Anim na gabi nang nagpapalipas sa detensyon ang anim na drayber ng PISTON sa Caloocan na hinuli dahil umano sa paglabag sa social distancing matapos manawagan ng #BalikPasada noong Hunyo 2, Martes.

Nangalampag ang Piston sa social media at ang kanilang mga drayber para palayain na ang mga kasamahan. Bukod sa magtatatlong buwang hindi nakapasada at hindi pa rin pinayagan sa ilalim ng general community quarantine kahit walang masakyan ang mga nagbalik-trabaho ay nanganganib pang ma-phaseout, hinuli at kinulong pa.

“‘Wag nating hayaan na magtagal pa ng isang araw na inhustisya para sa Piston 6. Sabay-sabay nating kalampagin ang korte na magbukas sa Lunes at dinggin ang kanilang kaso. Marapat nang lumaya ang mga tsuper sa Lunes mismo,” anang grupo.

 

Patong-patong na antala at abala ang inabot ng mga hinuling drayber. Ilang araw tumagal bago naglabas ng resolution ang piskal para malaman nila kung ano talagang kaso nila at makapagpiyansa. Lumabas lang ito noong Biyernes. Walang internet sa clerk of court kaya’t hindi nila natanggap ang resolusyon noong Biyernes. Wala namang opisina sa korte sa Sabado at Linggo. Sinasabi na maaaring sarado ang korte sa Lunes dahil sa gagawing disimpeksyon.

Anang National Union of Peoples’ Lawyers, hindi legal na batayan ang pag-aresto batay sa paglabag sa quarantine rules dahil wala namang nakasaad na probisyon para sa pag-aresto at detensyon ang Bayanihan to Heal as One Act, Mandatory Reporting of Contagious Diseases Act at Disobedience to a Person in Authority under Art. 151 of the Revised Penal Code.

Isinagawa ang e-inquest para sa mga drayber noong Hunyo 3, Miyerkules. Habang wala ang resolution at information mula sa prosecutor na ipapadala sa clerk of court ay hindi malalaman ang kaso at hindi makakapagpiyansa.

Ani Caloocan City chief prosecutor Atty. Ferdinand “Ed” Valbuena nakapag-isyu sila ng resolution at information noong Biyernes. Aniya, dapat nakapagpiyansa na sila.

Buong araw inabangan ng abugado ng mga tsuper na si Atty. VJ Topacio ang resolusyon ng piskal sa korte. Hindi pumasok sa opisina ang prosecutor at pinadala online ang resolution. Buong hapon itong binalik-balikan ng abugado sa korte na hindi raw matanggap ang resolusyon kasi wala silang internet. Hinintay bumalik ang internet hanggang sa pagsasara ng korte pero hindi na ito bumalik.

Ang anim na hinuli ay sina Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng Piston, at sina Severino Ramos, Arsenio Ymas, Elmer Cordero, Wilson Ramilla, at Ramon Paloma.

Marami namang nagpaabot ng tulong sa mga drayber, kasama na ang bar topnotcher na si Atty. Mae Diane Azores na anak ng isang jeepney driver. Nagpaabot din ng tulong ang mga aktres na sina Angel Locsin, Bea Alonzo, Rina Navarro at ang I Am Hope Organization. Marami ring nanawagan ng tulong para sa mga drayber gaya nina COMELEC Commissioner Atty. Rowena Guanzon at ang aktres na si Jodi Sta. Maria.

Binisita naman ng mga kinatawa ng Makabayan bloc sa Kongreso ang PISTON 6 umaga ng Hunyo 8.

Bnisita ng Makabayan bloc ang PISTON 6. Larawan mula sa Piston.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here