#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Rosela Pacheco

0
276

Si Nanay Rosela ay 52-anyos mula sa tribo ng Ituman mula sa Maghati Bukidnon ng Negros Occidental.

Ninais na sumama ni Nanay Rosela sa Lakbayan upang ipaalam sa gobyerno ang kanilang kinakaharap sa mga operasyong militar kaugnay sa pagkamkam sa lupang tinatamnan nila.

Isang banyagang kumpanya, ang MOSSER Environment Inc., ang dumating sa kanilang lugar noong 2002 at ginamit ang kanilang lupa sa negosyo nito. Tinatamnan ng MOSSER ng puno ang mga lupain ng mga katutubo at kalaunan ay i-eeksport upang gawing mga kasangkapan sa bahay o furniture.

Nangako ang kumpanyang ito na ibabalik sa kanila ang lupa matapos ang pitong taon, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin naibabalik ang lupa sa kanila. Sa kabila rin ng pagkakait ng MOSSER sa lupa ng mga mga katutubo ay wala ring natatanggap na benepisyo at hindi nababayaran ang kanilang serbisyo. Dahil din sa mababang sweldong kanilang natatanggap ay halos puro kanin na lamang ang nababaon ng mga anak ni Aling Rosela sa eskwelahan.

Lantaran ang naging panloloko ng kumpanyang ito sa mga mamamayan.

Ang paglalabas ng mga likas yaman mula sa lupang ninuno nang walang natatamong benepisyo ang komunidad ay malinaw na paunawa kung paanong hindi naman napakikinabangan ng mga mamamayan ang mga proyekto ng dayuhang kumpanya.

Noong 2004 naman, mayroong dumating sa kanila na “private attorney” na nagngangalang John Pareno mula sa Bacolod. Umakyat siya sa bundok na mayroong dalang ilang mga kagamitan ngunit lingid sa kaalaman ng mga mamamayan sa komunidad na iyon ay tatamnan na pala ang kanilang lupa. Kalaunan ay pinalalayas na sila roon at sapilitang pinapapirma sa mga blangkong papel, ngunit hindi pumayag sila Nanay Rosela na lumagda. Patuloy silang tinatakot upang pumirma ngunit hindi natitinag sila Nanay Rosela. Hindi sila basta-basta pumayag.

“Hindi sila magtatagumpay,” ani Nanay Rosela.

Liban pa sa pribadong negosyo na umaagaw sa lupa ng mamamayan, patung-patong na mga “proyektong pangkaunlaran” ang kinahaharap ng mga Ituman.

Katulad din sa ibang rehiyon ay sagabal din kung ituring ng mga taga-Negros Occidental ang proyekto ng gobyerno na National Greening Project o NGP. Ang NGP ay proyekto ng malawakang reforestation, ngunit katumbas nito’y kinukuha ang mga lupa ng mamamayan. Pinagbabawalan din silang pumutol ng puno na natamnan na ng NGP dahil maaari silang makulong sa ganitong mga aksyon .

Bukod pa proyektong NGP, mayroon ding nakaambang pagpapatayo ng dam para sa flood control na sasakop sa 15 komunidad at munisipalidad. Maapektuhan rin ang paaralan at pamayanang nakapaloob dito. Tinatayang sa 500 metro sa kabuuang 194,500 na ektarya ang huhukayin. Nasa 900 kabahayan at 484,000 indibidwal ang direktang maaapektuhan. Sa bilang ng mga apektado, 14,000 ay mga katutubo. Wala man lamang relokasyong inaalok sa mga mamamayang maapektuhan ng proyektong ito.

Nariyan din ang proyektong ‘Translink Road’ na magdudugtong mula Mamaylan, Negros Occidental patungong Tayasan, Negros Oriental. Ang Translink Road na ito ay para sa daanan ng mga kagamitan at makinaryang gagamitin sa pagpapasisimula ng pagmimina roon.

Sa kasamaang palad, hindi rin mawawala ang militarisasyon sa ganitong mga tagpo ng buhay ng mga katutubo at mamamayan sa kanayunan. Pinakamadaling dahilan ng militar sa panghaharas sa mga mamamayan ang akusahan silang mga miyembro ng New People’s Army o NPA. Binubugbog ang mga tao ng mga militar kapag itinatanggi nila ang paratang na sila ay NPA.

Sa kabila ng lahat ng ito, nagpupunyagi si Nanay Rosela sa pagtataguyod sa kanilang lupang ninuno at sa kanilang karapatan at kagustuhang mabuhay nang may dignidad. Tiyak niya na sa bawat pandarahas, ang ihaharap nila’y paninindigan. Sa bawat paniniil, paglaban.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here