Ano nga ba ang mga pamantayan? Kailangan bang pogi si sir o maganda si Ma’am? Dapat din bang 90 pataas ang gradong ibinigay sa atin upang makonsidera sila bilang paborito nating guro? O baka naman sa kadahilanang pumasa tayo sa asignatura ng gurong iyon? Marahil ay iba-iba ang nagiging pamantayan ng bawat estudyante tuwing tatanungin sila ng “sinong peyborit teacher mo?” Pero ako? Isang rason lang nakikita ko kung bakit ko paborito itong guro na ito–napakaprogresibong propesor!

Unang beses ay noong second year, second semester noong nakaraang taon nang maging guro ko si Propesor Jomar Adaya sa asignaturang Pagsusuri ng Diskors at ngayon namang third year, first semester sa Kulturang Popular. Sa puntong darating na ang oras ng kaniyang klase ay alam kong panibagong kaalaman ang magagagap ko, naaalala ko pa nga ay palaging siksik, liglig at umaapaw ang mga diskusyon sa aming klase sa kanya noong ako’y second year pa lamang. Isa pang nagustuhan ko sa klase namin kay Sir Adaya ay yun bang naituturo niya ang mga bagay na madalas ay hindi naituturo ng mga kaguruan sa paaralan, kagaya na lamang ng kalagayan ng lipunan, ang sistemang bulok ng pamahalaan, konsepto ng hegemony, ang mala-kolonyal at mala-pyudal na katangian ng lipunan at napakarami pang iba. Sa katanuyan ay naalala ko kung paano mainis si Sir Adaya sa isang reporter dahil sa paraan nito ng pagbabalita ng rally na kung saan ay mabigat na trapik lamang ang pinagtutuunan ng pansin, na talagang kinainis ni Sir Adaya. Tama naman kasi ang punto ni Sir, bakit nga naman trapik pa ang napagtuunan ng pansin, bakit hindi alamin ang mismong dahilan nila ng pagrarally. Masasabi kong isa ang mga ganitong dahilan kung bakit ko peyborit si Sir Adaya. Nagagawa niyang gisingin ang diwa ng pagiging makabayan ng bawat isa sa amin, nagagawa niyang imulat ang mga mata ng bawat estudyante niya sa tunay na kinahihinatnan ng ating bayan, at siyempre, dahil nakikita ko mismo ang pagpapahalaga niya sa Filipinolohiya at sa wikang Filipino.

Kung tutuusin ay wala talaga sa isipan ko ang tahakin ang karera ng pagtuturo, ngunit simula nang maging propesor ko si G. Adaya ay nagkaroon ng malaking espasyo sa puso ko ang pagtuturo. Humanga ako sa taktika niya ng pagtuturo, yung tipong tumatanggap siya ng mga sagot sa aming talakayan at pinapalawig pa ang mga ito. Binibigyan niya ng boses ang bawat isa sa amin at kahit kailan ay hindi naging boring ang klase ko kay Sir Adaya gawa ng mga leksyon niya sa bawat araw.

Kung magiging guro o propesor man ako sa hinaharap ay gusto kong maging modelo para sa akin si Sir Adaya, ehemplo siya para sa akin, isang inspirasyon!

“Gusto kong malaman ninyong hindi mahalaga ang grade, bagkus ang mahalaga ay kung may natutunan kayo sa klase ko.”

Naalala kong sinabi ito ni Sir nang bigyan niya ng uno ang buong klase. Lagi’t lagi kong binibitbit iyang litanya ni Sir Adaya sapagkat kailanman ang importante para sa kanya ay ang leksyong bibitbitin at natutuhan namin.

“Tinuturuan tayo ng panitikan na huwag makalimot,” ani Sir Adaya nang maungkat sa klase ang Martial Law sa rehimen ni Ferdinand Marcos, Sr. Isa iyon sa pinakatumatak sa isipan ko sa mga sinabi ni Sir Adaya sa klase.

Marami na tayong naging guro simula elementarya, sekondarya hanggang kolehiyo. May pagkakataong mawawaglit ng tuluyan ang mga mukha at mga pangalan nila sa isipan natin ngunit sa bawat gurong humawak sa atin ay paraan ng pagdidilig sa atin bilang mga mumunting punla na nais yumabong kalaunan. Marahil ay makakalimutan natin ang panahong naging guro natin sila ngunit mananatili sa atin ang mga aral na buong puso at husay nilang ibinahagi sa atin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here