Tatlong linggo makalipas matanggal ang 12 manggagawa ng departamento ng Physical Facility and General Service Office (PFGSO) sa Adamson University (AdU), naka-tatlong hearing na sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang Unyon ng mga Manggagawa ng Adamson University (UMAdU) at tagapamahala ng AdU. Para sa mga manggagawang natanggal, wala pa ring mahalagang pag-usad ang pagsampa nila ng kaso na illegal dismissal, unfair labor practices, at union busting.
Noong January 14, inabisuhan ni PFGSO Head Architect Daniel Mergal ang 13 manggagawa ng Caritas – PFSGO na magtatapos na ang kanilang “kontrata” sa trabaho.
“Nagtrabaho kami noon, araw ng Sabado. Nung nag-uwian na kami, kinausap kami ni department head, Arch. Dani Mergal. Sinabi niya na sa Lunes, wala na kayo. Bale, magclearance na kayo,” ikinuwento ni Israel Fababier, 35 taong gulang, presidente ng UMAdU at isa sa mga manggagawang tinanggal sa trabaho.
Nakasaad sa listahan na tatanggalin ang walong pintor at limang karpintero. Ngunit pinaiwan ang isa na nasa listahan upang iextend ang kanyang kontrata at nakaambang na tatanggalin din.
“Kinuwestyon namin. Bakit naman ganoon? Bakit bigla ninyo kami tinanggal?” daing ni Fababier.
Ang mga manggagawa ng Adamson
Nakabilang si Fababier sa mga karpinterong itinanggal ng PFGSO. Ang PFGSO ay bahagi sa Student Services ng AdU na nagtititiyak ng kalinisan at kaayusan ng mga pasilidad gaya ng mga silid-paaralan, palikuran at laboratoryo.
Tantiya nila Fababier, aabot sa 160 – 180 ang mga manggagawa sa ilalim ng PFGSO at hindi lalagpas sa 20 ang mga regular dito. Ang mga natitira ay mga kontraktwal o mga colorum casual lamang.
“Kapag colorum ka na casual, wala kang kontrata sa trabaho. Hindi katulad ng isang kontraktwal,” ani ni Fababier.
Dahil walang kontrata ang katulad ni Fababier na isang colorum casual na manggagawa, wala siyang kasiguraduhan kung hanggang kailan ang panahon ng pagtratrabaho sa unibersidad. Ang masaklap pa rito ay tinatawag silang “endo” o “end of contract” na sa katunayan ay wala naman silang hawak na mga kontrata.
“July 2, 2014 ako nagsimula. Tatlong taon na akong nagtatrabaho. Wala kaming specific project na pre-determined ang trabaho. Inilagay lang kami para maging facility maintenance talaga,” banggit pa ni Fababier.
Ang mga manggagawang tinanggal ay umaabot na sa tatlo hanggang walong taong nananinilbihan sa AdU.
Pumapasok ang mga manggagawa ng 20 araw sa isang buwan at tumatanggap ng P500 kada araw. Ang kanilang tinatanggap ay sahod ng isang non-skilled worker lamang. Nangangahulugan ito na dapat mas malaki pa ang sinasahod nila Fababier na maituturing na mga skilled workers.
“Hindi nakakasapat ang sahod ko para sa aking pamilya lalo na’t dalawa ang anak ko. Tapos ngayon tinanggal pa kami,” dagdag ni Fababier.
Employer ng mga natanggal na manggagawa ng AdU
“Na-hire kami ng Adamson sa pamamagitan ng Caritas Et Labora,” sabi ni Fababier.
Ang Caritas Et Labora ay isang “human resource service cooperative” na kabahagi ng Caritas Manila: Church of the Poor, isang ahensiya ng Katoliko at Archdiocese ng Maynila na layuning magbigay ng “social services” at “development” sa mga mahihirap na sektor ng Pilipinas.
Ang Caritas Et Labora ang kinikilalang employer ng mga manggagawang tinanggal. Ngunit sa mga nagdaang hearings sa DOLE, iginigiit ng mga abugado ng AdU, na sina Atty. Agnes Rivera at Atty. Pablo Cruz, na nagtatrabaho lamang sila Fababier para sa unibersidad at hindi mga empleyado nito.
Ang ganitong pahayag ng mga abugado ay nagsasabing walang pananagutan ang Caritas Et Labora at AdU sa pagkakatanggal ng mga manggagawang taon-taon nang naninilbihan sa unibersidad.
Naisiwalat din na ang Caritas Et Labora ay lumalabag sa proseso ng batas paggawa dahil hindi ito rehistrado sa DOLE. Gumagalaw sa paraan ng “labor-only contracting” na pinagbawalan na ng DOLE nitong nakaraang taon.
Prohibition Against Labor-only Contracting
Kung para sa Caritas Et Labora at AdU ay hindi sila ang employer dahil walang kontratang nagpapakita nito (na sa katunayan ay isa ring paglabag sa batas), para sa mga nagpoprotestang manggagawa, sila ay tila tumatayong employer na walang pagsunod sa tamang “labor practices.”
Pagbuo ng sariling unyon
“Tinatakot kami na tatanggalin na. Hindi raw kami mareregular. Ito ang mga panakot nila [Adamson] sa amin kaya huwag na raw kami umasa,” sabi ni Fababier.
Sa tatlong taong pagtatrabaho Fababier sa AdU, hindi niya natamasa na maging isang regular na manggagawa. Ito rin ang sinapit ng ibang manggagawa mas matagal pang nagtrabaho kaysa sa kanya.
“Kaya nagkaisa kaming bumuo ng organisasyon para maipaglaban naman namin ang karapatan namin,” banggit ni Fababier.
Kaya’t bago pa magkaroon ng tangkang pagtanggal sa ilang manggagawa ng AdU ay binuo na nila ang kanilang unyon dahil bukod pa sa illegal dismissal ay sinasabi nila Fababier na talagang malaganap ang unfair labor practices at walang kasiguraduhan na employment condition.
Ang ilang mga natitirang mga regular na manggagawa sa AdU ay bunga naman ng kanilang laban para sa regularisasyon. Naipanalo nila ang kaso matapos din nila mabuo ang kanilang sariling unyon at ikasa ang laban noong 1990.
Kahit gustong ipabasura ng mga tagapamahala ng AdU ang kasong isinampa ng UMAdU laban sa kanila, mas pinaigting pa nila Fababier, kasama ang 31 at dumadami pang miyembro ng unyon, ang kanilang panawagan laban sa illegal dismissal at kontraktwalisasyon.
Nitong February 13, nagpiket prostesta muli ang mga manggagawa sa harap ng gusali ng AdU dahil may banta na naman na tatanggalin ang natitira pang 35 na manggagawa sa March 6, 2017.
“Kami’y patuloy na lalaban na hangga’t hindi kami nakakabalik at hindi naireregularisa sa aming mga trabaho,” giit ni Fababier.