Mahirap isatitik ang 33 taon ng buhay ng isang tao, lalupa’t alam mong hindi talaga makasasapat ang mga salita para tumbasan ang kinang nito tulad na lamang ng kinang ng makabuluhang pamumuhay sa daigdig ng isang tulad ni Recca.

Si Recca Monte, 33 taong gulang, ay isa sa pitong miyembro ng New People’s Army na pinaslang at nilapastangan ng 41st Infantry Battalion ng Philippine Army sa ilalim ng 5th Infantry Division sa Lacub, Abra noong ika-4 ng Setyembre 2014. Ang operasyon ng militar sa naturang komunidad ay tumagal nang mahigit isang linggo. Kasama rin nilang nasawi nu’ng panahong iyon ang dalawa pang sibilyan.

Sino si Recca?

Recca with her elder sister Jang.
Recca with her elder sister Jang.

Si Recca mula pa pagkabata ay masayahin, makulit at sa kabila ng kanyang pagkabulol kung saan ang “walis” ay nagiging “lawis” at ang paborito niyang gatas noon na “Alpine” ay nagiging “Apline,” siya ay madaldal. Cute.

Matalino at mahusay siyang magkabisa. Tatlong taon siya noon nang bigkasin ang tulang “Three Little Kittens” sa isang programa sa daycare na kanyang pinasukan. Nagtapos siyang valedictorian nu’ng elementarya at isa sa mga silver medalist ng batch 1997 ng Manila Science High School. Pumasa siya sa UPCAT at nag-qualify pa nga sa Intarmed pero pinili niyang pumasok sa College of Engineering sa UP Diliman at kunin ang kursong Industrial Engineering bilang iskolar ng DOST.

Sa mga unang taon niya sa UP Diliman ay napabilang siya sa pangkulturang grupong Alay Sining. Mahilig nga kasi siyang kumanta at gusto raw niyang matutong maggitara. Dito nagsimula ang kanyang pagkamulat sa iba’t ibang isyu at suliranin ng mga kabataan at ng lipunan.

Naging aktibo siya sa mga kampanya laban sa tuition fee increase at sa komersyalisasyon ng UP. Kasama siya sa mga nanawagan para sa karagdagang subsidyo para sa mga state universities.

Sa kalaunan ay nilahukan na niya ang pag-aaral at pakikilahok sa mga pakikibaka sa labas ng unibersidad kaya’t natagpuan siya sa welga noon ng mga manggagawa ng SM, sa mga pakikipagpulong ng mga manggagawa ng PAO at sa mga komunidad ng mga magsasaka sa Mindoro kung saan nagtayo sila ng chapter ng Anakbayan.

Si Kasamang Tet, New People’s Army

April 24, 2002, ika-21 kaarawan ni Recca, nang dumalo siya sa taunang Cordillera Day na inilunsad sa Kalinga, inihayag niya ang kanyang intensyong maging bahagi ng New People’s Army sa naturang probinsya.

Tawagin na raw namin siya sa ibang pangalan. Nagpabagu-bago pa ito pero pinakanakasanayan ng marami ang katawagang “Tet.” Paliwanag pa niyang hinalaw ito sa isang matagumpay na opensiba ng mga Komunista sa Vietnam.

Mula noon, naging madalang na ang aming pagkikita. Ang pakikipag-ugnayan ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga liham, pana-panahong mga text messages at sa mga pagkakataong nakapagbabakasyon siya o nakakabisita kami sa kanilang lugar na kinikilusan.

Kaya naman sa tuwing buhay ang linya ng komunikasyon, harapan man o hindi ang pakikipagtalastasan, hindi maubos ang mga kwento at kumustahan.

Hindi matapus-tapos ang kanyang pagpapaliwanag sa aming pamilya kung bakit sa kabila ng matatarik, mahahaba at nakakapagod na paglalakad, sa kabila ng hirap ng walang permanenteng tinutuluyan, sa kabila ng pana-panahong gutom at walang katiyakan sa pagkain at suplay ng mga batayang pangangailangan, pinipili niyang manatili sa piling ng masa at maglingkod sa kanila bilang kanilang sundalo.

Paliwanag pa niya, mahirap ang buhay sa Kalinga. Pinaalis ang mga katutubo sa lupaing inaruga’t pinaunlad ng kanilang mga ninuno. May banta doon ng malakihang operasyong pagmimina. May kumpanyang multinasyunal na magtatayo ng geothermal power plant. Kailangang paunlarin ang produksyon ng mga magsasaka. Kailangan ng maraming guro dahil malalayo ang mga paaralan at kailangan ng magtuturo ng first aid, paggawa ng herbal medicine at alternatibong paggagamot tulad ng acupuncture dahil malayo ang ospital. Hindi maubos ang kanyang dahilan sa pananatili sa Kalinga.

Minsan rin niyang ibinida ang mga proyekto nila doon. Kung paanong nakapagtayo sila ng kooperatiba at kung paanong sa isang komunidad na tila wala na sa mapa ng gobyerno ng Pilipinas at kailangan pang lakarin ng ilang oras bago ka makarating ay may mini hydroelectric plant at may kuryente ang mga kabahayan. Ang mga residente na ang nagmamantine at nangangalaga nito at dahil napapasa ang kaalaman sa mga katutubo, hindi malayong sila na ang magsasagawa ng kaparehong proyekto sa iba pang mga malalayong lugar.

Sabi pa niya, maraming-marami kaming natutulungan at ang tulong na ibinibigay sa kanila ay pangmatagalan. May mga baril kami pero kami rin ay nagtuturo, nag-aaral, nanggagamot, kumakanta at nagtatanim, nagpupunla.

Nagpupunla sila ng kaalaman, ng lakas, ng pagbabago.

Wala ring tigil si Recca sa pagpapahupa ng aming pag-alala sa kanyang kalagayan.

Sabi pa niya, mahal na mahal kami ng masa. Kahit kapos na kapos sila at wala nang makain, babahaginan pa rin kami sa bigas, ng munggo, sitaw at sayote sa tuwing makakasalamuha namin sila. Minsan pati manok at alagang baboy ibibigay pa nila. Unlimited at overflowing ang kape!

Taong 2006 naman nang mapangasawa niya ang kapwa niya miyembro ng New People’s Army at ngayo’y detenidong pulitikal sa Kalinga na si Kennedy Bangibang. Taong 2007 nang sila’y magka-anak.
Kaya mong iwanan ang anak mo? Ito ang madalas na tanong ng marami kay Recca.

“Para sa kanya ang ginagawa ko. Para ito sa kinabukasan niya at sa kinabukasan ng marami pang bata na tulad niya. Hindi nangangahulugang hindi ito masakit para sa akin pero ito ang isa sa mga sakripisyong kailangang gawin.”

vlcsnap-2015-04-24-02h13m58s60
Si Recca kasama ang kanyang anak.

Mapagmahal siyang ina at mapagmahal na asawa. Naniniwala akong walang panahong hindi niya inisip ang kanyang anak. Naalala ko kung paanong pinaghandaan niya ang kanilang paghihiwalay, kung paanong nilapitan niya ang maraming kaibigan, mga batchmates at kamag-anak para maunawaan ang kanyang desisyon at sa kanyang pag-alis ay tikaying maraming kakalinga’t mga-aaruga sa noo’y limang buwan pa lamang na sanggol.

Naalala ko kung paanong buong tiyaga siyang nag-pump ng gatas at nakapag-ipon siya ng napakaraming breastmilk na tumagal pa ng halos tatlong buwan sa freezer namin pagkatapos niyang umalis.

Naalala ko kung paanong magkahalo’t magkasabay na tumutulo ang kanyang luha at sipon nu’ng araw na iwanan niya sa akin ang bata. Masakit ang paghihiwalay pero kailangan.

Nang dumating ang panahong kailangan nang lumipat ang bata sa isang lugar na mas malapit sa kanila, matiyaga rin niyang ipinaunawa kung bakit kailangang mamuhay ang kanyang anak sa piling ng mga katutubo’t magsasaka. Bukod pa sa mas magiging madali para sa kanilang mag-asawa ang bumisita sa bata ay higit nitong mauunawaan ang mga dahilan ng pagkilos ng kanyang mga magulang.

Simpleng-simple (at oo, baklang-bakla) naman niyang ipinaabot ang pagkakahuli sa kanyang asawa noong Pebrero 2013 at kung paanong kailangang magiging mas maingat kami sa komunikasyon. Naaalala ko ang kanyang maikling text nung araw na iyon.

“Wit ang juwa, nakuha ng syongs. Magpalit ka na ng phone. Wa na ako signal ha.”

Ang pangyayaring ito ay hindi rin naging dahilan para mapanghinaan siya ng loob at iwanan ang mga gawain niya. Ang kwento pa nga ng mga nakasama niya, si Ka Tet pa nga ang nilalapitan ng marami para paghugutan ng lakas at insipirasyon. Walang pag-aatubili niyang tinanganan ang mga mabibigat na responsibilidad at kasabay nito ay patuloy rin ang pagpapaalala’t pagbibigay ng lakas ng loob sa asawa habang ito’y nasa kulungan.

Lalo pang naging madalang ang komunikasyon. Minsan iniisip ko na lang na mas mabuting walang matanggap na mensahe. Kung walang paabot, ibig sabihin, walang masamang nangyayari. Okey lang ang lahat.

Martir ng Abra

Minsan, hindi talaga magandang nakakatanggap ng mga mensahe mula doon o di kaya ay mula sa mga organisasyong tulad ng Karapatan lalupa’t hatinggabi mo ito matatanggap at sasabihing urgent.

Ika-7 ng Setyembre noon nang matanggap namin ang mensahe na si Recca ay kabilang sa mga nasawi sa isang operasyong isinagawa ng 41st IBPA sa Lacub, Abra noong September 4. Kasama niyang nasawi ang mga kapwa niya miyembro ng NPA na sina AJ Jaramillo, Brandon Magranga, Robert Beyao, Pedring Benggao, Ricardo Reyes at Robert Perez.

Dalawang sibilyan pa ang nasawi. Si Noel Viste na noo’y kasama ng kanyang mga ka-baryo ay kukuha sana sa labi ng mga naunang napaslang ay kabilang sa ginawang panangga o human shield ng militar. Nasawi rin si Engr. Fidela Salvador na bilang bahagi ng Cordillera Disaster Response Network ay nagmomonitor ng kanilang proyektong itinayo sa naturang lugar bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan doon matapos ang bagyong Pedring.

Sa bahagi ko’y matagal nang tinanggap na si Recca ay maaaring mamatay sa labanan. Ang pagiging sundalo ng mga mamamayan ang pinili niyang gawain at dahil may digmaan, may mga labanang hindi maiiwasan, mas malaki sa karaniwan ang posibilidad ng kamatayan.

Pero hindi inaasahan at lalong hindi katanggap-tanggap ang mga pangyayari.

Nang ipakita sa akin ang kanyang mga larawan nang siya’y makuha ng mga lokal na residente, hindi na siya halos makilala.

Wala na ang kalahati ng kanyang mukha. Wala na ang kanyang mga mata. Pero kilala ko ang kanyang bibig at ang kanyang ngipin. Dati ko na ring nakita ang suot niyang kulay asul na t-shirt. Pilit ko mang itanggi sa aking sarili, ang katawang wala nang buhay, luray-luray at nilapastangan ay katawan ng aking kapatid.

Maraming inipapahayag ang kanyang katawan. Isinisigaw nito ang kalupitan, ang pagka-halang ng kaluluwa’t kawalang-pagkilala sa karapatan. Sa isinagawang autopsy, napag-alamang walang tama ng baril sa katawan si Recca.

Paano siya namatay gayong wala ni isang tingga ng bala ang tumagos sa kanyang katawan? Paano siya pinatay?

Basag ang kanyang bungo. Sabi nga sa autopsy report, “crushed egg” ang pagsasalarawan sa kanyang ulo. Naputol ang kanyang paa sa pagkakadurog ng kanyang buto. Punong-puno ng pasa ang kanyang katawan.

Malinaw na nakuha siya nang buhay at pinahirapan, tinortyur hanggang mamatay.

Ang kanyang mga kasamahang NPA na napaslang din sa insidenteng iyon ay kinakitaan din ng mga marka ng tortyur at paglapastangan sa kanilang mga katawan.

Paanong nagagawa ng isang tao ang ganitong paglalapastangan sa kanyang kapwa-tao? Marahas ang digmaan pero ang mga sundalong lumalahok dito ay may mga karapatan.

Malinaw ang paglabag sa mga batas ng digmaan. Malinaw ang paglabag sa pandaigdigang makataong batas o International Humanitarian Law.

Banuar Ti Umili

Banuar o bayani kung ituring si Recca, Tet, Bibo, Iding ng mga mamamayan ng Kalinga at maging ng mga nakasabayan niya’t nakasama sa pagkilos sa Kamaynilaan.

Banuar kung itanghal siya ng laksang dumalo sa mga inilunsad na parangal para sa kanya, sa Baguio man ito, sa Kalinga o sa Maynila.

Hindi maubos ang mga luha. Hindi maawat ang mga nais magpasalamat, hindi mapigilan ang marami sa kanilang pagpapahayag na minsan sa kanilang buhay ay nakasama nila si Recca, si Tet, si Iding na nagmartsa sa Mendiola o bumagtas ng kabundukan. Bumuhos ang mga tula, mga awit, likhang sining at mga testimonya.

Lubos siyang ipinagmamalaki ng aming pamilya. Mahal na mahal namin siya. Lagi’t lagi kong ipagsisigawang siya’y aking kapatid, siya’y aking kasama.

Sadyang kulang na kulang ang mahigit isang linggong pagpaparangal at pagtatanghal sa kanyang buhay at sa kawastuhan ng pinili niyang landas. Kulang na kulang at ang kakulangang ito’y mapupunan lamang ng matatag na pagtangan ng marami at dumarami pa sa pakikibakang kanyang niyakap at pinaglaanan ng kanyang buhay.

Totoong singbigat ng mga kabundukan ng Kordilyera kung ituring ang kanyang kamatayan.

Ang kanyang buhay, walang kasing kinang.

Tala ng Editor: Nakalaya na ang asawa ni Recca na si Kennedy Bangibang noong Agosoto 2016 para makalahok sa usapang pangkapayapaan bilang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Unang nailathala sa librong Recca: From Diliman to the Cordilleras, koleksyon ng mga parangal para kay Recca.

recca-bookBasahin ang rebyu ng libro rito.

Basahin naman ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here