Ipinagluluksa ka namin, kasama.
Hayaan mo kaming sindihan
ang mga ilaw sa tanghalan,
at mag-alay ng mga bulaklak sa iyong alaala.
Pagkat kayrami naming gustong isalaysay
tungkol sa kay yaman mong buhay.
Pagkat nais naming ipagmalaki,
Na naging bahagi ka rin ng sa amin.
May kuwento ng iyong entablado,
Malalaking eksena, na waring libo-libo
ang artista, nagwawagayway ng pulang bandila
at lahat, nakakunot-noo at nakataas-kamao.
Mga ensayong pinagsigla ng iyong pagpapatawa,
at oo, malutong na malutong na pagmumura.
May kuwento ng lansangan,
Mga rali at martsa sa mga dekada ng tunggalian.
Naroon ka, kapit-bisig na hindi tumitinag,
at sa harap ng water cannon, batuta, at tear gas
ay hindi ka kailanman nagpasindak.
At kahit ilang beses kang napiit,
Walang rehas na nakapagpatahimik
Sa tinig mong lagi at laging ipinagtanggol, iginiit,
ang karapatan na bawat taong maghimagsik.
May kuwento rin sa espasyong personal,
Kuwento ng pasyalan, kuwento ng kuwentuhan,
kuwento ng sinabi mo at hindi sinabi,
para bawat isa sa amin ay maniwala sa sarili,
at pasulong na humakbang nang matibay ang dibdib
at may hindi sumusukong pananalig.
Nais naming alalahanin, hindi lamang
ang dila mong matalim, at ang isip mong matalas,
kundi ang iyong pusong mamon na mamon
na sa aming lahat, buong pagmamahal na yumakap.
Patawad, ngunit hayaan mo na kaming magpugay.
Pagkat sa pagbaba ng telon sa tanghalan,
Pansinin, na ito’y matingkad, magiting na pula.
Dakilain, ang artista ng bayan at kasama sa pakikibaka.
===
Nakasama ko si Behn bilang direktor at guro sa UP Repertory Company, at bilang kaibigan at kasama sa Concerned Artists of the Philippines at Bagong Alyansa Makabayan. Pinakapaborito kong alaala ang pagbisita niya sa sa akin at pagtira sa bahay ko nang ilang araw sa Osaka, Japan bandang 2001 at kung saan nilinis pa ng dakilang direktor ang kusina ko. Ninong din namin siya ni Pierre sa kasal.
Wala sa ating makakalimot ng dulang “Pagsambang Bayan” ni Bonifacio Ilagan na unang dinirehe ni Behn noong 1977 at muli, noong 1980. Gaya ng nasabi na ni Chris Millado, isa ang dula na iyon sa pinakamahalagang dula na naka-impluwensiya sa kanya, sa akin, at sa marami pang artista ng teatro. Bagamat Magsasaka 2 lang ako at refreshments committee sa 1980 restaging ng dula, pero doon ko natutunan ang kahalagahan ng pagsisilbi ng teatro sa lipunan at ng pagpapasyang dapat harapin ng lahat sa kanilang buhay. Tulad ng pari sa dula, tinatanong tayo: Para kanino ka nagsisilbi?
-Tula at paglalahad ni Joi Barrios-Leblanc sa parangal ni Behn Cervantes.





























