Sa lungsod ng Dasmariñas, Cavite, napalilibutan ng mga gusali at subdivision ang ekta-ektaryang lupang agrikultural.

Sariwa ang simoy ng malamig na hangin. Sagana ang ani ng palay, mais, at samu’t saring mga gulay. Mahinahon ang ilog na tanging pinagkukunan ng tubig ng komunidad.

Payapa ang Lupang Kapdula sa unang tingin.

Ngunit sa likod ng mahiyaing ngiti ng mga magsasaka, pasan nila ang bigat ng deka-dekadang pakikibaka laban sa pagkamkam ng lupang bumubuhay sa kanilang mga pamilya.

Ang mga magsasaka ng 155-ektaryang Lupang Kapdula ay nasa gitna ng isang ligal na laban para sa pagseguro ng kanilang pagmamay-ari sa lupa. Ito ay pinangangasiwaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng Land Use Cases Committee (LUCC).

Matapos ang serye mga kaso at palitan sa DAR, iginigiit ng Samahang Magbubukid ng Kapdula (SAMAKA) na iligal ang pag-angkin at pagbakod ng South Cavite Land Company Inc., Sta. Lucia Realty & Development Inc., at JAKA Investment Corporation sa 30-ektaryang lupa sa loob ng Lupang Kapdula.

Sa pakikipanayam sa mga magsasaka ng Lupang Kapdula, isinasalaysay nila ang joint venture agreement na ipinasok noong 1996 kasama ang South Cavite Land Company Inc. bilang ugat ng ligal na batayan para sa pagkamkam ng lupa.

Kalaunan ay prinesentahan sila ng mga huwad na dokumentong patunay umano ng kanilang pagpayag sa kumbersyon ng lupa mula sa agrikultural na gamit.

Mayroong mahabang kasaysayan ang Lupang Kapdula ng pagtatalo para sa pagmamay-ari nito. Lagi’t lagi, ang mga magsasaka ang pinakaapektado at napupwersang lisanin ang lupa dahil sa pagkaetsa-puwera mula sa mga kasunduan o sa mga banta ng pandadahas.

Kasabay ng pagsampa ng mga kaso at pag-apela sa DAR, naglunsad ang mga magsasaka ng kampanya para sa balik-saka noong 2017 at tuloy-tuloy nang nagbubungkal hanggang sa kasalukuyan.

Tuloy-tuloy din ang panggigipit ng mga pribadong gwardya ng South Cavite Land Company Inc., Sta. Lucia Realty & Development Inc., at JAKA Investment Corporation upang mairatsada ang kombersyon sa lupa. Ayon sa salaysay ng mga magsasaka, ang mga gwardya na armado ng matataas na kalibreng baril ay pumupunta sa kanilang sakahan upang sirain ang mga pananim at gibain ang mga kubong ginagamit bilang pahingahan. 

Hinaharangan din ang mga kalsadang nagsisilbing daanan mula sa sakahan tungo sa merkado. Ito ang isa sa mga pangunahin ikinababahala ng mga magsasaka dahil ipinahihirap nito ang paglabas ng mga kalakal na sentro ng kanilang hanapbuhay.

Si Tatay Tommy, 67, ay kabilang sa mga magsasakang napilitang umalis mula sa Lupang Kapdula dahil sa agawan sa pagmamay-ari nito. Panandalian siyang nagtrabaho bilang construction worker ngunit aniya’y wala naman talaga siyang ibang alam na hanapbuhay maliban sa pagsasaka. Kaya noong nagkaroon ng pagkakataong bumuo ng panibagong samahan sa Lupang Kapdula at bumalik sa pagsasaka, agad siyang nakianib.

Ginunita niya ang panahon na puro pa tubuhan ang Lupang Kapdula. Ngayon, ang ilan na sa mga sinasaka ni Tatay Tommy ay mais, sitaw, at upo. Sinusubukan din nilang magtanim ng mga niyog, mangga, at iba pang mga punongkahoy ngunit sinusugod daw ang mga ito at binubunot ng mga pribadong gwardya.

Dahil sa pagharang sa mga daan tungong merkado, doble ang hirap na kailangang pagdaanan para mailabas ang pangangalakal. Kung dati ay malaya at dire-diretso silang makapaglalakad o sasakay ng habal-habal bitbit ang kanilang kalakal, ngayon ay kailangan pa itong buhatin sa paakyat ng bakod at iaabot sa taong nakaabang sa kabilang panig. Ngunit dahil daw sa edad niya ay halos wala na rin siyang madala, natatawang idinagdag ni Tatay Tommy.

Kinikilala ni Tatay Tommy ang hirap ng laban na kanilang ikinakaharap. Patuloy silang nagpaparami sa samahan ngunit ang kalaban ay lumalakas rin. Ano ang magiging laban ng kanilang mga itak pansaka sa mga baril at armas ng mga elemento ng mga panginoong maylupa?

Si Nanay Nitang, 67, ay sa Lupang Kapdula na ipinanganak at lumaki.

“Dito na ako naging tao,” kaniyang ibinanggit nang may pagmamalaki at paggunita.

Patuloy pa rin siyang nagsasaka sa tulong ng kaniyang mga anak na nagtatrabaho rin sa sakahan.

Sa pagputok ng pandemya, nahirapan si Nanay Nitang na maglabas ng pangangalakal dahil sa paghihigpit sa paglabas ng mga senior citizen. Naging panibagong pahirap ang pagharang ng mga  pribadong gwardya sa daan patungong merkado. Minsan ay nakikidaan sila sa lagusan na binabantayan ng mga gwardya ngunit nakararamdam pa rin ng takot dahil sa bitbit na mga mahahabang baril.

Napipilitan tuloy na magpaikot-ikot sa alternatibong mga daan para lang mailabas ang kalakal. Ang iba namang daan ay matarik at madulas kaya sa edad ni Nanay Nitang, aniya’y delikado na para sa kaniya ang magpumilit na mag-ahon-sulong dito.

Sa kabila ng dinadanas nilang panggigipit, walang balak si Nanay Nitang na lisanin ang kanilang lupa o tumigil sa pagsasaka kahit na hindi tiyak ang kapalaran nila sa Lupang Kapdula.

“‘Di namin masabi hanggang kailan kami rito. Sana kami ang manalo [sa legal na kaso] at magtagal kami. Wala kaming alam ng mga anak ko kundi magbukid nang magbukid,” aniya.

Isiningit lang ni Nanay Nitang ang pakikipanayam sa kaniyang abalang iskedyul ng pag-aani. Sa tanghali na iyon ay tago ang araw at pabugso-bugso ang malakas na pag-ulan.

Anumang buhos mula sa langit, patuloy lang daw si Nanay Nitang sa pagsakaka.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here