Kabataan ang pag-asa ng bayan—isa sa pinakatanyag na pahayag ng pambansang bayaning si Jose Rizal. Pero paano nga ba matutugunan ng mga kabataan sa kasalukuyan ang ganitong hamon kung sila mismo ay pinagkakaitan kahit ng pag-asa?

Kinakaharap ng mga kabataang Lumad ang pagkawalay sa kanilang mga alternatibong paaralan. Mga paaralang itinayo ng mga tribo para maampatan ang ilang henerasyong kawalan ng edukasyon sa kanilang salinlahi, sa kanilang mga liblib na komunidad. Ito ay dahil sa pambobomba at militarisasyon sa kanilang mga lupang ninuno para umano sa pagtugis ng miitar sa New People’s Army. Pero ‘di naman nagkataon lang na ang mga lupang ninuno nila ay inaagaw ng mga malalaking korporasyong mina at plantasyon, na pinagsisilbihan naman ng mga militar bilang guwardiya mismo ng mga ito o ‘di kaya’y tagapagtiyak umano ng seguridad sa lugar.

Tumungo ang mga kabataang Lumad sa Department of Education (DepEd) National Office sa Pasig at nagtayo ng kampuhan. Nais nilang makausap ang puno ng ahensya, si Sec. Leonor Briones.

“Kasi hindi naman kami hinaharap ni Briones. Pinoprotektahan daw niya ang mga kabataan, pero hindi naman totoo. Hindi naman kami pinoprotektahan kasi pinapatay kami tulad ng kay Obello,” ito ang naging pahayag ng 17 taong gulang na si Rorelyn Manacawan, mag-aaral mula sa Salugpungan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center.

Nobyembre 16 nagsimula silang magkampuhan sa DepEd galing University of the Philippines Stud Farm upang higit na maiparating ang napakatagal na nilang hinaing ukol sa pagbibigay ng permit sa paaralan at pagpapatigil ng panggigipit sa mga ito.

“Pinapasara pa nila yung mga paaralan eh kami na nga ang gumawa nu’n,” ani Rorelyn

Ayon pa kay Rorelyn, patuloy na ginigiit ng mga militar na wala silang papeles para makapagpatayo ng ganitong mga paaralan, ngunit mayroon naman itong accreditation at iba pang mga pagkilala sa loob at labas ng bansa.

Ani Rorelyn, kung ipapasara ang mga alternatibong paaralan, mananatiling bingi at bulag ang mga kabataang lumad ukol sa totoong nangyayari sa kanilang kapaligiran. Magiging lingid sa kanilang kaalaman ang nagkakainteres sa kanilang lupa, tulad ng mga nagsisilakihang korporasyon ng mga minahan. Halimbawa raw nito ay nang dumating ang kumpanyang Alcantara Alsons sa kanilang lugar at binigyan sila ng sardinas at isang tabako, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay stratehiya pala ito upang makuha sa kanila ang ninunong lupa.

Patuloy din ang panggigipit sa kanila sa paghahabol ng hustisya para sa pinaslang nilang kamag-aral na si Obello Bay-ao.

“Sabi sa amin ay doon daw kami sa Davao mag-file ng kaso eh paano naman namin gagawin yun eh hinaharass nga kami dun. Tapos inaakusahan pang rebelde si Obello.”

Sabi diumano ni Briones ay hindi pa raw siya nakauupo sa pwesto niya nang mamatay si Obello.

Pinabulaanan naman ito ni Rorelyn, sapagkat namatay si Obello noong Setyembre 5 ngayong taon. Marahil natatakot si Briones sa militar, ani Rorelyn.

“Sana yung pangako niya na tutulungan niya ang mga Lumad, tuparin niya. Bibigyan niya raw kami ng libreng edukasyon. Sana itaguyod niya ang aming karapatan. At sana harapin kami mismo ni Briones,” mensahe ni Rorelyn kay Briones.

Sa pagkukuwento ni Rorelyn, minsan mahirap isipin na ang batang gaya ni Rorelyn ay nasa kampuhan o nasa rali, sa halip na mapayapang nag-aaral, nagbabasa ng libro, nakikisalamuha sa mga kaedad niya. Pero ito na ang buhay niya, at ng marami pang ibang nakararanas ng pang-aapi sa lipunan. Minsan mahirap isipin ang sitwasyon ng mga Lumad–wala na ngang ibinigay na serbisyo ang gobyerno sa kanila ay sadya pang pinagkakaitan sila ng mga batayang karapatan, binabawi o sinisira anumang mayroon sila na sila na ang nagpundar at nagkaloob sa sarili. Pero nakakagaan ng loob malamang alam nila ang kanilang karapatan at sila ngayo’y lumalaban–pagkaitan man sila ng pag-asa ay lilikhain nila ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here