Binaybay ng libo-libong mga tsuper at opereytor sa pangunguna ng PISTON at MANIBELA kasama ang multisektoral na pormasyon at komyuter ang Mendiola mula Welcome Rotonda kahapon, Disyembre 29.
Pagpapakita ito ng mariing pagtutol sa jeepney phaseout sa tabing ng PUV Modernization Program na ipinatupad noong 2017. Tinatayang magdudulot ng isang transport crisis apektado ang higit 200,000 tsuper at opereytor sa isasagawang phaseout na sisimulan sa traditional jeepneys.
Ayon sa mga grupo, nagpapasa-pasahan ang administrasyong Marcos Jr. maging ang LTFRB, DOTr at iba pang ahensyang sangkot sa nakaambang phaseout. Anila, mainam na bigyang prayoridad ang kabuhayan ng mga tsuper at karapatan ng komyuter para sa maayos na pampublikong transportasyon.