Sa pagdiriwang ng ikaanim na anibersaryo ng Bagong Silang Vendors Association (BSVA) sa Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan, muling sinariwa ng samahan ng mga maralitang manininda ang makulay at makabuluhang kasaysayan ng kanilang pagkakaisa at pakikibaka.

Itinatag ang BSVA (dating Samahan ng Manininda sa Bagong Silang) noong 2017 na may tatlong kasapi lamang. Layunin ng samahan na ipagtanggol ang karapatan ng mga maralitang manininda laban sa marahas at iligal na panghuhuli sa kanilang hanapbuhay.

“Naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang ikaapat na State of the Nation Address na nag-aatas ng DILG Memorandum Circular No. 2019-121… Noong maisabatas ito, sinagasaan [nito] ang kabuhayan ng mga vendors,” ayon kay Rex Margallo, isa sa unang tatlong miyembro ng BSVA.

Ang memorandum ay nag-utos ng clearing operations sa mga ilegal na istruktura at konstruksyon sa mga pangunahing kalsada bilang bahagi ng programang Build, Build, Build ng dating administrasyong Duterte.

Ayon kay Margallo, libo-libong manininda hindi lamang sa Bagong Silang ang nawalan ng kabuhayan noong 2018. Kasama rito ang pagsamsam ng kanilang mga paninda na hindi na ibinabalik, at ang mga manininda ay dumaranas pa ng harassment. Naging karanasan ng BSVA ang pag-aresto sa miyembro nito na dinumog ng dalawa o tatlong awtoridad, ang pagdapa sa isa pang kasama, at ang pagbunot ng baril at pag-agaw ng bag kay Margallo.

“Sa kabila ng mga ito, marami na rin kaming nakamit na tagumpay dahil sa sama-samang pagkilos ng mga vendors,” dagdag pa ni Margallo.

Noong 2022, nakipagdayalogo na ang kapitan ng barangay hinggil sa mga hinaing ng mga manininda sa Bagong Silang. Subalit, hindi dumalo ang kapitan; sa halip, ang barangay secretary ang humarap. Sa kabila nito, napagkasunduan na malayang makapagtitinda ang BSVA, partikular sa mga palengke at bangketa.

“Lahat ng vendors, samakatuwid, ay mga mahihirap. Karamihan sa kanila ay nangungutang lamang ng puhunan. Kung palaging huhulihin ng LGU o barangay, paano ang kabuhayan nila? Paano ang kanilang pamilya?” ani Tatay Wilfredo Salceda, kasalukuyang presidente ng BSVA.

Binigyang-diin din ni Salceda na alam ng lokal na pamahalaan ang problema sa kawalan ng pwesto ng mga manininda. Aniya, hindi lamang sa bangketa kundi pati na rin sa mga pamilihan at talipapa ay dapat magkaroon ng lugar ang mga manininda nang hindi sila kinukulit o hinuhuli.

“Makakain. Kumita. Mabuhay ang pamilya,” ito ang aspirasyong ibinahagi ni Tatay Reynaldo Toledo, ang bise presidente ng BSVA.

“Kami po ay naghanapbuhay bilang vendors dahil wala kaming mapasukang malalaking kumpanya na makapagbibigay ng aming araw-araw na pangangailangan,” dagdag niya.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong Oktubre ngayong taon, nasa 3.9% ang unemployment rate sa bansa. Ayon pa kay Toledo, mahigit ₱8,000 kada buwan ang kailangang bayaran kung kukuha sila ng pwesto sa mga palengke sa Bagong Silang.

“Kaya po kami nagkaroon ng organisasyon para sa aming mga nasa katamtaman na hanapbuhay. Makakain, kumita, mabuhay ang pamilya,” ani Toledo.

Sa kabila nito, nananawagan ang BSVA ng pagkakaisa at suporta mula sa kabuoang maralitang manininda sa Bagong Silang.

Ayon kay Margallo na tumatakbong konsehal ng District 1 – Caloocan sa ilalim ng MAKABAYAN NCR, mahalaga ang pagkakaroon ng abot-kayang pampublikong serbisyo.

“Ang plano ng taumbayan na isulong ang karapatan sa kabuhayan, partikular sa pampublikong serbisyong palengke na may abot kayang bayaran ng mga maliliit na manininda. Mahalaga rin sana na may agenda na magkaroon ng benepisyo tulad ng SSS, Philhealth at lokal na ayuda mula sa pamahalaan. Isa pa sa isinusulong ay bigyang prayoridad ng pambansang pamahalaan ang lahat ng lupang tiwangwang o pagmamay-ari ng gobyerno na makapagpatayo ng pampublikong palengke at iba pang serbisyong pampubliko para sa mamamayan,” ani Margallo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here