“Wala nga akong pambili ng gatas ng bunso ko, tapos may baril ako?”

Hindi mapigilang maging emosyonal ni Cora Agovida, 37, sa inquest proceeding kahapon nang umaga sa Office of the City Prosecutor ng Manila. Katatapos lang niyang magpa-breastfeed ng kanyang 2-taong gulang na anak, matapos ang mahigit 24 oras na pagkakahiwalay.

Matapos ang mahigit 24 oras na pagkakahiwalay, nagsilbing reunion para sa pamilya ni Cora ang pagpapa-breastfeed niya sa kanyang anak bago ang inquest noong Nobyembre 1. Larawan ni Katrina Yamzon.

Noong umaga ng Oktubre 31 2019, habang natutulog pa ang pamilya ni Cora sa kanilang bahay sa Paco, Manila, pinasok sila ng 10 pinagsamang ahente ng NCR Police Office sa bisa ng arrest warrant. Pinadapa sa sahig si Cora, ang kanyang asawa na si Michael Bartolome, ang dalawa nilang anak at isang taga-alaga. Tinutukan ng baril ang dalawang menor de edad.

Nakasulat sa search warrant ang pagkakasala umano nila ni Mickael: paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms, ammunition, and explosives.

Idinala sila sa Manila Police District Headquarters, habang ang mga anak nila ay ipinaubaya sa Reception and Action Center. Ayon sa mga nakasaksi ng pang-aaresto, nasa 20 hanggang 30 armadong miyembro ng Philippine National Police ang nakakordon sa lugar, na para bang kung anong karumal-dumal na krimen ang nagawa ng mag-asawa. 

Higit pa sa kagimbal-gimbal na kuwentong pang-Halloween ang ginawa ng pulis sa pamilya, dahil sino bang hindi manlalamig at tatayuan ng balahibo kapag narinig nilang ginawang kriminal ang isang ina?

Sino ba si Cora Agovida?

Tapat na lider-kababaihan at mapagmahal na ina – iyan ang pagsasalarawan ng mga kaibigan ni Cora sa kanya.

Bilang tagapagsalita ng Gabriela Metro Manila, gamit ni Cora ang kanyang boses upang isulong ang interes ng kababaihan, lalo na ng babaeng maralita. Isa siya sa mga nanguna sa mga kampanya laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) at inflation, oil price hike, at water interruption sa Metro Manila. Naging mapagpasya ang ingay na nilikha ng Gabriela upang magkaroon ng pananagutan ang mga opisyales ng gobyernong sangkot sa ‘Dengvaxia fiasco’.

Si Cora (kanan) kasama si Gabriela Womens Party Rep. Arlene Brosas (gitna) sa isang forum ng Department of Health hinggil sa Dengvaxia. Manila Today file photo.
Si Cora (pangalawa mula sa kaliwa) kasama ang mga miyembro ng Gabriela Metro Manila sa One Billion Rising sa Rizal Park. Manila Today file photo.

Hindi salungat ang katapangan ni Cora sa mga rally sa banayad na alagang binibigay niya sa mga anak at mga kasama. Para sa kanya, ang pakikibaka para sa pangmatagalang hustisya at kagalingang panlipunan para sa nakararami ay katumbas ng mas maalwang bukas para sa kanyang mga anak.

Illegal possession of firearms?

Sa parehong araw ng pagkakahuli kina Cora at ng kanyang asawa, magkasabay ring sinalakay ang mga opisina ng Gabriela, Kilusang Mayo Uno (KMU), at National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Negros, kung saan 57 ang ikinulong. Parehong kaso ang batayan ng panghuhuli at sa iisang korte lang sa Quezon City nanggaling ang mga arrest warrant.

Katulad ng katakot-takot na mga kuwentong binabalik-balikan tuwing Araw ng mga Patay, lumang istorya na ng gobyerno ang pagtatanim ng pekeng ebidensya at pagsampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga lehitimong kritiko nito.

May bagong pangalan ang horror story na ito: Oplan Kalasag­­­­

Layon raw ng ‘counterinsurgency’ program na supilin ang umano’y ‘rebolusyonaryong kilusan’ sa National Capital Region sa loob ng taong 2020. Ginagamit ng Oplan Kalasag, na nakapailalim sa pambansang Oplan Kapanatagan, ang ‘whole-of-nation’ approach upang magamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ahensya ng gobyerno bilang makinarya nito.

Sa Oplan Kalasag, parehong kaaway ang mga armadong rebolusyonaryo sa bundok at mga aktibistang lungsod – parehong kriminal sa kanilang pananaw, parehong karapat-dapat na gawan ng mga kasinungalingan sa layuning mapatahimik ang makatuwirang pakikibaka para sa tunay na demokrasya at pagbabagong panlipunan.

Hindi malayong gagawing padron ng bagong NCRPO Chief Brig. Gen. Debold Sinas ang kanyang ginawa sa Negros noong siya ang hepe ng Central Visayas Regional Police Office. Sa bisa ng Oplan Sauron, 22 katao, karamihan ay mga lider-magsasaka, ang pinaslang sa loob lamang ng isang buwan (Hunyo 27-Hulyo 28, 2019). Mula taong 2017, 87 katao ang naitalang pinaslang sa pampulitikang mga kadahilanan.

“Patay na ba sina mama?”

Iyan ang tanong ng panganay na anak ni Cora, 10 taong gulang, matapos paghiwalayin ng pulis ang pamilya nang mahigit 24 oras.

Nang sinabi sa bata kung nasaan ang mga magulang niya, tahimik siyang sumagot: “Buhay sila, pero nakakulong naman sila. Hindi na namin sila makakasama.”

Kapag ang kinalakihang lipunan ng isang bata ay yaong ginagawang normal ang pagpatay ng mamamayan – katulad na lamang ng pagpaslang ng halos 30,000 maralita sa sinasabing ‘war on drugs’ ng gobyerno na nagluwal ng libong mga ulila – hindi ka na magtataka kapag itinanong niya ito sa iyo.

Hindi ka na rin magtataka kung sa kabila ng kahirapan at panunupil ay dadami pa rin ang katulad ni Cora na mangagahas na mapagtagumpayan ang mga hambalos ng mga tunay na halimaw sa ating lipunan.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here