Sa pagpasok ng bagong administrasyon ngayong taon, bitbit nito pag-asang magkakaroon ng pagbabago lalong lalo na ang mga isyung kinaharap ng mga nagdaang namuno. Narito ang sampung isyu na patuloy na hinihintay mabigyan ng karampatang hustisya.
10SAF 44


Natapos na’t lahat ang termino ni Aquino ay wala ring naibibigay na kapani-paniwalang paliwanag tungkol sa pagkamatay ng 65 na Pilipino sa isinagawang Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao, kung saan 44 ang miyembro ng Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police (PNP), 18 naman ang MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at 3 sibilyan. Naging dahilan ito ng pagkakaudlot ng negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front at pagkakabinbin ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paglaganap ng iba’t ibang ispekulasyon tungkol sa tunay na nangyari. Matunog ang mga balita at sirkumstansya na nandoon mismo si Aquino sa command post nang isagawa ang Oplan Exodus, tinapakan ang chain-of-command sa pagtatalaga sa isang suspendidong hepe ng PNP sa “coordination” at maaaring napanood ng mga nasa command post kung paanong walang kalaban-labang napatay ang mga SAF. Hindi rin mawala-wala ang ulat sa presensya ng mga Amerikano sa command post, paglahok mismo ng mga sundalong Amerikano sa labanan at sa pagsumite sa daliri ng tinutugis na teroristang si Zulkifli Abdhir o Marwan — ilang mga bagay na kung mapatunayan ay katumbas ng pagtataksil ni Aquino sa bayan.
Hindi pa napapanagot si Aquino sa malaking disaster na ito at wala pa rin ni isa sa mga nakaupo sa pwesto ang naparusahan sa kabila ng pagsampa ng kaso ng mga kaanak ng SAF 44. Pagkababa sa pwesto ni Aquino ay agad na siyang sinampahan ng kaso na reckless imprudence resulting in multiple homicide sa Ombudsman noong Hulyo 2015.




























