Sa baybayin ng look ng Maynila matatagpuan ang isang maliit na lungsod na kilala sa pampangisdaang komunidad nito. Hindi na bago sa mga residente rito na makakita ng mga bangka na ididaraan sa malalaking kalsada kasabayan ng mga sasakyan. Ang Navotas ay may libo-libong residente na binubuhay ng dagat.

Karugtong ng kanilang kabuhayan ang bawat hampas ng alon. Tulad ng mga tahanan nilang nasa dalampasigan, ganoon na lang rin kadikit ng dagat ang araw-araw na pamumuhay nila.

Sa Barangay Sipac-Almacen sa Navotas, humigit kumulang 9,163 na pamilya ang nakatira. Puno ng kawayan ang dalampasigan na nagsisilbi ring tawiran mula sa mga bahay papuntang dagat ng mga residenteng namumuhay rito. May mga bakanteng bangka, may mga paparating galing sa laot, at may mga naghahanda pa lang mamalakaya, ilan dito ay ang mga mandaragat na si Raymond, 27 taong gulang at sampung taon nang mananahong, at si Supring na 62 taong gulang at apat na dekada nang mananahong at mangingisda sa Sipac.

Inilarawan ni Supring ang Navotas bilang napakaganda at napakalinis na lugar na puno ng maputing buhangin,  tila beach kung tawagin. Subalit, nagbago ito ng magsimula ng dumami ang naninirahan dito. Ang dating buhangin sa dalampasigan ay napalitan ng basura sa pampang. Ang asul na kulay ng dagat noon, ngayon ay halos parang itim na.

Bilang mandaragat na ng halos ilang dekada, isinalaysay nila ang pagbabago ng Navotas mula sa panahong masagana pa ang huli ng isda at ang ani nilang tahong, hanggang sa binalot na ng kapitalistang interes ang kanilang komunidad.

“Dati pagtayo pa lang ng baklad lamakan na sa dami ang isda. Isang pandaw pa lang, madami na. Mababa pa ang benta sa isda noon pero madaling kumita. Madaling manghuli ng isda kahit dito lang sa malapit,” ani Supring.

Subalit, sa paglipas ng panahon at pagdating ng reklamasyon sa dagat ng Navotas, nagsimula nang magbago ang dami ng kanilang huli. Mula sa isang daan at higit pang kilo ng isda at tahong na dinadala sa Market 3, o ang bagsakan nila ng nahuling isda, ngayon ay nasa kalahati na lang ng dami nito ang naibebenta. Kung hindi raw swertehin ay pang ulam na lang ang maiuuwi.

Ang Pandaragat Ngayon

Buong maghapon ang inilalaan ng mga mangingisda at magtatahong sa laot. Para sa mga mandaragat na si Raymond at Supring, sapat naman raw ang kita nila upang pagkasyahin sa kanilang pamilya maghapon. Subalit, para kay Mary Ann, na isang asawa ng mangingisda at nagbabadyet ng gastusin ng kanilang pamilya ay kulang ito.

Gaya ng alon sa dagat, hindi pare-pareho ang kita ng mangingisda at magtatahong. Kapag malakas ang huli ng isda, nakapaguuwi ang asawa ni Mary Ann ng higit sa limang daan. Ngunit kapag kaunti naman ang bigay ng dagat ay Php200 lamang ang kinikita na kailangan pa nilang pagkasyahin sa buong maghapon. Bawas pa dito ang pambili ng gasulina at pa-in para sa susunod na labas ng bangka. 

Paliwanag ni Mary Ann, ang gastos nila sa upa ng bahay kada buwan ay Php1,500. Mahigit dalawang libo naman sa kuryente, at dahil wala silang sariling tubig, sila ay nag-iigib na umaabot ng Php90 kada isang dram. Ang lahat ng ito ay manggagaling sa buwanang sahod ng kaniyang asawa na anim na libo.

Si Raymond naman na isang mananahong at pumapalaot mula ala singko ng umaga hanggang alas tres ng hapon ay kumikita ng higit Php600 kada palaot, at higit isang libo naman kung maganda ang ani ng tahong. Si Supring naman ay kumikita ng limang daan kada palaot, at pumapandaw ng apat na beses na lang sa isang linggo, imbes na araw-araw.

Ito raw ay dahil madalas ng kakaunti ang kanilang nahuhuli, kinakailangan ng magbawas ng araw ng paglaot para hindi sagarang malugi.

Paghimasok ng reklamasyon sa Navotas

Isa lamang sa 22 na proyekto ng reklamasyon sa Manila Bay ang Navotas Coastal Bay Reclamation Project. Sinasabing aabot ng 650 ektarya ng lupa ang maaring magawa kapag naisakatuparan ang proyektong ito. 

Ayon sa ilang residente na nakatira sa Sipac, nagsimula ang reklamasyon noong Oktubre nang nakaraang taon. Nagkaroon raw ng sabi-sabi sa kanilang lugar tungkol sa plano ng gobyernong proyekto ngunit hindi idineklara kung ano ang gagawin sa planong ito. Iba-iba rin ang inaasahan ng mga residente, ang tinatambakan raw ay gagawing airport, expressway, at maging bagsakan ng isda o fish port.

“Nagulat na lang kami may nagtatambak na dyan,” saad ni Mary Ann, sa usapin kung pormal bang kumonsulta ang lokal na gobyerno sa kanilang mga residente patungkol sa proyekto.

Dagdag pa niya, ang operasyon daw ng pagtatambak ay mula umaga hanggang gabi, walang pinipiling oras ang mga manggagawa. Laking perwisyo raw ito sa mga tao lalo na sa mga mangingisda na gusto lamang na maghanapbuhay. 

Sa usaping pangkabuhayan, ayon kay Supring, nang nagsimula ang reklamasyon, unti-unting tumatamlay rin ang huli ng mga isda at tanim na tahong sa dagat ng Navotas. Ito ay dahil sa ginagawang pagtatambak ng lupa sa dagat, nabubulabog ang tirahan ng mga isda at naapektuhan ang kalidad ng mga ito.

“Itong lugar namin, dyan dadaan yung barko, yung magtatambak dito, naapektuhan yung tahungan namin, yung baklad namin tinanggal, dalawa, ay hindi, apat, pati yung sa kapitbahay namin,” saad ni Supring.

Paliwanag pa niya, nag-alok raw ng bayad ang korporasyong nagtatambak sa lugar nila kapalit ng pagtanggal ng mga tahungan. Nung una ay hindi siya pumayag, pero nang malaman na tatanggalin pa rin naman ang mga baklad nila kahit hindi sila magpabayad,  tinanggap niya na lang ito kesa raw walang makuha.

Bilang ang dami ng anahaw sa isang baklad ay nakadepende sa laki nito, ang naging kasunduan ay tatlong libo kada anahaw raw, subalit hindi ito nasunod. Nakatanggap si Supring ng Php50,000, wala pa sa kalahati ng nasabing kasunduan at hindi na ito nasundan pa dahil pinatigil raw ito ng lokal na gobyerno. Aniya, maliit na halaga ito kumpara sa kikitain sana.

Banggit din ni Supring, simula nang mag tambak, nag iba sila ng lugar ng palaot, mas malayo na kumpara sa nakasanayan. Mas malaki na rin ang kunsumo ng gasulina, na dating hindi aabot sa kalahati ng isang malaking container, ngayon ay makauubos na ng isa nito pero salat pa rin sa huli.

“Kumikita na lang ‘yang mga yan (mga mandaragat) sa tahong, sa isda hirap sila,” paliwanag ni Supring sa pagbigat ng paghahanapbuhay nila. Ang pag-asa nilang tahong, pinatatanggal pa.

Bukod pa rito, isa pang naging problema ng mga mangingisda at mananahong ay ang lumayong bagsakan ng kanilang mga produkto. 

“Dati kasi yung tinatambakan na yun (ang kasalukuyang reklamasyon), yun yung bagsakan, yun yung merkado noon tas nalipat na ngayon sa tabi ng pier. Mas nahirapan kami don kasi dikit-dikit yung mga barko doon. Kumpara dito, malaki yung space.” salaysay ni Raymond.

Sa layo ng kailangan lakbayin ng mga huling isda at tahong para maibenta, gumagastos ng mas malaki sa gasolina ang mga mangingisda dito. May mga pagkakataon rin daw na nananakawan sila ng mga kargador ng isda kapag walang bantay ang kanilang banyera.

Protesta laban sa reklamasyon

Bilang pagtutol ng mga residente sa pagtatambak ng lupa sa kanilang lugar ng tirahan, agad na nagkaroon ng samahang lokal na kinabibilangan ng mga mangingisda, magtatahong, mga asawa ng mga mandaragat, at ng iba pang residenteng hindi pumapayag na maapektuhan ang kanilang pamumuhay.

Nagwelga ang mga residente malapit sa dalampasigan upang ipakita na hindi nila tinatanggap ang reklamasyon. Pansamantalang gumaan ang loob nila nang magbigay ng kautusan si Pangulong Bongbong Marcos noong Agosto na nagsasabing patigilin ang pagtatambak sa Navotas at sa iba pang kontrobersyal na proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Nahinto nang halos ilang linggo ang operasyon ng reklamasyon, ngunit tahimik at paunti-unti ring nagsulputan ang mga barko ng malaking korporasyon, hanggang sa nanumbalik ito sa pagtatambak.

Sa pahayag ni Supring, noong una raw ay nagkaisa ang mga residente laban sa reklamasyon, ngunit hindi sila nabigyang pansin ng lokal na gobyerno.

“Nagbuo na kami ng rally, lumalaki-laki na yun, kaso natakot naman yung ibang mga lider namin dahil nabalitaan, bumubuo kami ng grupo. Ang sagot ng mga tao sa munisipyo, nilusob na daw sila ng mga rebelde. Parang siniraan pa kami, wala naman kaming armas, paano naging rebelde ‘yun?”paliwanag niya.

Dagdag pa niya, marami raw talaga ang tumututol sa reklamasyon pero marami rin ang humaharang na makapagbuo sila ng grupo. Sa tuwing babalakin nila ang magwelga, hihingian raw sila ng permit ng mga pulis. Subalit, sa tuwing manghihingi sila ng nasabing permit ay hindi naman sila pinagbibigyan.

Ang Navotas sa mga susunod na taon

Bagama’t hindi pa naapektuhan ang tinatayuan ng bahay ng mga residente sa ngayon, aminado sila na sa mga susunod na taon ay may posibilidad na lumubha ang pagbaha sa lugar nila, kung di naman ay tuluyan na silang paalisin dito.

Bilang bahain na ang lugar ng Navotas, pinangangambahan ng mga residente na magkaroon pa ng bara dahil sa mga tinatambak na lupa. Sa pahayag ni Supring, kung hindi raw maisasagad ang tambak at magkakaroon ng ilog, tiyak na may pagdadaluyan pa rin ng tubig at maiiwasan ang mga malubhang pagbaha sa lugar.

Sa usaping pabahay, huhukayin at palalalimin raw ang lugar na malapit lang din sa kung saan sila naninirahan ngayon. Ililipat rin daw ang mga bangka para may lugar na pagtayuan ang mga planong pabahay na nasabing may buwanang upa na tatlong daan sa paliwanag ni Mary Ann.

Ang panawagan ng mga mandaragat

Ang bayan ng Navotas ay may libo-libong pamilya ang nakadepende sa dagat at napakalaking dagok ang kanilang kinaharap dahil sa pagtatambak.

Hangad ng mga mangingisda na unahin sanang isipin ng gobyerno ang kapakanan ng mga residente bago ang anumang pakikipagkasundo sa mga negosyante. 

“Pag nagtambak sila madadamay yung mga negosyo sa dagat, sa laot. Wala naman problema kung tambakan nila ‘yan, wag lang idadamay yung mga tahungan sa laot,” paliwanag ni Supring.

Hindi naman raw problema para sa kanilang mga mandaragat ang ginagawang pagtatambak kung makikita nilang may magandang epekto ito sa taumbayan. Hiling nila na sana ang magiging proyekto ay hindi makakaperwisyo sa kanilang araw-araw na pamumuhay at hindi magiging dahilan ng pagkalubog ng Navotas.

Gayunpaman, dahil may posibilidad pa rin na mawala ang kanilang kabuhayan, hinihimok niya ang kaniyang mga kasamahan na ipaglaban pa rin ang kanilang mga karapatan dahil madadamay ng reklamasyon ang lahat ng maari nilang pagkakitaan sa dagat. 

Panawagan rin ng mga residente na sana ay maisakatuparan ang pangakong murang pabahay at huwag sana paalisin ang mga mandaragat sa Navotas.

“Kailangan din ng taumbayan ang dagat, hindi lang naman sila,” giit ni Supring.

Sa pag-usbong ng mga naglalakihang mga komersyal na gusali at korporasyon na nais kamkamin hindi lang ang lupa pati na rin ang dagat, nais ng mga magdaragat ng Navotas na huwag sanang tapusin ang pamumuhay nila rito dahil dito lamang sila nakakakuha ng pantustos sa pang araw-araw.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here