Hindi ko akalaing magsusulat ako muli ng ganitong tipo ng mensahe. Higit tatlong taon na mula noong gabing iyon na ako’y sinabihan na magbigay ng talumpati upang alalahanin ang isang kasama. Naiisip ko pa rin ang gabing iyon. Kahit anumang paghahanda ang ginawa ko ilang minuto ang lumilipas bago ako tuluyang makapagsalita sa harap ng mga tao. Kahit anong pigil ko, hindi ko pa rin nagawang sarilihin ang mga luha at hikbi.
Siguro kung pinalad ako na makapiling kayo ngayong gabi, ganoon rin siguro ang makikita niyo–tiyak na mapuputol at mapuputol ang aking talumpati dahil hindi ko rin mapipigilan ang pag-iyak.
Pero magtiwala kayo na kahit ilang libong kilometro ang layo ko mula sa Mindanao, magkakasing bigat lang ang nararamdaman nating lahat.
Una kong nabalitaan ang pagpanaw ni Perper bandang tanghali ng November 5. May masama na akong kutob noong nabasa ko ang text message na iyon. Nagalit pa ako sa nagbahagi ng balita sa akin dahil hindi pa agad masabi kung ano ang masamang balita. Natakot ako, iniisip ko na sana huwag siya. Ayoko na naman mawalan ng isang kapatid at kasama. Kalaunan ay sinabi na rin niya sa akin–wala na si Perper.
Naging magkasama kami ni Perper sa UP. Kung iisipin, magkabatch kami sa halos lahat ng mga bagay–sa University Student Council, sa confraternity at sa kilusan. Una kong nakilala si Perper bilang slatemate. Tumatakbo ako noon bilang konsehal habang siya naman ay para sa college representative. Ang first impression ko kay Perper? Matalino. Mahilig siya magtanong. Napatunayan ko pa ito lalo sa mga educational discussions kung saan kami naging magkakaklase. Magkasama kaming namulat sa maraming bagay, mula sa isyu ng mga estudyante sa loob ng unibersidad hanggang sa isyu ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita.
Mas lalo kaming naging malapit ni Perper noong naging magkabatch kami sa pagpasok sa confraternity. Doon naging mas solid ang samahan naming lahat, hindi lang namin itinuring ang isa’t isa bilang magkatrabaho sa council, kundi bilang magkapatid na rin. Sa loob ng kapatiran, naging mas matatag ang aming mga prinsipyo.
At mula doon, naging tuloy tuloy na lahat. Nagkasama kami sa pinakaunang graduation protest ng UPMin at sa marami pang pagkilos pagkatapos noon. Sa sumunod na school year, nagsilbi akong tagapangulo ng USC habang siya nama’y naatasang itayo ang bagong balangay ng League of Filipino Students kung saan siya ang naging tagapangulo. Malaking taon para sa amin ang 2010. Naalala ko pa rin ang isang buwang halos araw-araw kaming umiikot sa mga klasrum at nagdidikit ng pubmats sa eskwelahan para marami ang mapakilos laban sa SUC budget cut sa ilalim ng unang taon ni BS Aquino.
Nahalal siya bilang tagapangulo ng USC pagkatapos ng aking termino. Nagkarooon pa nga kami ng maliit na diskurso matapos lumabas ang balita ng aking deployment sa gawain sa ibang lugar matapos ang aking termino. Kailangan daw nila ng gabay ko bilang dating chairperson. Ngunit kahit hindi ko na matandaan ang mga eksaktong salitang aking nabanggit, ipinabatid ko sa kanilang malaki ang tiwala ko sa kanilang kakayahan. Kailangan lang nila magtiwala at maniwala sa kanilang mga sarili.


Hindi ko na masiyadong nakatrabaho si Perper pagkatapos naming magkalayo sa gawain. Pero alam kong pagkatapos niya sa UP, tuloy-tuloy na ang naging pagkilos niya sa loob ng kilusang kabataan at nakasalamuha niya rin ang ibang tao mula sa ibang mga sektor. Sa mga panahong ito, nagkukumustahan lang kami tungkol sa buhay sa mga panahong nagkakataong parehong hindi kami abala sa ibang mga bagay.
Naalala ko dati na lagi ko siyang inaasar dahil sa sobrang bagal niyang ligawan ulit si Treeng. Akala ko naman wala na, iyon pala, sobrang bagal lang talaga niya. Magaling siyang mass leader pero hindi siya madiskarte pagdating sa pag-ibig. Pero eventually, naging magkarelasyon naman sila ulit at naging masaya ako para sa kanilang dalawa.
Nagkita kami muli noong Mayo 2013. Hindi ko inakala na iyon na rin pala ang huling pagkikita namin. Mga ilang araw na lang iyon bago ako umalis patungong Maynila para maglingkod bilang Student Regent ng UP. Umasa akong pagbalik ko, magiging magkatrabaho ulit kami o at the very least, magkakaroon kami ulit ng panahon para magkumustahan. Ngunit iyon na pala ang huling pagkakataon ko upang makamusta siya nang personal.
Kung makakausap ko lang si Perper ngayon, siguro ang sasabihin ko ay “sorry”. Sorry at hindi ko na matutupad ang pangako kong magkikita tayong muli. Sorry, wala ako diyan ngayon upang personal kang parangalan. Hindi ko masasabing “paalam” dahil sa bawat araw na ipinagpapatuloy ng mga kasama ang laban na buong puso mong niyakap, ikaw, si Alvin, sampu ng lahat ng mga buhay na ini-alay para sa paglaya ng sambayanan, ay mananatiling buhay na buhay sa aming mga puso at alaala. Makakaasa kang ang iyong dakilang buhay ay magiging inspirasyon at ehemplo para sa mga bagong kabataang uusbong upang ipagpatuloy ang ating laban. Ang iyong kuwento at ala-ala ay mananatiling buhay sa mukha ng mga taong iyong ipinaglaban, iyong pinaglingkuran, buhay man ang inialay.
Tala ng Editor: Si Rendell Ryan ‘Perper’ Cagula ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan noong Disyembre 2013. Nasawi siya sa isang engkwentro sa Maasim, Saranggani noong Nobyembre 4, 2014.




























