Tapos na ang isinagawang busina para sa #BalikPasada ang mahigit 30 drayber sa Monumento sa Caloocan nang dumating ang mga pulis ng Northern Police District at pilit na isinama ang anim sa mga tsuper sa presinto sa Sangandaan, Caloocan para umano kausapin ng hepe. Ang anim na hinuli tanghali ng Hunyo 2 ay sina Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng Piston, at sina Severino Ramos, Arsenio Ymas, Elmer Cordero, Wilson Ramilla, at Ramon Paloma.

Halos dalawang oras ding nanawagan ng balik pasada ang mga tsuper. Bunsod ito ng magtatatlong buwan nang hindi sila pinayagan ng gobyerno na pumasada dahil sa ipinapatupad na lockdown. Inilagay na ang Kamaynilaan sa “general community quarantine” noong Hunyo 1 kung saan marami nang manggagawa ang pinabalik sa trabaho pero hindi naman pinayagan ng gobyerno ang pampublikong transportasyon gaya ng mga jeepney at bus. Dahil dito, marami ang mas nagdusa pa sa dati nang kawalan ng pangmasang sistema ng transportasyon sa bansa.

Batay sa ulat ng grupo, matapos dalhin sa presinto sa mga hinuling drayber, dinala pa sila sa Caloocan City Hall bandang tanghali at doon na nila nalaman na kinakasuhan sila ng “disobedience to social distancing”, na may kaakibat daw na P3,000 na multa. Muli silang ibinalik sa presinto. Nitong hapon ay kinuhanan na sila ng mug shots, at pinag-“piyano” o kinuhanan ng fingerprints. Hinihintay na lang daw ang piskal para sila ay makasuhan.

“Nananawagan ang Piston na suportahan ang panawagan na palayain ang mga hinuling drayber na walang kaso o multa. Gutom ang nagtulak para sa pagkilos ng drayber. Hindi na makaturungan na sa kabila nang kagutuman ay pagmumultahin at paparusahan pa sila. Dahil sumunod naman sila sa social distancing, malinaw na gawa-gawang kaso lang ang isinampa sa kanila,” panawagan ng Piston.

Nanawagan din ang PISTON ng anumang tulong at suporta para sa pamilya ng mga tsuper na walang kita at kabuhayan sa halos tatlong buwang nagpatupad ng lockdown ang pamahalaan bilang pangunahing tugon nito sa pagkalat ng COVID-19.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here