Ika-28 ng Agosto 2023 nang maglabas ang Ministry of Natural Resources of the People’s Republic of China ng kanilang bagong mapa kung saan 10-dash line na ang nakalatag sa South China Sea. Saklaw na nito ang ilang bahagi ng Taiwan at halos kabuuan ng West Philippine Sea.

Kabilang ang Kalayaan Island Group (KIG) na nakapaloob sa 10-dash line kung saan mahigit 400 na Pilipinong mamamayan at 70 mga bata ang naninirahan dito.

“Ang 10-dash line map ay malinaw na tugon ng China sa patuloy na pagpasok ng US at ng kasundaluhan nito sa bansang Pilipinas. Dahil ito sa patuloy na pag papakatuta ng lehitimong rehimeng Marcos [Jr.] sa US na mag bubunsod pa ng papatinding girian ng US at China sa loob ng ating teritoryo.” ani Joel Solde ng League of Filipino Student National Capital Region (LFS-NCR).

Matatandaan noong ika-3 ng Abril,  pinalawak pa ng administrasyong Marcos Jr. ang pakikipagkooperasyon sa militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)

para itayo ang dagdag na apat na base militar nito sa bansa. Pinahintulutan din ng administrasyong Marcos Jr ang pagbibigay niya ng “akses” sa tropa at kagamitang militar ng US sa Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan, Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island na sakop ng Palawan.

Makikita sa bagong inilantad na mapa ang kabuuang parte ng South China Sea kabilang na rito ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. 

Pitong taon ang nakalipas ng nagwagi ang Pilipinas sa arbitration case na inihain laban sa China  matapos imbalduhin ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands ang 9-dash line claim ng Beijing na sumasakop sa halos kabuuang bahagi ng South China Sea.

Ngunit tumanggi ang bansang China na tanggapin ang kapasiyahan ng husgado.

“This latest attempt to legitimize China’s purported sovereignty and jurisdiction over Philippine features and maritime zones has no basis under international law, particularly the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS)”, pahayag ng  Department of Foreign Affairs (DFA).

“It categorically stated that ‘maritime areas of the South China Sea encompassed by the relevant part of the ‘nine-dash line’ are contrary to the Convention and without lawful effect to the extent that they exceed the geographic and substantive limits of China’s maritime entitlements under the Convention,” dagdag ng DFA.

Hinimok naman ni Sen. Risa Hontiveros ang nasabing ahensya na makipag-ugnayan sa National Resource and Mapping Authority (NAMRIA) na  i-update ang mapa ng Pilipinas  na ipakita nang malinaw ang Exclusive Economic Zone (EEZ), maging ang continental shelves at territorial sea sa West Philippine Sea.

Nagbigay rin ng pahayag ang ilang senador ukol sa 10-dash line map ng China.

“China’s move will only trigger more protest, especially from other claimant nations.” ika ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

“The more the merrier, marami na kaming miserable dito. I expect more opposition  from more countries, misery loves company and that means we’ll have more petitions from other countries so we’re not alone in this fight.”, dagdag pa nito.

Hindi lamang ang bansang Pilipinas ang nasagasaan ng 10-dash line at lumalaban para sa teritoryo kundi pati na rin ang kalapit bansa gaya ng Malaysia, Brunei, Vietnam, India at Indonesia. 

Para kay Sen. Risa Hontiveros, ang China ay nagiging “delusional” sa paggawa ng lahat ng makakaya upang maangkin ang bagay na hindi naman sa kanila.

“Adding a 10th dash, and designating for the first time the 10 dashes as China’s ‘international border’ in the South China Sea, is not routine.” dagdag din ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio. 

Sa pagtanggi ng Pilipinas sa inilabas na 2023 standard map ng China, hinihimok ng grupong LFS-NCR ang kabataang estudyante na makilahok at makiisa sa usaping isyu o problema na kinakaharap ng Pilipinas lalo’t naapektuhan ang kinabukasan ng mamamayang Pilipino. 

“Bilang kabataan na magmamana sa bansang ito, tungkulin natin na makilahok sa usaping pang teritoryo ng Pilipinas at pagtatanggol sa pambansang soberanya dahil lahat ay sadyang maaapektuhan nito sa hinaharap. Layunin ng mga pambansa-demokratikong organisasyon ang mulatin, organisahin at pakilusin ang mga kabataang-estudyante para ipaglaban ang ating soberanya at tuluyang mapalayas ang mga imperyalistang bansa katulad ng US at China na sumasakop sa ating bansa at nakikinabang lamang sa ating mga likas na yaman. Sa mga ganitong paraan lamang makakamit ng mga kabataang-estudyante ang pagiging patriyotiko at makabayan, hindi sa pag sa ilalim sa Mandatory ROTC (MROTC).”, tugon ni Solde.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here