Ang ‘absolute pardon’ para sa walang kaluluwang pumaslang kay Jennifer Laude na si Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton, ito ang nakaliliit na pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi makatarungan ang desisyong ito. Kakatwa na si Duterte na sinasabing tagasuporta ng pamilya Laude at nag-udyok sa mga ito na ipagpatuloy ang paglaban para sa katarungan kay Jennifer at muntik nang magpabasura sa Visiting Forces Agreement o VFA, na siyang nagpahintulot sa presensya’t pamamalagi ni Pemberton sa bansa ay ngayon nagbigay ng ‘absolute pardon’ kay Pemberton.

May mga ligal pang habol sana sa mosyon ng korteng palayain si Pemberton batay sa ‘good conduct’ pero binura na ni Duterte anumang balakid o alinlangan sa paglaya ni Pemberton. Ito ay para umano sa ‘katarungan’ at ‘pantay na pagtrato’ kay Pemberton. Malayo ito sa katotohanan.

Larawan si Jennifer ng inhustisya sa bansa. Tila binabaon at iningungudngod tayo ng pamahalaan sa mga pasyang dudurog sa ating mga mukha bilang mga Pilipino. Pinatunayan ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan na walang konsepto ng buhay, walang panghihinayang sa buhay, at kaya niyang kumitil ng buhay ng pag-asa. Ang ganitong sistema ay walang pinagkaiba sa ugali ng pumapatay.

Si Pemberton ay hari ng kanyang selda. May sarili siyang piitan. Hindi niya dinanas ang dinanas ng napakaraming Pilipinong nagdurusa sa napakapangit na mga piitan at sistema ng ‘koreksyon’ sa bansa. Kung hindi man nakapuslit ang dating mayor, mayaman at convicted rapist na si Antonio Sanchez sa Good Conduct Time Allowance, muntik nang lumusot si Pemberton dito.

Pero dahil si Pemberton ay nasa poder ng makapangyarihan, may paraan siya sa pagkamit ng kalayaan. May espesyal na pagtugon sa kanyang mga pangangailangan. May sariling abogado, special detention facilities. Sa madaling salita, hayahay ang buhay habang nakakulong. Hindi rin masabing nasa Pilipinas ang kustodiya niya sapagka’t hindi papayag ang US na mataas ang tingin sa sarili at kolonya ang tingin sa Pilipinas na makulong ang kanyang ‘citizen’ at sundalo rito kung paanong nakukulong ang mga Pilipino.

Napakabilis mamansin ng Pangulo sa tulad niya, napakabilis ng awa at malasakit sa isang puti samantalang pwersa, dahas at pagkakulong ang ipinagkakaloob sa mga Pilipinong sumisigaw ng katarungan at tulong sa lugmok na kalagayan.

Tama si Duterte, hindi pantay ang pagtrato kay Pemberton. Laluna sa binigay niyang ‘absolute pardon,’ hindi lang pantay kundi lampas-lampas na special treatment ang iginawad niya rito. Lampas pa nga ito sa hinihinging ‘equal protection’ sa VFA.

Bagaman sa VFA ay nakasaad na kaparehong pagtrato ang makukuha ng isang Pilipinong sundalong nagkasala sa batas sa US sa sinumang sundalong ‘Kanong lumabag ng batas sa Pilipinas, ang malaking kaibahan ay wala namang ‘military exercises’ ng mga sundalong Pilipino sa US gaya ng maramihang military exercises at palagiang pagpasok ng mga ‘Kano rito. Hungkag ang ‘pantay na proteksyon’ at malaon nang ‘di pantay ang kasunduang VFA.

Marami pang nakapilang bilanggo sa siksikang pasilidad ng bansa at ang ilan sa kanila ay matatanda, may sakit, may kapansanan at naabutan na ng kamatayan sa loob ng bilangguan. Ilan sa kanila ay biktima ng kawalang hustisya ng bansa, mga presong walang kakayanan na makapagbayad ng abogado na nagresulta sa hindi malitis-litis na kaso. At kung may abogado man, tetengga pa rin dahil sa bagal ng proseso sa paglilitis ng kani-kanilang kaso.

Nilalamon ng lungkot at inaagaw ng panahon ang kanilang mga edad at gunita. Nakapila at umaasa ang mga bilanggong nagbibilang sa pader ng kanilang araw para sa inaasam na paglaya. Marami pa ring umaasa na masisilayan ang tunay na espasyo ng paglaya, pero ngayon sa puti muna ang pagpapalaya.

Kahit saang anggulo tingnan, dehado ang walang-wala. Dehado ang Pilipino sa sarili niyang bansa. Kapag mahirap tiyak na may parusa at magdurusa. Kapag may kapangyarihan, tiyak may paraan.

At kahit ordinaryong sundalo lang kung bahagi naman ng dating nangongolonyang dayong agila, tiyak may lulusutan habang manik-luhod ang mga nakaupo sa pwesto para sa kung anumang limos na proyekto o proteksyon sa kanilang panunungkulan. Nagsalita na ba ang mga nag-aambisyong tumakbo sa pinakamataas na pwesto sa bansa laban sa absolute pardon kay Pemberton? Kung hindi, dahil kailangan nila ng pabor ng US.

Ang mga pagkakataong ito ang nagpapatunay sa atin ng kawalan ng tunay na kalayaan sa bansa at nagtuturo sa atin kung bakit kailangang patuloy na manindigan para rito.

Hindi man usigin si Duterte ng kanyang konsensya sa patong-patong na inhustisyang ito kay Jennifer Laude at sa sambayanang Pilipino, dapat namang usigin tayo ng ganitong nagpapatuloy na kalakaran upang naising baguhin ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here