Hindi ikinatuwa ng mga lider-organisador mula sa iba’t ibang sektor at kasalukuyan ding tumatakbong senador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan para sa 2025 elections ang panukalang pagtaas ng pamasahe para sa Light Rail Transit (LRT) Line 1.

Sa isinagawang public hearing ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa petisyong inihain ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), operator ng LRT 1, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga lider-organisador mula sa hanay ng mga manggagawa at maralita. Binigyang-diin nila ang padausdos na kalagayan ng mga Pilipino sa pagpasok ng taong 2025.

Binawi agad ang kakarampot na dagdag sahod

Ayon kay Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, walang silbi at mabilis lamang ding nabawi ang P35 na dagdag sa minimum wage na P645 ng mga manggagawa, na inaprubahan noong Hulyo 2024, dahil sa panukalang taas-pasahe sa LRT 1.

Ayon sa LRMC, magdadagdag ng singil sa pamasahe batay sa distansya o layo ng paroroonan ng mga pasahero. Nakasaad din sa petisyon ang kanilang datos sa porsyento ng mananakay sa bawat distansya.

  • Mid-Distance Passengers (5-16 km): P6.02 ang idadagdag (30% ng kabuuang bilang ng mga pasahero).
  • Long-Distance Passengers (>16 km): P12.50 ang idadagdag (1.88% ng kabuuang bilang ng mga pasahero).
  • Short-Distance Passengers (S5 km): P8.65 ang idadagdag (68% ng kabuuang bilang ng mga pasahero).
  • Single Journey Ticket: Maximum fare mula P45.00 magiging P60.00 (+P15.00)
  • Stored Value Ticket: Maximum fare mula P43.00 magiging P58.00 (+P15.00)

Halimbawa, mula Baclaran hanggang Central Terminal na may humigit-kumulang 7.3 kilometro ang layo, ang pamasahe para sa Single Journey Ticket na kasalukuyang P25.00 ay tataas sa P30.00. Habang ang pamasahe para sa Stored Value Ticket na mula P22.00 ay magiging ₱30.00 na rin.

“Kapag kami humingi ng wage increase, kung magbigay man kakarampot, ang bilis binabawi. Dito palang bawing-bawi na agad. Kasi kung ang maximum na P15 na dagdag sa isang biyahe, eh ‘di P30 ito kung balikan. Ang natira nalang sa dinagdag nila noong nakaraan ay P5 nalang,” paliwanag ni Adonis.

Idinadahilan ng LRMC ang probisyong nakasaad sa 2014 Concession Agreement na nagpapahintulot sa kanilang magpatupad ng 10.25% na taas-pasahe kada dalawang taon. Ito ang tinatawag na notional fare na itinatakda bilang batayan ng kita ng LRMC. Sa kabilang banda, dapat itong tumugma sa halagang inaprubahan ng gobyerno.

Huling ipinatupad ang dagdag singil sa pamasahe sa LRT 1 noong Agosto 2023, kung saan ang boarding fare ay tumaas sa P13.29 mula P11 habang ang distance fare ay tumaas sa P1.221 sa bawat kilometro mula P1.

Ayon pa sa LRMC, ang kasalukuyang pamasahe ay 19% na mas mababa sa notional fare, at kung hindi maaprubahan ang taas-pasahe ay maaaring umabot ang kakulangan sa 27%.

“Assuming no fare increase will be granted until 2028, LRMC is projecting a total of P2.9 billion in fare deficit for the next three years, bringing the total fare deficit to P7 billion,” pagbabahagi ng LRMC.

Noong nakaraang taon, ibinahagi ng LRMC na umabot na sa P3 bilyon ang utang sa kanila ng gobyerno bunsod ng hindi tugma ang notional fare at aprubadong pamasahe. Anila, maaaring tumaas pa ito ng P153 milyon bawat quarter kung patuloy na tatanggihan ang taas-pasahe.

“Ang tingin natin masaker na ito e, pinapatay talaga ang ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng pagkakait na makakain tayo nang maayos, magkaroon ng pampublikong serbisyo tulad ng pagsakay sa tren,” dagdag ni Adonis.

Ayon sa pagkukwenta ni Adonis, aabot ang dagdag singil sa pamasahe ng ordinaryong manggagawa sa LRT 1 ng P520 hanggang P780. Sa loob ng 26 na araw ng pagpasok ng manggagawa sa isang buwan, gagastos siya ng P2,080 hanggang P3,120 kada buwan. Ibig sabihin, mula sa tinatayang P16,770 na sinasahod ng manggagawa sa kaniyang arawang pagpasok sa loob ng isang buwan ay makakaltasan siya ng higit sa P3,000 para lamang sa pamasahe sa LRT 1 kung maaprubahan ang panukalang taas-pasahe.

“Kanina pagpasok ko, nakakatuwa na nagbabatian ng ‘happy new year’; but then again, happy ba ito? Iyon ba ang ibig sabihin ng happy new year? Pagtaas ng presyo sa kuryente, tubig, pagkain, pamasahe sa LRT? Ano ito? Isang malaking kalokohan, magwawala talaga ang mamamayan dito,” ani Adonis.

Dagdag pahirap sa maralita

“Mabilis pa sa bullet train kung paano inaatas ang singil sa maralita, sa mamamayang Pilipino,” pagbabahagi naman ni Mimi Doringo, secretary general ng KADAMAY.

Aniya, napakasakit para sa mga maralita ang panukalang taas-pasahe dahil sa kalagayan ng sektor na walang katiyakan sa hanapbuhay at hindi tiyak ang kita sa araw-araw.

Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 63% o halos 17.4 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap noong huling kwarto ng 2024. Ayon sa SWS, ito ang pinakamataas na tala ng self-rated poverty survey sa loob ng mahigit dalawang dekada.

Ayon pa kay Doringo, dagdag pasakit din sa milyun-milyong Pilipino ang nagtataasang presyo ng bilihin at bayarin. Aniya, halos kasing halaga ng isang kabang bigas ang mawawala sa mga pamilyang mahihirap bunsod ng panukalang taas-pasahe sa LRT 1.

Bago matapos ang taon ng 2024, umaray ang mga konsyumer sa dagdag na P0.1048 kada kilowatt-hour (kWh) o P11.9617 kada kWh sa kabuuang singil ng Manila Electric Company (Meralco).

Bagamat nagpahayag ang Meralco ng pagbaba ng singil sa kuryente dahil sa “wholesale electricity spot market,” tataas naman ang singil sa bayarin sa tubig ngayong buwan ng Enero.

Ipapatupad ng Maynilad at Manila Water ang pagtaas ng singil sa tubig batay sa ikatlong bahagi ng limang taong staggered rate adjustment na inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Para sa Manila Water, ang aktwal na average na pagtaas ay P7.58 bawat cubic meter para sa mga sewered lines at P5.95 bawat cubic meter para sa mga unsewered lines, tulad ng mga residential customers. Mula sa average na tariff na P55.08 bawat cubic meter, tataas ito sa P61.04 bawat cubic meter.

Para naman sa Maynilad, ang aktwal na average na pagtaas ay P8.11 bawat cubic meter para sa mga sewered lines at P7.32 bawat cubic meter para sa mga unsewered lines. Mula sa average na tariff na P58.30 bawat cubic meter, magiging P65.62 bawat cubic meter na ang bagong tariff.

“Yung bawat piso na mapupunta sa pambayad sa pamasahe, iyon ay pisong mawawala sa pambayad sa pagkain, sa edukasyon ng mga kabataan, sa batayang pangangailangan ng ordinaryong Pilipino,” pagbabahagi naman ni Rep Ferdinand Gaite ng BAYAN MUNA Partylist.

Pagbatikos sa kontrata ng LRMC

Ngayong araw ay isinumite rin ng Bagong Alayansang Makabayan ang kanilang position paper na tumututol sa planong pagtaas ng pasahe sa LRT 1. Ayon sa grupo, nakabase ang plano sa isang mapang-abusong kontrata ng privatization na pinapanukala ng LRMC.

Itinuturing din ng BAYAN na ang sinasabing 2014 Concession Agreement ang pinakamasahol na kontrata ng privatization sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Ang kontrata ng LRMC ay nagtitiyak ng regular na pagtaas, na sa katunayan ay inuuna ang kita ng korporasyon kaysa sa kapakanan ng publiko habang nagiging walang silbi ang regulasyon ng gobyerno,” paglalahad mula sa dokumentong isinumite ng grupo.

Ayon pa sa grupo, mayroong pananagutan dito ang administrasyong Marcos Jr. Anila, ang gobyerno ng Pilipinas ang obligadong punan ang pagkukulang sa pagitan ng approved at notional fare sa mga kaso kung saan ipinapatupad ang panukala ng pagtaas ng pasahe.

“Ang arrangement na ito ay hindi makatarungan, sapagkat pinipilit ang gobyerno na mamili sa pagitan ng pagpapahirap sa mga komyuter na mababa ang kita o subsidiyahan ang kita ng mga korporasyon gamit ang pondo ng bayan. Kaya naman, ang petisyon ay isang banta sa gobyerno ng Pilipinas, isang tahasang pagbabanta na itaas ang pasahe o pagdanas ng mga epekto ng patuloy na paglaki ng utang ng gobyerno,” ayon sa grupo.

Dagdag pa ng grupo, mayroong kakulangan sa transparency at accountability ang LRMC na hindi nagpakita ng financial statement dahilan para hindi posibleng masuri ang kanilang mga naging pahayag sa public hearing tungkol sa pangangailangang pinansyal.

Binigyang diin din ng grupo ang integrated report ng Metro Pacific Investment Corporation noong 2023 kung saan aabot sa 40% ang pagtaas na kita ng LRMC na umabot sa P2.515 bilyon

“Bago ang anumang pag-usapan ng pagtaas ng pasahe, kinakailangan muna ng LRMC na ilabas sa publiko ang kanilang na-update na revenue at expenditure data para sa 2024,” diin ng grupo.

Nagbahagi rin ng rekomendasyon ang BAYAN bilang sagot sa panukalang taas pasahe sa LRT 1.

  • Pagtutol sa petisyon ng pagtaas ng pasahe.
  • Abolisyon ng LRTA-LRMC Concession Agreement.
  • Reebalwasyon ng mga polisiya hinggil sa pribatisasyon.
  • Pagtutok sa transparency at public accountability.

Ayon sa grupo, ang pag-apruba sa taas pasahe ay isang mapanganib na tunguhin sa itsura ng pag-surrender ng awtoridad sa regulasyon habang ang interes ng publiko partikular ang komyuter na nagbabayad ng buwis ang papasan sa mga dagdag bayarin na idinidikta ng mga korporasyon tulad ng LRMC.

“Nanawagan ang BAYAN sa DoTr at sa administrasyong Marcos na tanggihan ang pagtaas ng pasahe, panagutin ang LRMC, at magsagawa ng mga reporma upang maibalik ang kontrol ng publiko sa mga sistema ng pampasaherong transportasyon,” pagbabahagi ng grupo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here