Ipinaabot ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na nagpositibo ang dalawa sa anim sa mga drayber na kabilang ng Piston na hinuli noong Hunyo 2. Inabot ng pito hanggang walong araw sa kulungan ang mga tsuper dahil sa pagkaantala sa pagbibigay ng resolusyon ng piskal sa korte at impormasyon sa ikinaso sa kanila para makapagpiyansa sila.

Bagaman hindi ipinaalam sino sa anim ang dalawang nagpositibo, ipinaabot naman ni Erice na hindi kasama sa nagpositibo ang 72-anyos na si Elmer Cordero, isa sa dalawang pinakamatagal na nadetine kaugnay ng pagberipika sa mga kapangalan nitong may kaso.

Tumulong si Erice sa pagpapa-test sa mga nakulong na tsuper matapos makalaya ang mga ito.

“Hinuli ang mga drayber dahil sa “di pagsunod sa social distancing” pero sa kulungan sila mismo nahawaan ng [COVID-19]!” reaksyon ng PISTON sa balitang nagpositibo ang dalawang nakulong.

Ayon sa ulat ng Philstar, tinawagan na ni Erice ang pulis Caloocan para linisan ang mga kulungan at ipasailalim sa COVID-19 tests ang mga preso. Anang hepe ng pulis ng Caloocan na si Col. Dario Menor, hindi raw sa kulungan nahawa ang COVID-19 ng dalawang nagpositibo.

Hinuli ang mga tsuper matapos manghingi ng tulong sa mga nagdaraan at manawagan ng #BalikPasada sa may Monumento sa Caloocan. Inaresto sila sa paglabag umano sa social distancing, na ayon sa mga abogado ay walang asunto o parusang kulong sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act o sa mga panuntunan ng gobyerno sa  kwarantina o lockdown. Pero ang kasong isinampa sa kanila ay hinggil sa “simple resistance and disobedience to authority. Wala ring nakasaad na kulong kaugnay ng “disobedience to authority”, anang National Union of Peoples Lawyers.

Higit tatlong buwan nang hindi pumapasada ang mga tsuper ng jeepney at hindi rin nakasama sa ayuda ng pambansang gobyerno na Social Amelioration Program na laan sa 18 milyong pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here