Naging karaniwang tagpo sa mga bangketa at lansangan ang paglalakad ng kalakhan. Palagi ngang viral sa social media ang mga balita o kuwento tungkol sa “resiliency” ng mga Pinoy sa paglalakad para lamang makapasok sa trabaho, makapunta sa ospital o ilang mga indibidwal na piniling bumalik sa kanilang mga probinsya.

Siguro, maaaring sabihin, swerte ka na kung kahit paano ay mayroon kang bisikletang nagagamit sa pang-araw-araw.

Ang karanasan ng marami ay karanasan din namin bilang mga journalist sa alternative media tulad ng kawalan ng service, hindi tulad ng ibang media corporations.

Sa totoo, nakaasa kami sa mga pampublikong sasakyan upang makarating sa aming mga beat. ‘Yun nga lang, nang ipatupad ang tigil-pasada, naging mahirap ang mga coverage.

May mga pagkakataong hindi kinakaya ng aming kapasidad ang ibang mga beats dahil sa layo ng lugar. Mahirap maglakad o magbisikleta nang ilang kilometro habang bitbit ang camera, tripod at laptop.

Kung dati, likod lang ang nangagawit at sumasakit, ngayon, kapag umuuwi, mula ulo hanggang paa ang kumikirot. Kaya minsan, may mga pangyayari na hindi namin nakukuhanan agad. Hindi ko tuloy maiwasang maitanong: ito na nga ba ang “new normal”?

Sa pag-iikot ko sa Metro Manila, nakilala ko ang jeepney driver na si Ferdinand Caligayan. Siya ay 16 na taon nang namamasada sa rutang Cubao-Rosario.

Para sa kanya, malaking balakid ang tigil-pasada simula noong Marso. Dati, nag-uuwi siya ng P700 kada araw sa maghapong pasada.

Dahil wala nang ibang pagpipilian, napilitan siyang manlimos at mangalakal bilang alternatibong paraan upang mairaos ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa araw-araw.

Larawan ni Patrick Caraig

Lima ang anak ni Ferdinand. Lahat sila ay hindi makakapag-aral sa darating na pasukan. Kahit kailan, hindi niya naisip na patigilin ang magkakapatid sa pag-aaral.

Ferdinand Caligayan at mga larawan ng apat sa lima niyang anak. Larawan ni Mel Matthew 
Larawan ni Patrick Caraig

Hangga’t kakayanin, itataguyod niyang mapagtapos ang mga ito. Ngunit ngayong may krisis, nariyan ang agam-agam na baka pangarap na lang ang lahat.

Isa sa mga anak ni Ferdinand ang incoming grade 11 student na si Jhun. Kuwento ni Jhun, hindi pa rin siya nakakapag-enroll dahil mas kailangan ng kanyang pamilya ang pera para sa pagkain at ilang pang-araw-araw na gastusin.

Nangangamba rin siya na hindi makakasabay sa blended learning dahil naibenta na nila ang ilang kagamitan sa bahay tulad ng TV, radyo at cellphone.

Si Ferdinand at kanyang anak na si Jhun. Larawan ni Mel Matthew 
Si Jhun Caligayan, grade 11 sana sa darating na pasukan. Larawan ni Mel Matthew

Sa katunayan, mabigat sa puso ang makinig sa mga kuwento ng mag-tatay.

Habang kinakausap ko nga sila, hindi ko kayang tingnan sila nang diretso. Hindi sa nahihiya ako. Pero sa tuwing masusulyapan ko ang kanilang mukha, ramdam ko ang nauubos nilang pag-asa sa buhay—‘yung pakiramdam na gusto mo pa sanang lumaban pero nakagapos ka sa katotohanang may limitasyon ang lahat ng bagay.

Higit limang buwan simula nang ipatupad ng pamahalaan ang tigil-pasada ng mga pampublikong transportasyon dahil sa pagpapatupad ng community quarantine sa buong National Capital Region at mga piling lalawigan, pero ano na nga ba ang nangyari?

Sa dami ng nakausap ko na jeepney drivers at kanilang pamilya, maraming katanungan ang naglalaro sa aking isip.

Hanggang kailan sila magiging etsa-pwera? Hanggang kailan sila mabibilang sa mga numerong walang mga pangalan? Hanggang kailan sila mumultuhin ng karahasan? Hanggang kailan sila nasa laberinto ng pangungulila? Hanggang kailan sila magtitiis?

Malinaw na walang maayos na plano ang pamahalaan upang tugunan at iprayoridad ang pangangailangan ng mga jeepney drivers.

Pinatunayan ng pamahalaan ang pagiging manhid at kawalan ng pakialam sa kabuhayan ng libu-libong jeepney drivers sa bansa.

Imbis na payagan silang bumalik sa pamamasada, niraratsada pa rin ng administrasyong Duterte ang pagsusulong sa anti-poor na Jeepney Phaseout sa gitna ng pandemya.

Kailan titingin ang mga naghahari-harian sa labas ng kanilang mga santuwaryo? Hindi ba dapat ang pamahalaan ang i-phaseout dahil sa panggigipit sa maliit na tsuper at operators?

Kaya naman dapat pang palakasin at suportahan ang panawagan na #NoToJeepneyPhaseout para sa mga jeepney drivers na patuloy na naapektuhan at maaapektuhan nito.

Ayuda at trabaho upang makabalik sila sa normal na buhay. Ayuda at trabaho upang may pampaaral sila sa kanilang mga anak. Ayuda at trabaho para mabuhay sila nang marangal.

Araw-araw tayong inihahatid ng mga jeepney drivers sa ating mga destinasyon. Nakita natin ang kahihinatnan kung wala sila. Nasulyapan natin ang epekto sa ating mga pagbiyahe.

Panahon na para tayo naman ang tumindig at magkaisa para sa kanilang mga karapatan tungo sa mas makabuluhang pagbabago.

Mga anak ni Ferdinand Caligayan. Larawan ni Patrick Caraig
Si Jhun Caligayan hawak ang kanyang ritrato ng makapagtapos sa elementarya. Larawan ni Mel Matthew 
Larawan ni Mel Matthew

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here