Panoorin: Salin sa Filipino ng talumpati sa “The Great Dictator” ni Charlie Chaplin

 

 

Panoorin ang isang napapanahong bidyo mula sa Voyage Studios. Salin sa Filipino ni Rody Vera sa talumpating “The Great Dictator” ni Charlie Chaplin at direksyon at editing ni Chuck Gutierrez. Kalakip ang bidyo ang panawagang #JunkTerrorLaw.

Kasama sa mga bumigkas ng talumpati ang iba’t ibang kilalang aktor at aktres, manggagawang pangkultura, abugado, aktibisita at senador o kongresista. Batay sa pagkakasunod-sunod ng paglabas sa bidyo, sila ay sina:

John Lloyd Cruz – aktor
Maria Lourdes Sereno – dating Chief Justice
Neri Colmenares – abogado at aktibista
Janine Gutierrez – aktres
Baby Ruth Villarama – documentary filmmaker
Carlitos Sigeon-Reyna and Bibeth Orteza – storytellers
Lav Diaz – filmmaker
Inday Espina-Varona – mamamahayag
Chito Gascon – Commission on Human Rights Chairman
Nanding Josef – manggagawang pangkultura
Chel Diokno – abugado
Lotlot De Leon – aktres
Maria Ressa – mamamahayag
Bituin Escalante – mang-aawit at aktres sa teatro
Mae Diane Azores – Bar topnotcher
Nanette Castillo – ina ng napaslang sa EJK
Carlos Zarate – kinatawan sa Kongreso at abugado
Ted Te – abugado
Samira Gutoc – Moro Civic Leader
Risa Hontiveros – senador
Joel Lamangan – direktor
Carol Araullo – doktor at aktibista
Randy David – propesor
Mae Paner – performance activist
Eufemia Culiamat – kinatawan sa Kongreso
Charlie Yu – negosyante
BenCab – Pambansang Alagad ng Sining
Kit Belmonte – kinatawan sa Kongreso
Leody De Guzman – lider manggagawa
Joel Pablo Salud – patnugot
Mareng Winnie Monsod – ekonomista
Br. Dodo Fernandez –  Brother
Queenmelo Esguerra – Gender Equality Activist
Sister Mary John Mananzan – madre
Francis Pangilinan – senador
Jasmine Curtis Smith – aktres
Agot Isidro – aktres
Iza Calzado – aktres
Glaiza De Castro – aktres

 

 

Basahin ang salin sa Filipino ni Rody Vera sa baba:

Kinalulungkot ko, pero ayoko maging diktador.

Hindi iyan ang gusto ko.

Ayokong mamuno o manakop ng kahit sino. Gusto kong tulungan ang bawa’t isa, kung kailangan. Gusto nating tulungan ang isa’t isa, pagka’t ganoon ang tao. Gusto nating mabuhay sa ligaya ng bawa’t isa, hindi sa pagdurusa ng iba.

Ayaw nating kapootan o kamuhian ang sinuman at may lugar ang daigdig para sa lahat, at sagana ang butihing mundo at kaya nitong maglaan para sa lahat.

Ang buhay ay maaaring maging malaya at maganda, pero tayo’y naligaw ng landas.

Kasakiman ang naglason sa kaluluwa ng mga tao, binakuran nito ng poot ang daigdig, at pinagmartsa tayo patungo sa pagdurusa’t pagdanak ng dugo.

Napabilis natin ang lahat, pero ikinulong natin ang mga sarili

Ang makinaryang nagdulot ng kasaganaa’y iniwan tayong laging nagangailangan.

Sa karunungan natin, wala na tayong pinaniniwalaan.

Sa katalinuhan natin, tayo’y naging walang-awa’t malupit .

Labis tayong mag-isip, na halos nawala na ang ating damdamin.

Higit sa makinarya, kailangan nati’y pagkatao.

Higit sa katalinuhan, kailangan natin ng kagandahang-loob at kabutihan.

Pag wala tayo nito, magiging marahas ang buhay, at guguho ang lahat.

Pinaglapit na tayo ng teknolohiya. Ang mga imbensyong iya’y nananawagan sa kabaitan ng tao.

Nananawagan para sa pangdaigdigang kapatiran para sa pagkakaisa nating lahat.

Ngayon, maaari akong marinig ng milyong tao sa buong daigdig – milyong lalaki, babae, kabataang nawalan ng pag-asa, mga biktima ng sistemang umuudyok sa ilang hayop na pahirapan at ikulong ang mga inosente.

Sa lahat ng nakikinig sa akin, sinasabi ko, huwag kayong mawalan ng pag-asa.

Ang pagdurusang laganap ngayon ay dulot ng kasakiman – kapaitan ng ilang takót sa pag-unlad ng sangkatauhan.

Ang kapootan nila’y lilipas din, at papanaw ang mga diktador, at ang kapangyarihang inagaw nila sa mga tao’y babalik sa mga tao.

Sa kabila ng kamatayan ng marami, hindi maglalaho ang kalayaan.

Mga kababayan! Huwag kayong bumigay sa mga hayop – mga taong namumuhi sa inyo – umaalipin sa inyo – hawak ang inyong leeg – nag-uutos sa inyo – kung anong dapat isipin at damhin!

Silang nagsasanay sa inyo – nagpapakain sa inyo – turing sa inyo’y mga masunuring tupa, ay gagamitin lamang kayong bala sa kanyon.

Huwag kayong bumigay sa mga tiwaling ito – mga taong makina ang utak at puso. Hindi kayo mga makina! Hindi kayo mga hayop! Kayo’y mga tao!

Ang pag-ibig ng sangkatauhan ay nasa puso niyo! Hindi kayo sadyang mapoot. Silang walang nagmahal ang sadyang ganoon – silang hindi minahal at mga tiwali.

Mga kababayan! Huwag niyong ipaglaban ang pagkaalipin Ipaglaban niyo ang kalayaan!

Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihan – Kapangyarihang lumikha ng kaligayahan!

Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihang gawing malaya at maganda ang buhay.

Sa ngalan ng demokrasya – gamitin natin ang kapangyarihang iyan – magkaisa tayo.

Ipaglaban natin ang isang bagong daigdig, isang mundong mapitagan na magbibigay ng pagkakataong magtrabaho ang mga tao, na magbibigay ng kinabukasan sa kabataan, at kasiguruhan sa nakatatanda.

Nangako rin ng ganito ang mga gago na nangamkam ng kapangyarihan.

Pero mga sinungaling sila! Hindi nila tinupad ang pangakong iyan at hindi tutuparin kailanman!

Pinalalaya ng mga diktador ang kanilang mga sarili habang inaalipin nila ang taumbayan!

Ngayon, ipaglaban natin at tuparin ang pangakong iyan!

Lumaban tayo’t palayain ang daigdig, iwaksi ang kasakiman, ang poot, at kawalan ng pag-unawa.

Ipaglaban natin ang isang daigdig na nakasandig sa katuwiran, kung saan ang siyensya at pag-unlad ay tuon sa kaligayahan ng mga tao.

Mga kababayan, sa ngalan ng demokrasya, magkaisa tayo!

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here