TUMBANG PRESO

Inaasinta

ng mga bata

ang lata gamit

ang tsinelas mula

sa ‘di kalayuan.

Bumubuwelo

sa pagpikit ng kabilang

mata; itinututok sa estante

ng patutumbahin. Bató—

ipupukol sa katawang

bakal ang ipinatatama

kasabay ng pagpapantay

ng mga paa ng mga paslit:

matapos ay biglang takbo.

 

 

 

 

 

 

TAPAL

Tumulo ang maghapong pagod

sa hintuturong binutas ng karayom.

Tumimo sa tela: bahid ng ilang

segundong pagtigil ng makina.

Sansaglit na pamamanhid;

sunod ay hapdi sa pagsalat

ng gaspang ng kayraming

kailangan pang isulsi.

Ganito itinatahi ng pabrika

ang pagkahapo sa dapithapong

nangungulila ang manggagawa

sa pahinga: nakaupo, pinipigtas

ang bawat himulmol sa mga daliri.

 

 

 

 

 

 

 

WALANG PATAWAD ANG UNOS

Namamanhikan ang bagyo

sa sityo ng mga iskuwater

bago nito ipakamkam sa daluyong

ng baha ang aming tirahan.

Ipinapabatid nang buong tindig

ang datal ng kan’yang presensiya:

hagupit ng hanging abiso sa nalalapit

na demolisyon ng aming tahanan.

Wika ni inay, iaakyat ang mga gamit.

Unahin ang mga larawan ni bunso;

ang mga dokumento ng lupa. Isalba

ang mga natitirang aparato

sa bahay. Tunguhin ang suson

ng mga yerong bubungan

hangga’t hindi pa dumarating

ang inaasahang bisita.

Subalit hindi naghihintay ang tubig:

pinapasok ang mga siwang sa pinto.

Walang katok, walang paalam.

Sabi ni inay, sa ganitong paraan din kami

nilisan ng pangamba noong kinuha niya

ang nag-iisa kong kapatid. Nagmamadali,

rumaragasa. Inaangkin ang buhay—

ang dahilan upang kami ay mabuhay.

 

 

===

Si Arthur David San Juan, 17, ay isang manunulat mula sa lungsod ng Antipolo. Nailathala ang ilan sa kanyang mga akda sa Summer Triangle Films, Katitikan journal, at Ekprasis Exhibit sa Blanco Family Museum sa Angono, Rizal. Awtor ng “Sikreto sa Loob ng Kwarto” (2019).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here