Matagumpay na naitayo ang kampuhang manggagawa sa pangunguna ng Unyon ng Manggagawa sa Harbor Centre (UMHC) sa tarangkahan ng pantalang pagmamay-ari ni Reghis Romero noong Nobyembre 25.
Higit 378 manggagawa na kabilang sa unyon ang iligal na tinanggal sa trabaho noon pang Enero 2020. Matinding krisis din ang sumalubong sa bahagi ng mga manggagawa pagkalipas ng higit dalawang taong pagkakasisante nang isara ang lahat ng mga pabrika at pagawaan dulot ng pandemyang COVID-19.
Ngayon, higit dalawang taon na ring dinaranas ng mga manggagawa ang urong-sulong na kalagayan ng kanilang kaso.
Taong 2020 rin nang inilaban nila ang kanilang panawagan mula Department of Labor and Employment hanggang Korte Suprema sa pagpapanumbalik ng mga manggagawang tinanggal kasabay ang pagbabayad ng kanilang management ng sahod ng mga manggagawa sa panahon na sila’y iligal na tinanggal.
Ayon kay Francisco Manaog, pangulo ng UMHC, bagaman kinatigan ng mga kagawaran ng gobyerno at korte ang kanilang lehitimong panawagan, sadyang bingi ang management ni Romero at ipinamamayagpag lamang nito ang kapangyarihang ilagay sa kamay ang batas.
Noong Nobyremre 21, sinikap na itayo ng mga manggagawa kaagapay ang mga tagasuporta nitong mga kabataan at maralitang lungsod mula Navotas, Malabon, at Tondo. Ngunit inabot lamang sa programa at hindi naitayo ang kubol ng mga manggagawa.
Apat na araw ang nakalipas, tinaya muli ng mga manggagawa na maagang lumarga at igiit ang karapatan sa pagtatayo ng kampuhan bilang simbolikong aksyon sa kawalan ng tugon partikular ng Harbor Center Port Terminal Inc., panggigipit ng mga goons nitong kapulisan at security personnel, maging ang tikom at kawalang pangil mismo ng DOLE.
Ani Manaog, itataguyod nila ang pagkukubol sa tarangkahan ng pantalan upang ipakita ang pwersa ng mga manggagawa kaisa ang mga kababaihan, kabataan, maralitang lungsod at iba pa.
Batid ng pangulo ng unyon na ang kalagayan ng pangkalahatang sektor sa lipunan ay primarya at sapul na dinaranas ng mga manggagawa.
Tatagal ang kampuhang manggagawa hanggang ika-28 ng Nobyembre. Sa araw rin na iyon ay tutungo sila sa DOLE-NCR upang idulog ang kanilang kaso at himukin ang ahensya na gawan ng aksyon ang nakabinbing mga kautusan nito at ng korte.