Maliban sa pagsisiwalat sa mga mas lumalalang pag-atake ng administrasyon sa kanilang mga kritiko, ibinubunyag din ng mga pagdinig ukol sa prangkisa ng ABS-CBN ang kasuklam-suklam na mga batas na siyang pumoprotekta sa burukrata-kapitalismong umiiral sa bansa.

Nito lamang ika-2 ng Hulyo ay dininig muli ang pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN, ang pinakamalaking korporasyong pangmidya sa Pilipinas, at ngayo’y nasasangkot sa mga alegasyong ‘di pagbabayad ng buwis.

Ayon kay Rep. Elpidio Barzaga, Jr. ay gumagamit ng iba’t ibang paraan ang kompanya upang maiwasan ang pagbabayad ng tamang buwis na siya namang sinang-ayunan ng iba pa’t ginawa pang katwiran ng pagpapasara nito. Ngunit gamit ang mga pisikal na ebidensya ay pinatunayan ng ABS-CBN na sila ay hindi tax evader kundi tax avoider. Inamin ng korporasyon na gamit ang tax avoidance measures, kanilang napapababa ang buwis na kanilang babayaran, na siya namang lehitimo at protektado ng mga batas.

Bagama’t ang pagtanggal sa kompanya mula sa ere ay usaping tumatalakay sa isyu ng karapatan sa pamamahayag, ipinapakita rin nito ang isa pang panlipunang suliraning hanggang ngayo’y ‘di mawakasan: ang burukrata-kapitalismo o ang pagturing sa gobyerno bilang isang malaking negosyo kung saan ang mga burukrata ay naghahangad ng tubong pinansyal.

Sa halip na gamitin ang burukrasya sa paglilingkod sa mamamayan ay itinuring itong instrumento ng mga opisyales ng bansa na makapagbibigay sa kanila ng pribilehiyo, higit pang kayamanan, at mas malawak na kapangyarihan. Bukod sa mga suliraning pulitikal tulad ng umiiral na dinastiya sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, isa ring paraan ng mga burukrata-kapitalista ang tax avoidance sa pagpapanatili ng kanilang gawaing pangangamkam ng yaman ng bansa.

Ang tax avoidance ay ang paggamit ng tax incentives o mga balidong deduksiyong layon ay mapababa ang bayarin ng mga nagbabayad ng buwis; kaiba ito sa tax evasion na siya namang nagtataglay ng mga elemento ng panloloko tulad ng palsipikadong dokumento at ‘di pagpapakatotoo sa idineklarang taxable income ng indibidwal o institusyon. Habang ang huli ay iligal, ang nauna naman ay lehitimo at ipinatupad ng mismong Kapulungan ng mga Kinatawan o House of Representatives na siyang itinalaga ng Konstitusyon upang mangasiwa sa mga palisiya sa pagpapataw ng buwis – ang mismong kamarang kumukwestiyon sa paggamit ng ABS-CBN sa mga tax perks at hinahangad ang tuluyang pagtigil ng mga operasyon ng broadcast network.

Malinaw na bukod sa paggamit sa batas bilang armas sa pagpapatahimik sa midya, ginagamit din ito ng pamahalaan bilang instrumentong poprotekta at sisiguro sa kanilang mga negosyo’t kapangyarihan; at sa makat’wid ay ang mga batas na kanilang naisulong at patuloy na isinusulong ay pinangangalagaan at higit pang pinalalakas ang kurap at burukrata-kapitalismong kalakaran.

Ang paggamit ng tax incentives ng mga korporasyon ay pinabababa ang potential revenues na maaaring kolektahin ng gobyerno, na siya namang magagamit sa pagpapaunlad ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Nito lamang 2018 ay may tinatayang 471 bilyong pisong tax perks ang naigarantiya sa 3,150 kompanya – higit na mas mataas sa 280.7 bilyong pisong garantiya para sa mga korporasyon noong taong 2016. Itinalakay naman ito ng kagawarang pampinansyal at isinaad na ipinakikita nito ang malaking pagkakaiba at ‘di pagkakapantay-pantay na pribilehiyong natatamasa ng mga kompanya, at ang ‘di nito pagiging patas para sa mga small and medium enterprises (SMEs) na ‘di pasado sa kwalipikasyon ng mga maaaring makakuha ng tax incentives.

Habang puspusang itinataguyod ng mga baguhang Pilipinong negosyante ang kanilang maliliit na negosyo ay tuloy-tuloy lamang ang paggamit ng mga malalaking korporasyon sa tax perks na ito upang mas lumiit ang buwis na kanilang binabayaran. Sa kabila ng napakaraming proseso’t pagbubuwis na dinaraanan ng mga maliliit na negosyanteng Pilipino dahil sa umiiral na red-tape, ang mga pambansang burgesya, malalaking burgesya komprador, at mga burukrata-kapitalista ay nagpapakasasa sa perang kanilang naibawas sa babayarang buwis na siya namang dagdag-kita o tubo sa kanilang negosyo.

Kadalasan ding may-ari o ‘di kaya’y shareholder ng mga kompanyang ito ay silang mga may pwesto sa gobyerno. Kung susuriin ang kanilang mga statement of assets ay makikitang ang mga negosyong pagmamay-ari ng karamihan sa mga nasa lokal na pamahalaan, Kongreso, at mga senador tulad nina Cynthia Villar at Manny Pacquiao ay maaaring gamitin ang mga fiscal incentives na ginagarantiya ng batas.

Ayon sa kagawarang pampinansyal ay mayroong 342 special investment and non-investment laws na nag-aalok ng iba’t ibang fiscal perks kabilang na ang income tax holidays (ITH) o pagbabawas sa sales tax ng mga piling negosyo, iksemsyon mula sa customs duties sa usaping import, at higit sa lahat ay mga tax rates na higit na mababa sa kadalasang binabayaran ng regular na mambubuwis. Ibig sabihin nito’y habang tinutulungan ng mga palisiyang ito na makaakit ang bansa ng mga dayuhang mamumuhunan, binibigyan din nito ng kapangyarihan ang mga kapitalista upang iwasan ang pagbabayad ng malalaking buwis na nararapat lamang ipataw sa kanila.

Maliban sa mga special laws na ito ay kabilang din ang economic zones (ecozones) at investment promotion agencies (IPAs) sa pagpapaigting ng seguridad para sa mga negosyo ng mga kapitalista’t opisyales. Ang ecozones ay mga piling erya na may potensyal na mapaunlad sa mga larangang industriyal, komersyal, at pampinansyal; habang ang IPAs naman ay mga ahensyang panggobyernong nakatakda sa pagpapalawak ng pamumuhunan sa bansa. Tulad din ng special laws, ang kasalukuyang 549 ecozones at 13 IPAs ay ginagamit upang lubusang maipaganap ang sistema ng fiscal incentives sa kaparaanang ITH, mababang tax rates, at iba pang pagkakaltas na siyang aprubado rin ng Kongreso. Bagama’t instrumento ang mga ito para sa pamumuhunan, ito rin ay malinaw na indikasyon ng lost potential tax revenue at higit pang pagpapasiguro sa kayamanan ng mga burukrata-kapitalista.

Hindi lamang dito natatapos ang kasahulan ng kasalukuyan at ng mga nakaraang administrasyon sapagkat kung ikukumpara ang mga fiscal incentives ng iba’t ibang bansa, ang kanilang average duration ay tatlong taon hanggang dalawampu’t isa (21); samantalang ang minimum validity nito sa Pilipinas ay limang taon at walang itinakdang hangganan. Ito ay isang malinaw na manipestasyon na kasama na sa pangmatagalang plano ng mga nakaupo sa pamahalaan – na sila ring mga kamag-anak ng mga noo’y nakaupo rito – ang pagpapanatili ng masahol na kalakaran ng estado na walang ibang nakikinabang kundi mga naghaharing-uri.

Mula pa lamang noong administrasyon ni Ramos ay gumagawa na ng paraan ang ahensyang pampinansyal upang maisaayos ang sistematikong problema ukol sa kalabisan ng tax perks ng mga korporasyon, ngunit lahat ng ito ay hinarang ng mga mambabatas sa kadahilanang sila ang numero unong nakikinabang sa mga ito. Sa panahon naman ni Duterte ay patuloy pa rin ang pagtatrabaho ng ahensya, ngunit sa halip na maisakatuparan ang kanilang mga ipinapanukala ay isinuong pa ng mga mambabatas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Bill na siyang higit na nagpapalawak sa mga fiscal incentives para sa mga kompanya.

Ilang dekada na ang lumipas at ilang administrasyon na ang nagpalit ng puwesto, ngunit nananatili pa rin ang burukrata-kapitalismo sa bansa. Ang sistematikong suliraning ito’y kasalukuyan pa ring nakatali sa pulitikal na sitwasyon ng Pilipinas. Habang bilyon-bilyon ang nababawas sa kaban ng bayan para sa panggasta ng mga walang kwentang proyekto ay libo-libo ang mga Pilipinong ‘di nakatatamasa ng batayang serbisyong panlipunan. Sa kabila ng milyong mamamayang naghihikahos lalo na sa panahon ng pandemya ay nagagawa pa ring gumastos ng pamahalaan para sa mga pansariling interes. At sa halip na unahin ng gobyerno ang pagbibigay-serbisyo sa masa na kanilang pangunahing trabaho bilang mga pampublikong opisyales ay malinaw na ginagawa lamang ng mga ito ang sa tingin nila’y kanilang prayoridad: ang protektahan ang kanilang negosyong mas kilala sa tawag na “pamahalaan”.

Ginagamit ng mga opisyales ang batas upang mas higpitan ang kanilang kapit sa mga yaman ng bansa. Ginagatasan nila ang mga lokal na mamamayan habang ang mga malalaking korporasyon ay nakakaiwas sa pagbabayad ng buwis na karapat-dapat lamang sa kanilang ipataw. Ginagawa nilang kasangkapan ang mga batas upang maisakatuparan ang kanilang mga ninanais tulad ng pagpapatahimik sa mga kritiko. Lumilikha sila ng mga palisiya sa iba’t ibang alyas at ibinabalatkayong para ito sa masang Pilipino, ngunit sa katunaya’y para lamang ito sa kanilang sariling hangarin.

‘Di lingid sa kaalaman ng bawat isa na ang mga batas ay naririyan na lamang upang panatilihin ang ‘di pagkakapantay-pantay ng bawat antas, ngunit hindi dapat makuntento ang mga Pilipino sa ganitong kalakaran at bagkus ay dapat mas manindigan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here