Nasa poster na mismo ng pelikula makikita ang maaaring tunggalian – dalawang magkaibigang babae at isang lalaking karelasyon ng isa sa dalawang babae. Ngunit hindi naman mahuhulaan sa mga naunang trailer nito na nagpakita lang ng pangako ng ‘di matitinag na pagkakaibigan sa una at sa dulo’y susubukin tila ng personal na inggitan ang dami ng liko’t sikot ng pelikula.

Maraming cliché ang pelikula – sa pagkakaibigan, sa relasyon, sa pagtataksil, sa drama at sa pelikula mismo. Marami ring estereotipo – archetype ng marupok o tatanga-tangang babae sa relasyon, masamang biyenan, mahinang lalaki na spoiled na anak-mayaman – kaya’t parang isang dimensyon lang ang mga karakter batay sa pangunahing deskripsyon nila. Maraming biglang patawa o biglang paiyak na eksena na kung paisa-isa lang ay nakalilibang pero kung sama-sama o siya nang kabuuan ay mahirap malaman kung saan gusto dalhin ang puso’t isip ng manonood. Bukod sa pagsasama ng dalawang top-billed na artistang gumanap sa pelikula ay parang ordinaryong dramang pantelebisyon na ang iba pang aspeto sa pelikulang ito. Maaaring ang kalidad at kwento nitong dramang pantelebisyon ang pamilyar na pormula sa mga manonood na nakabig, naiyak o nabagbag ang loob sa pelikulang ito.

(Kung mayroon mang bagong ginawa ang pelikula ay ang kanyang paggamit ng eksena ng awayan sa kotse na hindi nagtapos sa banggaan, pagkaospital o kamatayan.)

Mabigat ang tungkulin na iniatas ng titulo para ipresenta sa manonood ang sentral na pagkakaibigan sa pelikula. At hindi na rin talaga ito naitaguyod ng mahabang background nito – mga maiikling eksena, mga montage na nagpakita paano nabuo ang pagkakaibigan ni Mariel (Bea Alonzo) at Deena (Angelica Panganiban) at kung paano ito tumibay, na tila dahil lang laging isinasalba ni Mariel si Deena sa mga lalaking nanloloko sa kanya.

Si Mariel ang ‘hero’ ni Deena sabi mismo ng karakter ni Panganiban. At ano si Deena? Biktima? Damsel-in-distress? Mukhang ganoon. Matibay si Mariel, maaaring mas maraming makakaugnay sa karakter niya. Mahina si Deena, tapos ano na nga bang kalakasan niya? People skills sa iilang mga tao gaya ng biyenan? Hindi na naipakita. Hindi rin nakita kung paanong naging symbiotic ang relasyong ito sapagkat hindi naman nakita paanong natulungan o anong naging papel ni Deena sa pag-unlad ng pagkatao ni Mariel, bukod sa naging lagi nitong kasama at naging bahagi na rin ng pamilya ni Mariel dahil laging kasama at wala ang pamilya niya sa bansa. Kung kaya’t parang sapat na dahilan na sa unang falling out nila ang pagsasawa ni Mariel sa problema ni Deena sa mga relasyon nito, na parang wala nang ibang nagbibigkis sa kanilang pagkakaibigan. At sa break down scene ni Mariel, na napakahusay ginampanan ni Alonzo, nakakagulat din ang expectation niya kay Deena, na tila gusto niya siya lang ang kaibigan o laging siya lang ang kakampi, kasi hindi naman naitaguyod ng karakter, pagkakaibigan o mutwal na karanasan nila.

Sa isa pang bahagi ng triangulo, kung kaya’t ang hirap unawain ng lalim ng mga ugnayan, hindi rin naman pinresenta paano nagsimula ang relasyon ni Mariel sa kanyang naging asawa na si Justin (Richard Gutierrez), kung anong nagbuklod sa kanila, kung malalim ba ang pag-iibigan nila, na maaari sanang nagdagdag ng bigat sa mga pangyayari. Kung tutuusin, hindi na rin naman naipakilala maging ang pagkatao ni Justin, kundi ilang mga bagay sa kanyang nakaraan, bagamat hindi ito ang mga bagay na maaaring magbabala na hahantong siya sa kahinaang kanyang kasasangkutan sa pelikula.

Hindi na rin masyado naipakilala ang amuki ng mga sentral na babaeng karakter, bukod sa kanilang mga posibleng karera o ang pag-ikot pa rin ng buhay ni Deena sa lalaki. Tila wala silang ibang naging mayor na milyahe sa buhay o kasiyahan at kabiguan kundi lalaki (tatay man o asawa) at relasyon. At maging ang pagkakaibigan at karakter nila ay sa lalaki o relasyon nagsimula at doon din naputol.

Kung paano nabuo muli, tila isang deus ex machina, isang pangyayari para biglang kalimutan ang sinabi na nga ng trailer ng pelikula na ‘hindi mapapatawad na kasalanan’. Maaaring sabihing sapat na ang pagmamahal para mabuo ulit ang pagkakaibigan? Siguro. Siguro hindi. Ngunit parang mas akma na itong katapusan kundi mawawalan ng punto ang pelikula. Magiging linear, dire-diretso lang nitong tinahak ang pagkawasak ng isang pagkakaibigan at hindi na magagamit ang titulo. Kundi man ay baka dahil kailangan nito ng masayang pagwawakas.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here