatangay sa mga corals na nagsisilbing panganakan ng mga isda.
Ang Baseco na hangad ng mga mangingisda
Ang pagiging mamalakaya sa Baseco na siyang pangunahing hanapbuhay dito ay naging isa nang pasakit dahil sa kakarampot na kita at banta ng hulihan.
Dumagdag pa ang hirap ng pagiging isang mamamayan dito na iniinda ang tumataas na lebel ng baha na dulot ng reklamasyon. Kasama rito ang panganib ng tumataas na kaso ng Leptospirosis na manipestasyon ng maruming kapaligiran at napababayaan.
Habang pasanin nila ang mga kabigatang ito sa kanilang araw-araw na pamumuhay, panawagan ni Rodel ang pagkakaroon ng agarang pagpapatigil sa mga proyektong reklamasyon at dredging sa Manila Bay.
Sa kabila ng banta ng demolisyon ay naninindigan sina tatay Renato at Rodel na sila ay mananatili sa komunidad ng Baseco. Anila, ang kailangan lang naman sa kanilang komunidad ay rehabilitasyon.
Bukod pa rito ang panawagan nilang ayuda laluna sa mga komunidad na sadyang hirap ang kalagayan bunsod ng kawalan ng hanapbuhay.
Hangad din ni Rodel ang pagkilala at paggalang sa kanilang maliliit na mangingisda ng mga awtoridad sa kabila ng hindi pantay na pagtrato sa pagitan ibang mga lumalaot tulad ng Tsina kung saan malayang nakapangingisda ang mga ito nang hindi hinuhuli.