Limang buwang pananatili.

Limang buwang paniningil.

Limang buwan sa kalunsuran.

Nakatagpo sa iisang adhikain at mithiin.

Nang ibinalita ng Save Our Schools Network sa aming laging nakakasalamuha nila na sila’y pauwi na ngayong Disyembre 23, napakamakasarili nang dumating sa puntong pumasok sa isip ko ang mga kataga ng pangungulila. Gusto ko pa silang manatili rito sa lungsod at bumuo pa ng mga masasayang alaala. Pero mabilis ko ring napagtantong napakaimportanteng bakahin ang ganitong kaisipan na sumesentro lamang sa pansariling kagustuhan.

Dumating sila rito limang buwan na ang nakakaraan hindi upang magliwaliw, hindi upang tumakas sa realidad at magsaya kundi upang patuloy na irehistro ang kanilang mga panawagang kagaya na lamang ng “Stop Lumad Killings”, “No To Martial Law”, “Militar sa Kanayunan, palayasin” at iba’t iba pang mga panawagang kailangan ng agarang aksyon.

Limang buwan namin silang nakapiling, simula pa lamang noong sila’y nakalagi sa International Center hanggang sila’y lumipat sa Stud Farm sa loob pa rin ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Limang buwan pero higit pa sa limang samu’t saring mga istorya ang aming natuklasan na dumagdag sa antas ng aming kamulutan hinggil sa totoong mga kaganapan sa kanayunan, laluna kung gaano kalala ang militarisasyon sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Mula sa limang buwan ng kanilang pananatili rito sa kalunsuran hanggang sa mga huling araw nila bago tuluyang umuwi pa-Mindanao ay tila napakabigat na araw para sa akin. Lumalaro sa isip ko na sa wakas ay makakauwi na sila sa pinakamamahal nilang Mindanao, na sa wakas ay magiging matiwasay (kahit papaano) ang kanilang kalagayan, sa wakas ay uuwi na sila ngunit hindi pa dito nagwawakas ang lahat. Alam kong hindi pa rin sa kani-kanilang mga tahanan ang kanilang diretso, kundi sa mga evacuation center pa rin dahil pa rin sa malala at palalang militarisasyon sa kanilang komunidad. Ngunit sa kabila nito ay hiling ko na tuluyan ng mawakasan ang militarisasyon sa kanayunan na nagbibigay sa kanila ng matinding pasanin sa araw-araw nilang pamumuhay.

“Salamat po, salamat.” Ito ‘yung mga katagang patuloy na umaalingawngaw sa isipan ko hanggang ngayon. Mga kataga ito na sinasambit nila bago matapos ang gabi ng pasasalamat, pero ako ata ang dapat magsabi ng katagang ‘Salamat.’ Sapagka’t higit nilang pinatibay ang aking mga paninindigan sa buhay, higit nilang pinaramdam sa akin na sa kabila ng mga pagbabanta sa kanilang mga eskwelahan at buhay ay patuloy pa rin ang kanilang pagtindig, patuloy pa rin ang kanilang paglaban at patuloy pa rin sila sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Nakabibilib. Binigyan nila ako ng tunay na kahulugan ng buhay at ng tunay na kahulugan ng mabuhay.

Hindi ko alam kung makasasapat ba ang pasasalamat habang namamaalam, kung makasasapat ba ang munting mga larawang dala ay mga alaala at kung makasasapat nga ba ang pinagsaluhang limang buwang pakikibaka. Isa lamang ang sigurado ‘ko sa puntong ito, ito ay ang magkahiwalay man tayong lahat sa pisikal na aspekto, ngunit habambuhay naman tayong pag-uugnayin ng ating mga damdamin sa pagsulong ng ating mga paninindigan sa taas-kamaong pakikibaka.

Tuloy ang laban. Padayon mga kasama!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here