Naglunsad ang Gabriela Muntinlupa ng medical mission at pulong masa sa Brgy. Poblacion at Brgy. Tunasan sa Muntinlupa City noong Nobyembre 9 at 10. Isa ang siyudad ng Muntinlupa sa mga sinalanta ng nagdaang bagyo tulad ng Carina at Kristine.
Sa Poblacion Evacuation Center, nagsagawa ng blood pressure monitoring ang mga volunteer ng Gabriela Muntinlupa sa mga matatanda, buntis, at iba pang nangangailangan nito. Noong Nobyembre 5 ay aabot sa 130 indibidwal ang nananatili sa evacuation center.
Bagaman may pansamantalang natutuluyan, iniinda nila ang kakulangan sa pagkain, pangangailangang medikal, at iba pang batayang serbisyo, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Nauna nang maiulat ang isang nanganak sa nasabing evacuation center na hindi kagyat na nabigyan ng aksyon ang pangangailangan mula sa kalapit na health center. Umabot pa ng halos dalawang oras bago naidala sa Ospital ng Muntinlupa ang nanganak, indikasyon ng kakulangan sa agarang serbisyong pangkalusugan sa evacuation area.
“Inaalam namin ang kalagayan ng mga nag-evacuate dahil sa health center ay sadyang may kakulangan sa pagbibigay ng serbisyo. Hindi makatao itong sitwasyong kinakaharap ng mga evacuee kung saan hindi sapat na may masisilungan lamang sila kung wala namang sapat na pagkain at serbisyong medikal. ” ani Myrna Dela Concepcion ng Gabriela Muntinlupa
Si Dela Concepcion din ang nanguna sa isinagawang pulong masa sa komunidad malapit sa Tunasan River sa Sikatville, Brgy. Tunasan para sa konsultasyon sa mga apektadong maralita at manggagawa.
“Labis ang paghihirap ng mga manggagawa sa Sikatville matapos silang bahain. Wala silang natanggap na agarang tulong dito mula sa lokal na gobyerno. Ang mga nagtatrabaho sa araw-araw tulad ng mga construction worker, vendor, at ibang maralitang manggagawa, ay nawalan ng hanapbuhay at pinagkakakitaan. Sa halip na makabangon, lalo pa silang napipilitang magsakripisyo sa gitna ng kawalan ng suporta,” pagbabahagi ni Dela Concepcion
“Kung maayos lang ang pondo at pagpaplano para sa serbisyong pangkalusugan laluna sa mga naapektuhan ng kalamidad, hindi ganito ang sasapitin ng mga maralitang Muntinlupeño,” dagdag pa niya.
Aabot sa 61,374 ang populasyon ng Brgy. Tunasan, batay sa 2020 census ng Philippine Statistics Office.