Marami nang dulang itinanghal na nagsasabuhay sa kasaysayan at rebolusyon. Higit lalo, ang mga dulang nakapatungkol sa pag-ibig. Ngunit, minsa’y makatatagpo ang manonood ng dulang nagbubuklod sa dalawa, at ang O, Pag-ibig na Makapangyarihan ni Bonifacio Ilagan at Tag-ani Performing Arts Society ay isa sa mahusay na halimbawa nito.
Angkop sa ika-150 taong kaarawan ni Gregoria De Jesus, binigyang buhay ng panulat at direksyon ni Ilagan ang katauhan ni Oryang, ang Lakambini ng Katipunan. Subalit, hindi tulad ng nakagawiang atake sa kalakhan ng mga istorikal na dula, mahusay na ginamit ni Ilagan ang lengguwahe at humor ng henerasyon ngayon upang lumikha ng isang klasikong iskrip: bago sa panlasa subalit tumutumbok pa rin sa aktwal na nangyari sa panahong sinasaklaw.
Ang pag-ibig ay pakikibaka
Sumentro ang dula sa ilan sa pinakamahalagang yugto ng buhay ni Oryang (Pau Benitez) ang pagsibol ng kanilang pag-iibigan ni Andres Bonifacio (Johnny Maglinao), kasabay ng kanyang pagkamulat sa lipunan at pagyakap sa kanyang lugar bilang babae sa rebolusyon.
Malikhaing ipinakita ng dula ang realidad na kinaiiralan ng isang dalagang tulad ni Oryang sa kanyang panahon. Noon pa ma’y mayroong angking talas, tapang, at kapusukan si Oryang, taliwas sa Maria Clara stereotypes sa mga dalagang Pilipina na madalas ipinapakita sa ibang dula at pelikulang istorikal. Relatable ang kanyang karakter kahit sa mga kabataan ng kasalukuyang henerasyon, na akala mo’y pinapanood mo lang ang isang kaibigang nakakaranas ng crush sa unang pagkakataon.
Madaling maantig at madala sa kanyang karanasan. Sino bang dalaga ang hindi nakaramdam ng kilig ng first love? O di kaya’y sinubukang magpasaway nang kaunti para lang makilala at makasama ang iniibig sa kabila ng pagtutol ng mga magulang mong strikto? Lahat ito ay unibersal na karanasan ng kabataang hinahanap pa ang kanilang sariling aspirasyon sa lipunan. Pero dito mag-iiba si Oryang sa karaniwang kabataan, sapagkat ang napusuan niyang mahalin ay si Andres, ang tatayong Ama ng Rebolusyon at Supremo ng Katipunan.
Batid na sa kasaysayan ang mga tunggaliang sinuong ni Andres at Oryang para lang mapagpunyagian ang kanilang pagmamahalan. Balo si Andres, mason, at higit pa, may dalang kontra-agos at rebolusyonaryong ideolohiya na sumasalungat sa umiiral na kultura at politika ng lipunan nila. Pero kahit ganoon, hindi natin mapigilang subaybayan ang kanilang pakikibaka para kilalanin ang kanilang relasyon.
Sa mga susunod na tagpo ng patuloy na pagtitimbang ng kwalipikasyon ni Andres bilang manliligaw at patuloy na pagbangga ni Oryang sa ekspektasyon ng kanyang magulang, makikita ang tunay na kritika ng dula sa lipunan. Dito lalong lumitaw ang kalakasan ng dula, sapagkat kahit ang dalisay at simpleng akto ng pag-akyat ng ligaw ay hindi simple sa kolonyal na lipunang Pilipino. Matingkad na batayan ang estado sa lipunan, oportunidad at trabaho, at lalo ang politikang dala. Dahil sa katangian at hangarin ni Andres para sa isang mas malayang bayan, animo’y lumusot sila sa butas ng karayom para lang sila’y kilalanin.
Ramdam ang diskriminasyon para sa tulad niyang nagpapahayag ng kritisismo sa kostumbre, kultura, at gobyerno. Subersibo si Andres sa konserbatibong lipunan. Walang puwang sa pamilya. Walang karapatan at kalayaang ibigin si Oryang. Isinabuhay man sa paraang a la romantic comedy, na magaan at nakakatawa, hindi naglubay ang dula sa mapangahas nitong pagpinta sa isang represibong lipunan–isang tunay na testamento sa malagim na kasaysayan noong panahon ng kolonyal na paghahari ng Kastila.
At sa kalagayang ito, matutunghayan ng mga manonood ang isang dalisay na manipestasyon ng pag-ibig na pinanday sa pakikibaka. Sapagkat, sa kabila ng tunggaliang umiiral, matapang na isinasabuhay ni Oryang ang kanyang tindig: ang pag-ibig ay isang digmaang kailangang pagpunyagian.
O Pag-ibig na Makapangyarihan
Kung mayroon mang ubod ang dula, marahil ito ay ang pagpapakita ng iba’t ibang porma ng pag-ibig. Higit pa, ang ekstraordinaryong kadalisayan ng isang pagmamahalang nakaugat sa pagkagiliw hindi lamang sa kabiyak, kundi pati sa pagsisilbi sa sambayanan.
Sa mga nakakaalam ng kasaysayan, mababaybay ang kahihinatnan ng katapusan ng dula: mapagwawagian ni Oryang ang kanyang paglaban para sa pagkilala ng kanyang pag-ibig. Paglao’y si Oryang ay dadakilain bilang Lakambini at Ina ng Katipunan, ang magiting na tagahawak ng mahahalagang dokumento ng rebolusyonaryong kilusan.
Subalit hindi natatapos sa kasal ang pagpapakita ng pag-iibigan ni Oryang at Andres. Tunay nga sa titulo ng dula, ang pag-ibig na makapangyarihan ay magtutulak ng matinding pagnanais na paunlarin ang sarili para sa mas mataas na hangarin. Ang marubdob na pag-ibig ni Andres at Oryang ay natransporma sa isang pagmamahal na hindi lamang nakalaan para sa kaginhawaan at kaligayahan nilang magkabiyak, kundi pati na rin sa paglaya ng mga Pilipinong alipin sa sarili nilang bayan. Ekstraordinaryo ang ganitong tipo ng pagsinta, sapagkat dito nasusukat ang tunay na kahulugan ng pagmamahal. Ang magmahal ay ang maging mapangahas. Ang umibig ay ang pagsasalo sa masalimuot na pighati at labis na kaligayahan. Ang pagsinta ay ang pakikitunggali at pagwaksi ng inhustisya.
Kung may nais man tayong kunin sa dulang ito, ito ay ang pagkilala na ang makapangyarihang pag-ibig ay tulad ng isinulong na rebolusyon ni Andres, Oryang, at ng buong Katipunan at iba pang rebolusyonaryong sumunod sa kanila: madugo, puno ng sakripisyo at pakikibaka, subalit lagi’t lagi ay hindi kayang supilin, sinsero, at mapagpalaya.

Mapapanood ang O Pag-ibig na Makapangyarihan sa IBG-KAL Theatre UP Diliman at Erehwon Center for the Arts. Maaaring kumuha ng tickets sa tinyurl.com/OPNMtickets