Pinangunahan ng Computer Professionals’ Union (CPU) ang kilos-protesta para igiit sa gobyerno ang pagpapaigting ng proteksyon at seguridad hinggil sa personal at pribadong datos ng mga mamamayan sa harap ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Diliman, Quezon City, Lunes.

Sa panayam kay Maded Batara III, tagapagsalita ng CPU, binigyang diin niya ang kapabayaan ng gobyerno sa cybersecurity. Transparency at auditable funds ang hinihiling ng grupo para sa cybersecurity ng bansa taliwas sa pahayag ng DICT na kailangan nito ng confidential funds.

Kasama ang DICT sa limang ahensyang tinapyasan ng confidential and intelligence funds (CIF) para sa 2024 budget ng House of Representatives na ilalaan naman sa mga ahensyang panseguridad partikular sa namamahala sa pagsubaybay at pagprotekta sa mga karapatan sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Ang mga ahensya na tinapyasan ng CIF:

  • DICT (P300 milyon)
  • Office of the Vice President (P500 milyon) 
  • Department of Education (P150 milyon)
  • Department of Agriculture (P30 milyon)
  • Department of Foreign Affairs (P50 milyon)

Ang mga tinapyas na pondo ay idinerehe at hinati para sa mga ahensya tulad ng: 

  • National Intelligence Coordinating Agency (P300 milyon)
  • National Security Council (P100 milyon)
  • Philippine Coast Guard (P200 milyon)
  • Department of Transportation (P381.8 milyon)

“Iba’t iba man ang naging intensyon ng mga hacker na ito, to make a statement o ‘di kaya pagkakitaan, ito ay nagpapakita ng sunod-sunod na insidente ng kahinaan ng gobyerno sa cybersecurity,” ani Batara.

Ilan sa mga insidente ng pag-atake ng cyberhackers ay ang pagnanakaw sa datos ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong Setyembre 22 kung saan hindi bababa sa 13 milyong miyembro nito ang naapektuhan. Inako ng grupong Medusa ang nasabing pag-hahack at ang data breach na ito sa mahigit 730 gigabytes (GB) na datos kapalit ang $300,000 na ransom.

Ang insidenteng ito ay agad na nasundan ngayong buwan sa Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan nagkaroon ng leak sa pribadong datos sa Community-Based Monitoring System.

Nitong buwan lamang din nang ma-hack ang website ng House of Representatives na may nakapaskil ang isang troll face comic meme na may mensaheng “Happy April Fullz kahit October pa lang!”.

Matatandaan din ang pag-atake sa website ng Commission on Elections (COMELEC) noong 2016 kung saan nakompromiso ang personal na impormasyon ng humigit-kumulang 70 milyong katao.

Nanawagan din ang CPU sa gobyerno na ibasura ang lahat ng batas na nangongolekta ng impormasyon ng mga tao sa malawak na saklaw at hayaan silang masugatan sa mga pagtagas ng data at paglabag sa mas malawak na saklaw, gaya ng batas sa pagpaparehistro ng SIM.

Anila, maaring magdulot ng panganib tulad ng data leak sa panahon ng umuusbong na cyberscams. Ang batas kasi ay inoobliga ang SIM card users na ibigay ang kanilang personal na impormasyon para mairehistro ang kanilang mga numero. Ilang grupo gaya ng CPU at National Union of Journalists of the Philippines ay nagpetisyon na pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng batas sa kadahilanang ito raw ay paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at impormasyon, karapatan sa privacy at iba pang karapatan, ngunit binasura ito ng Korte Suprema.

Sa kaugnay na usapin, sinisingil din ang gobyerno hindi lang sa malawakang pagkolekta ng impormasyon ng mamamayan kundi rin sa pagharang sa pag-access ng impormasyon.

Noong makaraang taon lamang, nagkaroon ng pag-block ng akses sa higit 26 na website tulad ng Bulatlat, Pinoy Weekly, at iba pang website ng mga progresibong organisasyon matapos magbaba ng memorandum ang National Telecommunications Commission (NTC) at ang National Security Adviser at retired general Hermogenes Esperon Jr at inakusahan ang mga organisasyong ito na “affiliated to and are supporting terrorists and terrorist organizations.”

Gaya ng Bulatlat, hindi rin iba ang karanasan ng mga alternative media outfits tulad ng Manila Today na nakaranas na ng distributed denial of service (DDOS) attack noong 2019 at iba iba pang atake sa website na ang pangkalahatang epekto .

Umabot sa ligal na labanan ang usaping ito. Hindi naman kinatigan ng Quezon City Regional Trial Court ang Motion for Summary Judgement na inihain ng NTC at NSC laban sa Bulatlat. 

“We reiterate that Esperon should be held accountable for masterminding the blocking of more than a dozen websites of media outfits and progressive groups. We also welcome the denial of motions for summary judgment. While the NTC & NSC claim that the blocking is a  matter of national security, we assert that our right to free speech, free expression & free press have been violated, ayon sa pahayag ng Bulatlat noong Setyembre 7.

[Inuulit namin na dapat panagutin si Esperon sa masterminding ng pagharang sa ilang mga website ng mga media outfit at progresibong grupo. Tinatanggap din namin ang pag-deny sa motions for summary judgement. Habang sinasabi ng NTC at NSC na ang pagharang ay isang usapin ng pambansang seguridad, iginigiit namin na ang aming karapatan sa malayang pananalita, malayang pagpapahayag at malayang pamamahayag ay nilabag.]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here