Si Sherwin Calong ay galing sa isang pamilya ng maralitang lungsod sa Corazon de Jesus, San Juan. Ang kanyang pamilya ay nagmula sa Barugo, Leyte sa Silangang Visayas, mga Waray, na nakipagsapalaran sa Kamaynilaan para magkaroon ng trabaho at sana’y mas matiwasay na buhay.
Taong 2010 nang muling pinursige ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang pagpapalayas sa mga maralitang lungsod ng Corazon de Jesus. Natapyasan na ang komunidad ng erya na binansagang Rawis, sapagkat galing sa Rawis sa Hilagang Samar ang karamihan sa mga nagkumpol sa bahaging iyon. Mula pa pagkatapos ng Batas Militar, makailang ulit nang nai-award sa mamamayan at nai-award din sa lokal na pamahalaan ang lupa, depende sa kung sinong nakaupong pangulo ng Pilipinas. Masalimuot ang usapin sa lupa, ngunit ang malinaw ay naging piyon ang higit 10,000 residente ng Corazon de Jesus sa mga away-pulitika ng mga burukrata sa bansa. Bukod pa sa tinuturing na prime lot ang kinatitirikan ng barangay, malapit sa commercial center na Greenhills, hindi binabaha kahit noong bagyong Ondoy, at iba pang mahusay nitong katangian, pinag-iinteresan ito ng mga may interes na hindi para sa mga maralita.
Nang magbuklod ang mamamayan para ipaglaban ang paninirahan, naorganisa si Sherwin sa Anakbayan. Naging bahagi siya ng magiting na pagdepensa ng mga residente sa kanilang tirahan noong Enero 2011. Sa pagkakataong iyon, lumaban ang mga residente higit sa kanilang mga sariling interes at ari-arian. Kahit ang mga hindi pa nakatakdang idemolis ay lumaban. Higit pang namulat si Sherwin sa brutalidad ng estado sa isinagawang marahas na demolisyon, kung paanong wala silang pakundangan hindi lang sa mumunting ari-arian ng mga maralita, kundi maging sa buhay ng mga ito.
Dahil galing sa kanayunan, pamilyar naman si Sherwin at ang kanyang pamilya sa gerang sibil na nangyayari sa bayan, sa kanayunan. Nakintal kay Sherwin ang kawastuhan nitong paglaban dahil sa dahas ng estado na siya mismo ay nakaranas. Kaya nang nagkaroon siya ng pagkakataon, hindi na siya nagdalawang-isip na sumama sa pagbisita sa kanayunan, sa larangan ng armadong paglaban ng mamamayan. At iilang araw pa lang ay doon nagpasya na siyang magpaiwan. Hindi na siya sumama pabalik sa Corazon de Jesus. Kahit pa nakatakda ang panibagong demolisyon sa Corazon de Jesus noong Enero 2012. Hindi nagpatinag si Sherwin. At hindi malilimutan ng kanyang mga pinagbilinan at kanilang mga napagkuwentuhan ang kanyang determinadong pagpapasya:
“Matapos nating lumaban sa demolisyon, ganoon pa rin naman ang sistema ng lipunan natin.”
Pumili na siya noon ng bagong larangan ng labanan, kung saan tingin niya maaaring mawakasang tuluyan ang lahat ng uri ng pang-aapi sa mamamayan.
At lumaban siya, hindi lamang para sa sarili, hanggang sa huli.
Panoorin ang parangal para sa kanya noong 2012:
Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.




























