Labas sa mga trending topics na ipinalaganap ng kulturang popular (pop culture) at mainstream media sa taong 2016, hindi nagpahuli ang kilusang masa sa pagpapalaganap ng mga hashtags sa iba’t ibang social media platforms gaya ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa upang patampukin ang samu’t saring mga isyu, pakikibaka at laban ng mamamayan noong nakaraang taon.
Naging maingay at pinag-usapan hindi lang sa loob ng bansa kundi maging sa Worldwide trends ang ilang mga hashtag topics na binitbit ng iba’t ibang mga progresibong organisasyong masa.
Namaksimisa sa pagpapalaganap ng mga mahahalagang usaping pambayan at usapin ng mga marginalized sectors sa lipunan ang mga hashtags at social media nitong nakaraang taon. Susi sa epektibidad at lawak ng naabot nito sa hanay ng mga netizens ang mahusay na pagdama at pagbihag sa sentimyento ng panggitnang uri na may hawak sa opinyong publiko, dati sa trdisyunal na media at ngayon, maging sa social media. Naging mabisang daluyan din ng mga panawagan at pagsusuri sa mga maraming usapin ang social media sa pamamagitan ng mga trending hashtags noong 2016.
Ang pagiging trending din ng mga hashtags na ito ang dahilan kung bakit nailalathala at naibrodkas ang mga kampanya at pakikibakang masang ito sa mainstream media. Bukod sa pagpasok nito sa mga balita sa mga dominanteng pahayagan, radyo, telebisyon at internet ay niyakap ito ng masa at nakapanghikayat sa kanilang kumilos sa abot ng kanilang kakayanin.
Narito ang sampung hashtags na tumatak sa kilusang masa sa taong 2016:
#MRTBulok
Nagmistulang mabisang ulatan ng bayan ang social media sa kanilang mga reklamo hinggil sa bulok na mga pasilidad at sistema ng mass transport, partikular ang MRT at LRT. Nitong 2016, nagpatuloy ang paggamit ng mga naperwisyong mga mananakay ng MRT at LRT ang hashtag na #MRTBulok upang iparating sa kinauukulan, maging sa mga kapwa nila netizens ang mga usapin ng mahahabang pila, nasiraang bagon ng tren, hindi sumasarang mga pintuan ng tren, tumutulong tubig at maraming iba pa.
Reklamo ng marami, walang nagbago sa pamamalakad sa MRT at sa mga bulok at kulang-kulang nitong pasilidad gayong taong 2015 pa nang magtaas ng singil ng pasahe ang Department of Transportation and Communication (DOTC) at LRT Authority. Samu’t saring protesta na rin ang nailunsad ng iba’t ibang mga grupo kaugnay nito.
Mas tumampok ang hashtag na #MRTBulok nang mapabalitang hinuli ng mga gwardya ng MRT sa Quezon Avenue ang aktibista at commuter rights advocate na si Angelo Suarez noong Agosto 23, 2016 dahil diumano sa pagsusulat nito ng “MRT BULOK” sa isang tren ng MRT. Kahit walang direktang ebidensya, kinasuhan at ikinulong pa rin si Suarez at pinalaya na lamang kinabukasan.
#EndContractualization
Hindi rin nagpahuli ang manggagawang Pilipino sa pagtutulak ng kanilang adbokasiya laban sa kontraktwalisasyon o “endo” sa larangan ng social media. Gamit ang hashtag na #EndContractualization, ipinahayag nila ang kanilang mga sentimyento at pagsingil sa nabibinbing pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan nito ang “endo” sa unang anim na buwan ng kanyang panunungkulan.
Gamit din ang hashtag na ito, mas tumampok ang pagsasamantala sa mga manggagawang kontraktwal at mas naipakita sa madla kung sinu-sinong mga kompanya ang mayroong malalaking bilang ng mga kontraktwal na manggagawa na pinangungunahan ni Henry Sy na may humigit kumulang 40,000 kontraktwal na empleyado at sinusundan ng PLDT ni Manny Pangilinan na may 29,000 kontraktwal at Jollibee Foods Corporation ni Tony Tan Caktiong na may 28,000 na manggagawang kontraktwal.
Tampok din sa taong 2016 ang pagkakapanalo ng mga kontraktwal na manggagawa ng higanteng kompanya sa mass media na GMA kung saan idineklara ng National Labor Relations Center o NLRC na regular na mga empleyado ng GMA na kasapi ng Talents Association of GMA-7 o TAG.
#TheChangeWeNeed
Ang #TheChangeWeNeed ang hashtag na ipinantapat sa islogang “Change is Coming” na bitbit ng administrasyong Duterte sa kanyang pag-upo sa kapangyarihan. Nagsilbing daluyan ang hashtag na ito upang maiparating ng simpleng mamamayan ang kanilang mga nais na pagbabagong maramdaman sa loob ng anim na taong panunungkulan ng bagong gobyerno na nangako ng pagbabago.
Isinabay ang pagpapalaganp ng nasabing hashtag habang inihahanda ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang isang National People’s Summit sa Maynila noong Hunyo 29, 2016 bago ang inagurasyon ni Pangulong Duterte. Sa nasabing pagtitipon, malaki ang naitulong ng mga nakalap na mga kahilingan ng mamamayan gamit ang #TheChangeWeNeed upang isama sa inihandang “People’s Agenda for Change” na iniabot mismo kay Duterte.
Umabot pa hanggang sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte noong Hulyo 25, 2016 at sa ika-100 araw nito sa pwesto noong Oktubre 7, 2016 ang paggamit ng #TheChangeWeNeed upang makuha pang higit ang pulso ng mamamayan hinggil sa mga usapin sa ekonomiya, patakarang panlipunan, kapayapaan, karapatang pantao, pambansang soberanya at patakarang panlabas ng administrasyong Duterte.
#FreeAllPoliticalPrisoners
Upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao para sa taong 2016 at ipanawagan ng grupong Karapatan ang pagpapalaya sa mahigit 400 na mga bilanggong pulitikal sa buong bansa, inilunsad at itinirik ang #FreeAllPoliticalPrisoners Solidarity Fasting Center sa paanan mismo ng Mendiola simula Disyembre 3-10. Layon nitong itulak ang administrasyong Duterte na tuparin ang ipinangako nitong pagpapalaya ng lahat ng mga bilanggong pulitikal.
Umani rin ng malakas na suporta ang kampanyang ito maging sa social media nang gamitin ng mga netizens ang hashtag na #FreeAllPoliticalPrisoners. Unang ginamit ang hashtag na ito noong nakaraang taon simula pa lamang nang maupo si Pangulong Duterte nang sinabi nitong sisimulan na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Matapos nito ay isa-isa nang pinalaya ang mga NDFP peace consultants kabilang ang mag-asawang Wilma Austria at Benito Tiamzon.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang panawagan para sa pagpapalaya ng mahigit sa 300 pang mga bilanggong pulitikal. At lalong paulit-ulit na lumulutang ang hashtag sa kada kapapangako ni Duterte at kanyang mga opisyal ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.
Sunod-sunod din ang mga pangyayari na nag-udyok sa paulit-ulit na paglaganap ng hashtag na ito. Nobyembre 25 nang kinamatayan na ng bilanggong pulitikal na si Bernabe Ocasla, 66 sa Jose Reyes Memorial Hospital ang paghihintay sa kanyang kalayaan. Bagamat tila nagmamatigas pa si Duterte, sinabi naman nitong handa na niyang palayain di umano ang mga nakapiit pang mga matatanda na at mga maysakit. Bago ang taunang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10, naglunsad ng isang linggong hunger strike at fasting ang mga bilanggong pulitikal, kanilang mga pamilya at tagasuporta at mga miyembro ng mga progresibong organisasyon. Sa anibersaryo naman ng Communist Party of the Philippines, nagdaos ng mga peace rallies sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nanawagan ng pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal bilang pagsunod sa mga kasunduan sa peace talks.
#BigasHindiBala
Bigas ang hiningi ng gutom na mga magsasaka ng Kidapawan, ngunit bala ang ginanti sa kanila ng pamahalaan. Naglabasan ang maraming hashtag tugon sa usaping ito hanggang napag-isa ito sa #BigasHindiBala, matapos ang madugong dispersal sa kahabaan ng Cotabato-Davao Highway tanghali ng Abril 1, 2016. May 15,000 sako ng bigas ang matagal nang nakabinbing ibigay sa mga magsasakang ilang buwan nang biktima ng El Nino at nakararanas ng gutom. Kung kaya’t sila ay nagbarikada at nagprotesta upang igiit ang agarang pag-release ng relief goods na bigas.
Ilang oras lang matapos ang pandarahas ay naging Worldwide trending topic ang #BigasHindiBala sa Twitter. Umani ng simpatiya at tulong ang mga magsasaka mula sa mga netizens at ilang mga sikat na personalidad gaya nila Robin Padilla, Angel Locsin, Manny Pacquiao, Daniel Padilla, Bianca Gonzales, Aiza Seguerra at marami pang iba.
Bukod sa mga nakalap na suporta, nagsilbing inspirasyon ang social media campaign na #BigasHindiBala at nagmitsa ng iba pang mga katulad na barikada at porma ng pagkilos ang naitala sa iba’t ibang panig ng bansa upang magsama-sama ang mga biktima ng kagutuman at tagtuyot na maningil ng tulong mula sa pamahalaan.
#LakbayanPambansangMinorya
Oktubre 19, 2016 nang maganap marahas na dispersal sa pagkilos sa harapan ng US Embassy sa Maynila nang sagasaan ni PO3 Franklin Kho sa utos ni MPD Col. Marcelino Pedroso ang mga nagpoprotestang mga pambansang minorya na kasapi ng bagong tatag na alyansang Sandugo. Nasa ika-anim na araw noon ng #LakbayanPambansangMinorya nang maganap ang nasabing karahasan na lumikha ng ingay hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa labas ng bansa.
Bitbit ng mga pambansang minorya ang pagsuporta sa panawagan ni Pangulong Duterte para sa isang nagsasariling patakarang panlabas o independent foreign policy nang magtungo sila sa harapan ng embahada ng US. Mahigit isangdaan ang nasugatan at dinala sa mga pamagutan dahil sa insidente, kabilang ang 61 anyos na Lumad na si Baling Katubigan.
Sinundan pa ng araw-araw na protesta ng #LakbayanPambansangMinorya ang mahigit sa tatlong linggong pananatili ng mga lakbayani mula sa iba’t ibang panig ng bansa kabilang ang mga protesta sa opisina ng Department of Justice, National Commission on Indigenous People, Camp Crame, Camp Aguinaldo, Philippine Stocks Exchange at marami pang iba.
#StopTheKillings
Laman araw-araw ng mga balita ang kaliwa’t kanang patayan sa mga maralitang mga komunidad dahil sa “gera kontra droga” na pinasimulan ng gobyernong Duterte. Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos 6,000 ang mga namamatay sa buong bansa.
Dahil dito, pinasimulan ang kampanya at hashtag na #StopTheKillings upang maging ugnayan ng pagtutol laban sa sunod-sunod na pagpatay. Ginagamit rin ang hashtag na ito upang manawagan ng pagrespeto sa buhay at pagtugon sa kahirapan na siyang ultimong ugat sa suliranin ng bansa sa iligal na droga.
Sa pagtatayo rin ng Stop The Killings Network at Rise Up For Life, nakapaglunsad na ng iba’t ibang mga aktibidad sa mga paaralan, komunidad at simbahan gaya ng #LightForLife candle-lighting, photo exhibits, inter-faith prayer gathering, noise barrage at rally sa opisina ng Department of Interior and Local Government sa Quezon City.
#MarcosNoHero
Naging maingay ang huling bahagi ng 2016 dahil sa pagbabasura ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Resulta nito, nag-anak ng malalaking pagkilos ang mamamayan sa pangnguna ng mga kabataan at estudyante sa iba’t ibang mga pamantasan gaya sa University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, Adamson University, Far Eastern University at marami pang iba.
Nag-trending naman ang #MarcosNoHero at #BlackFriday noong Nobyembre 18, 2016 nang mismong araw ng paglilibing kay Marcos sa LNMB. Nasundan pa ito nang magsama-sama ang iba’t ibang mga organisasyon sa pangunguna ng Bayan at Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacanang (CARMMA) sa isang mas malaking pagkilos sa Luneta noong Nobyembre 25.
#CHexit
Nagsimula ang #CHexit sa isang protestang pinangunahan ng Bayan Metro Manila sa harapan ng konsulado ng Tsina sa Lungsod ng Makati noong Hulyo 11, 2016. Isinunod ang nasabing hashtag sa #Brexit o ang pagkalas ng Great Britain sa European Union na nangyari at sumikat sa buong mundo bago lang muling uminit ang usapin sa panghihimasok ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas.
Ang nasabing protesta noong Hulyo ay itinaon bago maglabas ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands sa kaso ng pag-angkin ng Tsina sa South China Sea kabilang ang mga katubigan na sakop ng Pilipinas. Kinabukasan, inilabas ang desiyon na pumapabor sa Pilipinas na ipinagbunyi ng buong bansa. Naging daluyan na rin ng pagkakaisa para itulak ang matagal nang hinihintay na desisyong ito ang paggamit ng #CHexit sa social media.
Sa mahigit dalawang araw ay naging top trending topic ang #CHexit sa Pilipinas at sa Worldwide trend na lumikha ng ingay sa iba’t ibang malalaking mainstream media outfits sa loob at labas ng bansa.
#JustPeace
Pinakatampok na hashtag ngayong taon ang #JustPeace at ilang mga katulad na mga hashtags patungkol sa kampanya hinggil sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP pagkapasok na pagkapasok pa lamang ng administrasyong Duterte. Kabilang sa mga kampanyang ito ay ang #JuanForPeace, #ActforPeace, #JustPeacePH at iba pa.
Sa kasalukuyan, natapos na ang dalawang rounds ng peace talks at may napipintong ikatlong pag-uusap ngayong Enero 2017. Bukod sa mga ilang napalayang mga peace consultants at pagkilala ng gobyernong Duterte sa mga napirmahan nang mga kasunduan sa nakaraan, layon ng nagaganap na usapang pangkapayapaan na resolbahin ang kahirapan na siyang ugat ng armadong tunggalian sa kanayunan.
Bunsod ng masigasig na kampanyang #JustPeace ay may mga City Resolutions sa Metro Manila na sumusuporta sa usapang pangkapayapaan na naipasa na sa iba’t ibang panig ng bansa. Nakapaglunsad na din ng iba’t ibang mga pagtitipon gaya ng mga peace forums, peace camps at iba pa upang ibayo pang palakasin ang panawagan para sa pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa katarungan.