“Panawagan namin sa pangulo ng Pilipinas na sana dinggin at lingunin ang maralitang manininda sa Lungsod ng Maynila na sobra nang niyuyurakan at binubusabos ang kanilang hanapbuhay at talagang sobrang hirap, pasakit na danas ng vendors,” sambit ni Gemma Farin, 25, manininda sa bangketa ng Pedro Gil sa Malate, Manila at tagapangulo ng Pedro Gil Vendors Association (PGVA).
Ayon sa PGVA, kaalinsabay ng panghihingi ng emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte para isaayos ang trapiko sa Kamaynilaan, naglunsad ng mga clearing operations sa mga bangketa ang mga lokal na pamahalaan katulad ng Pasay at Maynila.
Naglunsad din ng clearing operations noong Setyembre ang Metro Manila Development Agency (MMDA) kasama ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) sa mga bangketa ng Balintawak at Cubao. Maraming maliliit na manininda ang nawalan ng pagkakakitaan pagkatapos ng clearing operations.
Pinabulaanan naman ni Farin na ang maliliit na manininda ang dahil ng matinding trapiko sa Maynila.
Sa Lungsod ng Maynila, bago pa man pumasok ang administrasyong Duterte, ipinatutupad na ang Executive Order na “No Obstruction Policy” na nagbabawal sa pagtitinda sa mga bangketa.
“Kaya kami nagtitinda sa kalsada dahil sa kawalan ng trabaho. Walang may gustong magtinda sa kalsada na napakainit pero kailangan namin itong gawin para mapag-aral ang aming mga anak at mapakain ng tatlong beses sa isang araw ang aming mga pamilya,” paglalahad ni Farin.
Negosyante ang prayoridad?
Ayon kay Farin, hanggang taong 2012 ay nakakuha at nagbayad sila ng permit na halagang P30,000 bawat taon para sa buong asosasyon nila mula sa lokal na pamahalaan para makapagtinda sa sidewalk ng Pedro Gil. Nagbabayad din sila ng P20 na ticket bawat araw na dapat ay napupunta umano sa kaban ng lokal na pamahalaan.
“Mula 2012 nang nabuo ang Ermita-Malate Business Owners Association EMBOA at makaupo si Erap [Mayor Joseph Estrada] hindi na kami makapagtinda, patakbo-takbo na lang para makakuha lang ng pagkain para sa pamilya,” ayon kay Farin.
Binawi umano ng taon ding iyon ang kanilang permiso para makapagtinda at hindi na muling nakakuha ng permit.
Dobleng pahirap
Ayon sa isang manininda ng solar panel, umaabot sa P2,000 na hinahati-hati sa tatlong manininda ang kanilang kinikita bawat araw sa bangketa ng Raon sa Quiapo, Maynila.
“Mula nang ipinagbawal ang pagtitinda ay kumikita na lang ako ng P100 sa isang araw mula sa mga kumisyon ng nabebentang solar panel,” pagbabahagi ng manininda.
Noong Setyembre umano sinimulan ang clearing operations sa Raon pero wala itong pasubali. Binanggit lang daw na mag-iinspeksyon si Mayor Joseph Estrada ngunit sa araw na binanggit ay kinumpiska ang kanilang mga paninda.
Halagang P10,000 ang nakuha sa nasabing manininda.
Sa mga bangketa ng Quiapo ay may dilaw na linya na hangganan ng mga manininda
Si Carmelita Masambique, 62 taong gulang, na mula 1990 pa nagtitinda sa mga bangketa ng Luneta, Kalaw at ngayon ay sa Baywalk sa Maynila ay umaabot lang ng P300 ang kinikita sa araw-araw.
“Wala kaming bahay, kung saan lang ako abutan sa pagtitinda ay doon na ako matutulog. Ngayon na pinagbabawalan na kami magtinda sa Baywalk ay halos wala na kami makain,” emosyonal na paglalahad ni Masambique.
Doble umano ang pahirap sa mga maralitang manininda sa Lungsod ng Maynila dahil maliit na nga ang kita ay hinuhuli at kinukulong pa ayon kay Farin.
“Sa Pedro Gil pinakamatindi ang naranasan namin dahil kinukulong, hinaharass ang mga manininda, at kapag nakulong ay pinapalo pa, tinatakalan, hindi naman sila kriminal o adik para saktan sa kulungan,” sambit ni Farin.
Dagdag pa ni Farin, kapag walang kabuhayan ang mga maliliit na manininda at mga maralita, baka ang karamihan ay maging adik o magbenta pa ng iligal na droga.
Paliwanag ni Jay-ar Beltran ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Metro Manila, “ang pagwasak sa ating panindahan ay pagwasak sa kabuhayan at ang pagwasak sa kabuhayan ay pagwasak mismo sa ating buhay.”
Hiling sa Pangulo
Noong Hulyo 22 ay naglunsad ng Manila Vendors and Tri-wheels Summit na dinaluhan ng mga maliliit na maninda sa Maynila kung saan binuo nila ang kanilang mga kahilingan para kay Duterte.
Ilan sa kanilang kahilingan ay: (1) agarang ipatigil ang lahat ng anyo ng panggigipit at paghuli; (2) kilalanin ang kanilang mga karapatan bilang manininda; (3) ibasura ang mga kontra manininda na mga palisiya at batas; at, (4) bigyan sila ng trabaho.
Ipinadala nila ang kanilang mga kahilingan sa Malakanyang noong Agosto 1.
Sinagot naman ang kanilang sulat ng Presidential Action Center noong Agosto 26 na hinihingi ang agarang aksyon ng lokal na pamahalaan basta’t naaayon sa batas.
Ayon kay Farin, wala pa ring tugon ang lokal na pamahalaan hanggang ngayon.
Dagdag pa niya, hindi lang 20 sulat ang naipadala na nila sa alkalde ng Maynila mula nang umupo ito sa kanyang ikalawang termino ngayong Hunyo. Kailangan pa raw nila magprotesta sa City Hall para lang sila harapin ng alkalde.
Nakatakdang magprotesta ang mga manininda ng Maynila sa City Hall sa Oktubre 7 para muling hingin ang aksyon ng lokal na pamahalaan. Sasama rin sila sa martsa patungong Mendiola sa nasabing araw para ilahad ang kanilang kalagayan sa ika-100 araw ng administrasyong Duterte.