Tuloy-tuloy ang nararanasang panggigipit at pangungumbinsing magpabayad na lamang ang mga residente sa isang komunidad sa King Christian St. sa Brgy. Bagbag, Quezon City na humaharap sa banta ng demolisyon.
Higit dalawang dekada nang naninirahan ang aabot sa 50 mahigit na indibidwal sa King Christian St. kung saan sila na rin mismo ang nagpaunlad ng nasabing komunidad.
“Napakadamo, napakata-napakatalahib po talaga dito. Wala pa ‘yung mga building na ‘yan, taniman ko pa ng mga gulay ‘yan diyan,” ani Arlene Sioc Alere.
Ngunit taong 2021 lamang nagpakilala sa mga residente si Roberto ‘Bobet’ Collantes na nakabili umano sa 1,129 metro kwadrado kung saan bahagi ang kanilang komunidad.
“Tagal-tagal na nga n’ya na dinadaan-daanan kami rito ni-ho, ni-ha, wala siyang sinasabi sa amin. Tapos ngayon, bigla na lang siyang lalantad sa amin dito na siya daw ‘yung tunay na may-ari,” dagdag pa ni Arlene.
Mga haligi, dingding, at tubo ng tubig, ilan lamang sa mga nadamay sa nagpapatuloy na demolisyon
Noong Hunyo 13, nagdulot ng tensyon sa komunidad ang operasyon ng backhoe para sa pagtitibag at paghahakot sa ilang kabahayan.
Ang mga tinitibag at hinakakot ay mga kabahayang napilit mag-self demolish, pagbabahagi ni Wengy Mante.
Ayon sa kanya, Mayo 15 pa nang simulan ni Collantes ang pangungumbinsi sa ilang mga residente na magpabayad kapalit ang halagang P36,000.
Dagdag niya, March 2021 pa noong binanggit ni Collantes ang alok na danyos batay sa “minimum wage by 60 days”. Ibig sabihin, kung sa kasalukuyan na minimum wage sa Metro Manila na nagkakahalagang P610, ang makukuha ng mga papaloob sa danyos na ibibigay ni Collantes para sa magpapabayad ay P36,600. Pasaring ni Mante, nawawala ang P600 dahil P36,000 lang naman ang ibinibigay ni Collantes sa mga nakumbinsing magpabayad.
“Siyempre kami naman tumutol, tumutol dahil kailangan ipakita niya na muna yung dokumento,” ani Mante.
Giit ng mga residente na iligal ang isinasagawang demolisyon dahil wala namang maipakitang court order si Collantes sa kanila.
Kinondena rin ng mga residente ang iba’t ibang pambabanta sa kanila sa kabila ng banta ng demolisyon.
“May nagsabi po sa amin dito na hahagisan daw po kami ng granada. Wala daw po kaming laban dahil mahirap lang daw po kami, mayaman daw si Collantes. Marami siyang kakilalang mga abogado. Kaya dapat daw, magbabayad na lang daw kami. Ang sagot ko naman, “Saan po naman makakarating ‘yung P36,000?. Ang kailangan po namin dito– bahay, hindi pera,” giit ni Arlene.
“Marami po pananakot ang sinasabi sa amin na kami daw ay puputulan ng kuryente at tubig. Bakit? Nabili na po po niya Maynilad at Meralco?” dagdag naman ni Mante.
Kasabay sa nahagip ng operasyon ang kisame ng bahay ni Jasmin Sioc Alere, anak ni Arlene, maging ang ilang tubo na nagsusuplay ng tubig sa ilang pamilya sa kanilang komunidad.
Ayon kay Jasmin, nanonood lamang si Collantes habang tuloy-tuloy ang operasyon ng backhoe.
“Nasabi sa akin na magbayad na raw po, bayad na raw po ‘yung bahay namin kaya daw po sinama nila. Sabi ko, “Hindi pa po kami bayad, kasi po, nandito kami e. Hindi pa kami bayad e.”, sabi kong gan’yan,” giit ni Jasmin
Agad din namang siyang dumulog kay Collantes, ngunit ipinasa lamang siya nito sa kanilang barangay.
“Sinabi po kasi namin sa kaniya (Collantes) na kasi po, ‘yung dingding po namin na nagiba, paano pong gagawin namin niyan? Paano niya po ‘yan ipapaayos? Kailangan po n’yo ‘yan ipaayos, kasi hindi naman po kami bayad e. Nakatiwangwang po ‘yan. Ngayon, ang sabi po niya, kay Kapitan Rex Ambita daw po kami, mag-ano ng pangpagawa niyan,” ani Jasmin.
“Noong napunta po kami niyan sa barangay dahil po nagreklamo po ako laban kay Bobet Collantes, ang sagot naman po namin ay aantayin po naming ipatawag si Bobet Collantes kung sakaling maghaharap-harap daw po kami doon. Hindi pa po namin alam kung kailan. Parang balewala lang din po ‘yung reklamo namin e,’ dagdag ni Jasmin.
Noong Hunyo 15, ikinasa ng mga residente kasama ang iba’t ibang sumusuportang grupo ang kilos-protesta para igiit na ilehitimo ang ginagawang pagdedemolish sa kanilang komunidad.
Patuloy rin ang panawagan ng mga residente para igiit ang kanilang tindig na manatili sa kanilang tinitirhan.
“Sana matulungan po kami ni Mayor Joy Belmonte, ng mga nasa gobyerno. Mayroong bakuan ang pinapasok nila, wala man silang pasintabi na, wala man silang sariling pantao na sabihin, oh, mag-babako kami rito, ‘yung tubig niyo baka tamaan, ilihis ny’o na–wala,” ani Mante.
“’Yong mananatili po kaming dito nakatira, ‘yun ‘yung gusto po sana namin,” pagbabahagi ni Arlene.