Sa tuwing sasapit ang Mahal na Araw, tradisyon na ng bawat Katoliko ang pag-aayuno at pagbisita sa mga simbahan para sa Visita Iglesia.
Tulad ng ibang deboto, nakasanayan ding gawin ng pamilya Serrano ang pamamanata sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine o ‘Grotto’ sa San Jose Del Monte, Bulacan kada Huwebes Santo. Subalit, walong taon na ang nakalipas pero hindi pa rin sila nakakabalik sa Bulacan para makapag-ayuno.

Walong taon na rin kasi mula nang pinaslang ang kanilang padre de pamilyang si Roberto L. Serrano, 44, sa isang lansangan sa Caloocan, gabi ng Abril 4, 2017. Si Roberto ay isang Chief Tanod o Executive Officer mula sa Barangay 18.
Ayon kay Gina Serrano, asawa ni Roberto, tatlong motorsiklo ang huminto sa tapat ng bahay nila noong gabing iyon. Sakay ng mga ito ang anim na armadong lalaking hindi nila kilala.
“‘Yung naka-angkas bumaba, tapos ‘di ba nakayakap [‘yung anak ko] sa papa niya? Biglang hinila [palayo nung lalaki] ‘yung anak ko. Tapos nung nakawala na yung anak ko sa papa nya, biglang binaril. Kaya kitang kita ng anak ko kung paano pinatay ‘yung papa niya,” paglalahad ni Gina.
Dagdag niya, sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na ospital ang duguang katawan ni Roberto, ngunit kalaunan ay namatay din ito.
Patuloy na hinagpis
Hindi pa tuluyang naiibsan ang sakit na naiwan mula sa pangungulila sa kanyang asawa, dagdag kalbaryong iniinda ni Gina ang naging epekto ng pamamaslang sa kanyang anak.
Binalot ng matinding trauma si Mario (hindi totoong pangalan) matapos ang insidente. Ang masaklap pa, hindi rin ito nakatakas sa pangungutya ng mga kakilala nito.
Ayon kay Gina, noon pa ma’y tampulan na ng tukso ang kanyang anak. Dati, si Roberto ang humaharap sa magulang at sa mga nangungutya kay Mario; subalit ngayon, si Gina na ang pangunahing sumasalag sa mga panunukso sa kanilang anak.
“Ako na talaga ang humaharap sa magulang nung bata. Kasi sinasabihan siya na “Ang papa mo na-tokhang, na-tokhang”. Ginaganon [siya],” ani Gina.
Dagdag pa niya, lalong nadadagdagan ang pagkabigo na kanyang nararamdaman dahil sa mga ganoong pangyayari.
“Ayun din ang iniiyakan ko lagi. Kasi pag binubully, hindi ko alam na ano, [biglang kailangang] punta kami sa barangay. ‘Ganito, ganyan, ‘yung anak mo nakipag-away,’” salaysay ni Gina.
Sa kabila ng mga paratang sa katauhan ng kanyang asawa, giit ni Gina na isang mapagmahal at maalagang asawa at ama si Roberto. Lagi pa ngang magkadikit ang mag-amang Roberto at Mario.
Kuwento ni Gina, ang pinakamasayang alaala nila kay Roberto ay yung lagi nilang paglabas para mag-bonding at mag-picnic sa iba’t ibang lugar, lalo kapag sumasapit na ang summer o tag-init.
“Nakakarating nga kami mula Caloocan patungong Cavite, Bulacan, at Batangas para mamasyal at mag-picnic,” masayang pagbahagi ni Gina.
Ang mga masasayang alaalang ito ang lalong nagdadala ng pait para sa naulilang pamilya ni Roberto. Mabigat para sa kanila ang pagsisimula ulit matapos ang insidente. Meron
mang mga kapamilya na tumutulong kanila Gina na makabangon muli sa hirap ng buhay, hindi ito naging sapat para tustusan ang gastusin nila sa araw-araw. Kaya naman, napilitan silang umuwi ng kanilang probinsya.
Makalipas ang ilang taon, bumalik din ulit sila sa Caloocan. Ayon kay Gina, mas mahirap ang buhay sa probinsya.
Ngayon, pumapasok si Gina sa isang pagawaan ng kandila. Kasama niya rito ang iba pang pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga sa Navotas. Ang trabaho sa pagawaang ito ay oportunidad para sa mga naulilang pamilya na suportahan ang kanilang pamumuhay at bigyan ng panggastos ang mga kanilang pang araw-araw.
Hindi man kalakihan ang kinikita ni Gina, patuloy pa rin siyang kumakayod dahil wala nang sumusuporta sa kanila.
Paghahangad ng hustisya
Sa muling pagdating ng Semana Santa, malinaw pa rin sa alaala ni Gina ang masalimuot na naging hangganan ng kanilang tradisyon tuwing mahal na araw.

Dati, taun-taon silang pumupunta sa Grotto upang manalangin at humingi ng proteksyon. Subalit, hindi na sila nakabalik ulit matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa. Wala na rin kasing sapat na pera pambyahe, sabi ni Gina.
Dagdag pa niya, 2018 din ang huling punta nila sa Grotto, ito na rin huli nilang Semana Santa na kasama si Roberto.
Malaki ang impluwensya ng pananampalataya kay Roberto. Bago pa man siya mapaslang, ayon kay Gina, lagi nang sinasabi ni Roberto sa kanyang anak na kung sakaling siya ay mamatay ay lagi pa rin niyang dalhin ang kanyang ina sa Grotto para manalangin at humingi ng gabay.
“Sabi nya ‘hanggang pagtanda ni Mario, lagi [pa rin kami] pumunta doon’” ani Gina.
Sa kabila ng kanilang naging limitasyon sa pagtupad sa hinihiling ni Roberto, patuloy pa rin ang pagdarasal ng naulila niyang pamilya para makamtan ang hustisya para sa kanya.
Hanggang ngayon, naniniwala pa rin si Gina na sana ay kinulong na lang ang kanyang asawa imbis na patayin ito. Aniya, may karapatan din ang mga taong biktima ng tokhang kaya hindi makatarungan na sila ay basta-basta na lang paslangin.
“Kahit pa mga adik pa iyon, tao [pa rin ang mga] iyon. Dapat ikinulong na lang nila. Sana ngayon dadalawin pa namin [sa kulungan]. Ngayon dinadalaw namin, sa sementeryo na,” sambit ni Gina.
Dagdag niya, “Eh kung kinulong na lang nila, kagaya ni Duterte. Kahit na malayo, siguro mapupuntahan pa namin. Halimbawa sa Muntinlupa [ikulong].”
Ngayong nakabinbin ang paglilitis kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court para sa kasong crimes against humanity dahil sa War on Drugs ng kanyang rehimen, muling nabuhay ang pag-asa ng mga naulilang tulad ni Gina na makakamit nila ang matagal nang inaasam na katarungan.
Ang tanging mensahe niya lang sa mga naging sangkot sa pagpatay sa kanyang asawa ay pagbayaran nila ang mga ginawa nila sa kanilang mga mahal sa buhay.