Pagbasa ng kaso ng mag-asawang aktibistang ‘iligal na inaresto’, sinabayan ng protesta

0
382
Larawan mula kay Christian Yamzon

Nagprotesta ang iba’t-ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Garbiela Manila at Kadamay Manila kasabay ng unang pagbasa ng kaso sa mag-asawang aktibistang sina Cora Agovida at Michael Bartolome noong Enero 29.

Pinakita ng mga grupo ang mariin nilang pagkundena sa pagkaka-aresto sa dalawa, pati na rin ang kanilang panawagan na palayain ang mga ito.

Si Agovida ay tagapagsalita ng grupo ng kababaihang Gabriela NCR, habang si Tan ay bahagi naman ng grupo ng maralitang lungsod na Kadamay NCR.

Pinasok ng nasa 10 kapulisan ang tinutuluyan ng kanilang pamilya noong Oktubre 31, 2019 gamit ang isang search warrant, pinadapa sila at tinutukan ng baril maging ang dalawang batang anak at ang tagapag-alaga ng anak nila, bago inaresto at dinala sa Manila Police District.

Illegal possession of firearms and explosives ang ikinaso sa dalawa at nakatakda naman ang kanilang hearing sa Pebrero 21.

Ayon kay Inah Fadriquela, Secretary General ng Gabriela NCR, si Cora ay isang butihing ina at kaibigan. Kabilang sa mga programang pinangunahan ni Cora ay ang pagtulong sa mga kananayan sa gitna ng noo’y naging isyu sa Dengvaxia at kampanyan laban sa karahasan sa kababaihan at mga bata na ‘Bangon Babae.’

“Alam na alam natin na ayaw ng lahat ng gobyerno, kahit ng mga nauna pa kay Duterte na ang mga mamamayan ay lumalaban sa alam nilang mga anti-mamamayang batas at programa. Kung kaya si Cora Agovida ay hinuli upang patahimikin,” ani Fadriquela.

“Gusto po namin, ng Bayan Metro Manila, at ng mga progresibong organisasyon dito sa Metro Manila na kondenahin ang EO 70 ni Duterte at ang Implan Kalasag,” ani ni Mona Reyes, tagapagsalita ng Bayan Manila.

Ang Implan Kalasag ang pinagsanib na operasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na bersyon nito ng programa kontra-insurhensya ng administrasyong Duterte sa Kamaynilaan. Nabuo ito sa ilalim ng Executive Order No. 70 at nilagdaan noong Disyembre 4, 2018.

Patuloy na magsasagawa ng mga protesta ang grupo sa pangunguna ng Gabriela upang ipakita ang kanilang suporta para sa mag-asawa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here