Ikinagulat ng ilan sa social media ang kumalat na mga larawan at bidyo ng funeral march para sa pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan(BHB) na si Leoncio Pitao na mas kilala bilang Ka Parago. Dinaluhan kasi ito ng ilampung libong mamamayan. Siya at ang medic nito na si Ka Kyle o Vanessa Limpag ay napatay sa isang raid ng mga sundalo ng AFP nitong Hunyo 28, 2015 sa Paquibato Davao City. Ayon sa Karapatan, kasalukuyang nagpapagaling sa sakit, at parehong walang kakayahang lumaban ang dalawa ng paulanan ng putok ang mga ito.

kaparago copySa mga tiga-lungsod na araw-araw binobomba ng pahayag ng gubyerno at balita ng mainstream media sa patuloy na paghina ng CPP-NPA, at paglalarawan sa mga ito na mga teroristang kinasususklaman sa kanayunan, tunay ngang nakakagulat ang pangyayaring ito. Sapat kayang sabihing malaki lang talaga ang pagrespeto ng mga Pilipino sa mga okasyon ng libing at burol?

Saan nga ba nagmula ang mga taong lumahok sa funeral march sa Davao City noong Hulyo 10, 2015? Hindi sila ang karaniwan makakasalubong mo sa pamamasyal sa mga Malls, pinuputakti na rin kasi ng mga malls ang Davao.

…karamihan ng nagsipagdalo, matanda man o bata ay naka tsinelas, naka sandals, o naka-yapak lamang

Ayon sa ilang midyang nagkober ng funeral march, karamihan ng nagsipagdalo, matanda man o bata ay naka tsinelas, naka sandals, o naka-yapak lamang. May ilan pang mga nanay na naka sakong backpack kalong ang kanilang mga anak, at ang iba pa ay nakasuot ng damit ng mga pang tribo ng mga lumad gaya ng T’nalak. Batay sa mapagkumbabang kaayusan at kilos, alam mong mga magsasaka at mga lumad silang nagsibabaan mula pa sa kabundukan ng Mindanaw.

Marami rin ang nagmula sa mga hanay ng mga manggagawa, mga propesyunal, estudyante, at relihiyoso. Naroon rin ang pamilya ni Ka Parago. Bagama’t nakasanayang tawaging Tatay ng mga tao sa lugar na kinikilusan nito, ang kalakhan ng dumalo ay hindi kadugo ng yumaong kumander ng BHB.

Bantog sa panadarahas, pagdukot at pamamaslang ang estado at AFP sa mga mamamayang lumalaban sa kanilang patakaran at kagustuhan. Kung kaya’t kahit ang simpleng pakikisimpatiya sa mga tulad ni Ka Parago ay itinuturing na mapanganib. Patunay nito ang pamamaril kanila Datu Ruben Enlog, Oligario Quimbo at Randy Canasa, mga aktibistang laban sa pagmimina sa Paquibato, ilang araw bago mapatay si Ka Parago. Maging ang dahilan ng pagkamatay ni Ka Parago at Ka Kyle at nagpapatotoo nito. Kung kaya’t kahanga-hanga ang tapang na ipinamalas ng mga dumalo sa libing.

 

MT-4

Ngunit isa na lamang salitang nawalan ng kamandag ang sindak at takot para sa kanilang nakiramay. Naging mas matimbang ang pagbibigay respeto sa itinuring nilang isang martir ng bayan. Maging ang mga mamamahayag na nakakakilala o minsan nakahalubilo si Ka Parago ay tanging kabutihan at respeto lang ang alaala sa yumaong pulang kumander.

Matatandaang ang malaking ambag ng mga funeral march sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos noong dekada ‘70 at ‘80. Walang takot na nakipaglibing ang mamayang Pilipino sa mga kilalang kalaban ng diktadura tulad kay Macling Dulag, Edgar Jopson, Ninoy Aquino at maraming iba. Ito ay sa kabila ng pandarahas ng diktador at ng AFP.

Karamihan sa dumalo sa funeral march para kay Ka Parago ay mga magsasakang wala o patuloy na inaagawan ng lupa.

Karamihan sa dumalo sa funeral march para kay Ka Parago ay mga magsasakang wala o patuloy na inaagawan ng lupa. Karamihan rin ay kabilang sa iba’t ibang tribo ng mga lumad sa Mindanaw na nanganganib ang pamumuhay dahil sa pangangamkam ng mga kumpanya sa kanilang lupang ansestral. Sila ang madalas tulungan, laging ipinagtatanggol at ipinaglalaban ni Ka Parago at ng mga kasama nito. Si Ka Parago at ang mga kasamahan nito ay kilala rin na aktibong nilalabanan ang pangangamkam ng lupa at pagsira sa kalikasan ng mga malalaking kumpanya ng pagmimina at pagtotroso sa Mindanaw. Patunay nito ang maraming aksyong pagpaparusa gaya ng panununog sa mga trak at mga pabrika ng mga kumpanyang ito.

Isang mahusay na pinuno. Ayon sa isang pahayag ni Jose Maria Sison, marami ang mga naipanalong operasyon ng pagdisarma si Ka Parago noon pa mang 1980s at 1990’s, at maging ang reyd sa Davao Penal Colony. Kilala rin siya bilang tanging kumander ng BHB na nakapag-aresto at matagumpay na nagpalaya sa isang heneral ng AFP, si General Obillo at sa kasamahan nitong si Capt. Montealto noong 1999.

Taong 2009, nang dukutin, tortyurin, gahasain, at patayin ng mga ahenteng militar, si Rebelyn Pitao, ang 22-anyos na anak ni Ka Parago. Si Rebelyn na isang guro ay natagpuang patay sa kanal sa Panabo City. Wala siyang kaugnayan sa gawain ng ama. Nag-umapaw ang pagkamuhi ng marami sa AFP dahil sa pangyayari.


MT-6‘Di-kailang tanggap ng opinyong publiko ang opsyon ng paghihiganti kung pipiliin ni Ka Parago. Ngunit hinarap ni Ka Parago ang kamatayan ng anak ng may reboluyonaryong pagtitimpi. Naglabas siya ng pahayag na nagtitiyak sa pamilya ng mga upisyales at tauhan ng kaaway na walang magaganap na paghihiganti sa kanila. Kung kaya’t kahit ang mayor ng Davao na si Rodrigo Duterte ay hanga sa prinsipyong ipinamamalas ni Ka Parago.

 

Hindi tumampok sa mainstream media ang funeral march. Hindi bulaklak na mula sa mga pulitiko ang bumaha sa burol at libing ng mandirigma ng bayan. Hindi mga bagay kundi mga masang aping mula sa kabundukan at nayon ang bumuhos sa lansangan ng Davao. Bitbit ang kanilang mga plakard ng protesta, sabay-sabay silang nanawagan para sa tunay at ganap na pagbabago.

Sa isang kulturang mataas ang pagrespeto sa okasyon ng libing at burol at sa harap ng mapanupil na patakaran ng estado, isang pambihirang pagkakataon ang funeral march upang maipakita ng mamamayan ang pakikiisa nila sa tunay nilang pinapanigan, sa tunay nliang kinikilalang bayani ng bayan.

 

 

Photos: Demie Dangla

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here