#HomelessCamp | Bakit?

Sipi ng talumpati ni Jim Penolio sa pagtatayo ng Homeless Camp sa Mendiola

0
334

Ang daming tanong sa isip ko.

Bakit kailangan pang mangyari ang mga ganitong bagay? Bakit ba kailangan pang may masaktan, kailangan pang may mamatay, kailangan pang may mahirapan? Bakit nga ba? Kasi gusto nilang manatili sa puwestong kinaluluklukan nila. Bakit? Kasi nandun ‘yung pera, nandun ‘yung kapangyarihan. Nasa sa atin ay wala. Na sa atin ay ipinagkait. Na dapat na nasa atin ‘yun. May maralita bang nasa tuktok ng gobyerno? Wala. Kasi tinatapak-tapakan lang nila tayo. Wala silang pakialam kung anong nagiging sitwasyon natin pagkatapos nila tayong tapak-tapakan, gibain ‘yung bahay.

Dumating sa punto na may nagsabi sa amin, bakit pa po kayo nandito? ‘Diba pinapaalis na kayo. Sabi namin, wala kaming mapupuntahan. Ang sagot nila, tutulungan namin kayong maghakot ng inyong kagamitan. Ang sagot namin, hindi namin kailangan ng tulong para maghakot. Ang kailangan namin bahay para sa amin. Hindi namin kailangan ng tutulong maghakot. Wala kayong hahakutin kung wala kayong ginibang bahay.

Hindi tayo mahihirapan kung hindi sila nagpapahirap. Kanya-kanyang pagpapahirap lang iyan. Dahil pinahirapan nila tayo, pinahirapan lang din nila ang sarili nila. Dahil kinuha nila ‘yung bahay natin, ngayon tutulungan daw nila tayong magkabahay. Pero ano ba, ano nga bang mayroon doon sa relokasyon na sinasabi nila? Na hanggang ngayon, walang tubig, walang kuryente, ni negosyong mapag-uumpisahan wala? Iyon ba iyong sinasabi nilang relokasyon para sa maralitang nasa Floodway. Ako, mag-aaral ako, masasabi ko na, bakit karapat-dapat ba ako diyan? Diyan sa Tanay na walang negosyo, walang pagkakakitaan. Anong ipang-aaral ko? Wala diba. Wala akong ipang-aaral. Anong gusto nila, huminto ako ng pag-aaral at pumunta lang ng Tanay?

Iyong sinasabi nilang iba pang relocation, bakit ang ganda ba ng ginagawa nilang relocation site? Baka isang tadyak mo lang diyan, giba iyan. Kahit na four floors iyan, giba iyan, kasi hindi matibay ang kongkretong ginagamit nila.

Kaming mga mag-aaral, kaming mga kabataan, nag-aaral ng mabuti para umasenso. Pero sino, sino ang naglulugmok sa amin? Ang gobyerno na akala ko tinitingala dapat ng mamamayan. Pero hindi, dapat ibinabagsak ang gobyerno. Hindi sila dapat tingalain. Sila mismo ang gumagawa ng paraan para bumagsak ang mamamayan. Hindi ba dapat sila, sila ang humila sa mamamayan para umangat, pero sila mismo ang nagiging dahilan para bumagsak tayong lahat.

Pagkatapos ng demolisyon, ano nga bang ginawa ng mga nasa awtoridad? Bumaba sila sa Floodway, ang sabi nila, tutulungan daw nila ‘yung mga taga-Floodway na maghakot ng gamit. Pero anong nangyari? Nagkaroon ng gulo. Mayroon pang isang tao na nasaktan na kinuyog ng mga tao galing sa BCEO [Batas ng Ciudad Enforcement Office], mga pulis, galing sa OPS [Office of Public Security], na galing kay [Pasig Mayor] Bobby Eusebio. Anong nangyari sa kanya ngayon? Nasa ospital nakaratay. Ano, ganoon na lang ba ang mangyayari sa amin? Dahil sa walang kwentang gobyerno na iyan na dapat ibagsak. Ganoon na lang ba? Wala silang kwentang tao kung ito ang gusto nilang mangyari sa mamamayan.

Bakit, tayo, naghangad ba tayo ng masama sa kanila? Wala tayong hinangad, wala tayong hinangad kundi ang magkaisa ang Pilipinas. Pero anong nangyari? Dahil sa ginagawa nilang ganyan, paano magkakaisa ang Pilipinas? Kaya nagkakaganito ay dahil din sa kanila. Wala silang ibang sisisihin kundi ang mga sarili nila.

Bakit, walang maralita kung walang mayaman na nag-aangkin ng sarili-sariling lupa. Bakit, wala naman kasing sinabi na o eto, sa’yo itong lupa na ito. Ang bawat isa sa mundo mayroong lupang alay sa iyo at hindi iyon sa kanila lang. Ako, kahit sabihin nilang wala akong titulo, bakit, sino bang nagsabi na sa’yo iyan? May pangalan ka ba sa lupa na iyan? Wala diba? Wala! Hindi iyan matatakan na ‘akin to’. Walang ganon. Kada isang tao, may parte ka sa lupa sa mundo. Hindi lang lahat kanila iyon, hindi kay Bobby iyon, hindi kay Duterte iyon. Sa atin iyon.

Kaya ito na ang nangyari sa atin. Ito, tipon-tipon sa labas. Siguro ginawa rin natin ito para makita ni Duterte ano nga ba ‘yung nangyayari sa Floodway. Magtatayo kami ng kubo dito sa Mendiola, may matulugan, may matuluyan lang. Kahit na pipitsugin iyan, pero dahil diyan nakakatulog kami. Pero sila ba, nakakatulog ba sila? Oo. Kasi ang ayos ng tinutulugan nila. Samantalang tayo, kubo-kubo lang. Ayun na ba ang para sa kanila maayos? Na may maganda silang plano kaya tayo inaalis sa Floodway? Ayun ang plano nila, iyong umalis tayo at magkubo-kubo. Ganon ba dapat iyon? Diba hindi. Ganito ang sitwasyon namin ngayon.

Pati yung mga bata, musmos pa lang. Ano bang alam niyan kundi maglaro? Pero paano sila maglalaro? Saan na naman sila tatawid na relokasyon at sino na naman ang mga taong makakasama nila? Hindi naman pwede na sa lahat ng pagkakataon, lilipat at lilipat sila dahil kada gobyerno may magsasabi, ‘akin ang lupa na iyan, umalis kayo diyan dahil wala kayong parte diyan.’ Hindi pwedeng laging ganoon.

Pati manggagawa hindi makapagtrabaho, hindi makapasok sa trabaho. Nangangamba sila noong demolisyon na maggiba ang bahay nila. Noong naggiba na, naghakot sila ng gamit at nangambang mawala ang mga gamit nila.

Aminado ako na hindi kami ganoon kahanda. Kasi walang notice na ibinigay sa amin. Ora-orada iyon, October 17 ang inakala naming actual demolition. Pero nangyari ang actual demolition noong October 18. Na kahit isa sa command nila ay walang nakipag-usap sa amin. Pinilit namin silang kausapin. Ang sabi namin, ano po bang balak ninyo, kung lahat po ba o ‘yung mga nag-avail lang. Pero walang sumagot kahit isa. Ang ginawa nila, tuloy ang paggiba ng kada bahay doon sa Floodway. Dahil alam nilang hindi nila matatapos agad, binutasan nila ang kada bahay. Nilahat nila sa isang araw lang. October 19, sira lahat ng bahay sa Manggahan Floodway, Barangay Sta. Lucia. Kaya ngayon, nandoon kami sa labas ng bahay namin, gumawa kami ng kubo-kubo. Tapos may darating pang mga pulis, sabi sa amin umalis na kayo kung ayaw niyong magkaroon pa ng gulo. Ganoon na lang ba iyon? Ganoon na ang nangyayari sa amin.

Tapos ano, nagbibingi-bingihan ka lang Pangulong Duterte? Nagbubulag-bulagan ka lang? Anong klase kang tao? Akala ko makamasa ka, akala ko lang pala! Kaya ngayon kung magtatanong siya kung bakit nandito tayo, ang sagot lang ay kasalanan mo kung bakit nandito kami.

Si Jim ay 17 taong gulang at mag-aaral ng Grade 12.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here