Top 10 ginawa ng mamamayan para isulong ang usapang pangkapayapaan

Kampanya pa lang sa eleksyon ay bukang-bibig na ng ngayon ay Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagbukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). At bilang patotoo sa kanyang hangaring magpatuloy ang usapang pangkapayapaan (peace talks), hindi pa man nakakapanumpa bilang bagong pangulo ng Pilipinas, pinadala niya ang noon ay magiging panel ng GRP sa Oslo, Norway para makipag-usap sa panel ng NDFP. Pinag-usapan nila ang mga irerekomenda kay Pangulong Duterte kabilang na ang muling pagpapatibay ng mga dati nang napirmahang kasunduan at pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal bilang paghahanda sa pormal ng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Naging mabunga ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Napalaya ang 19 na consultant ng NDFP, pinagtibay ang mga napirmahang kasundaan at isinulong ang pagpapabilis ng negosasyon, habang bubuksan na ang pangalawang agenda ng buong negosasyon sa pagitan ng GRP at NDFP, ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).

Pero naging masalimuot ang sumunod na mga buwan mula sa pag-atras-abante ng tigil-putukan ng GRP, maaanghang na palitan ng mga pahayag sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal na pinangako ni Duterte.

Sa kabila nito, higit na resolbado ang mamamayan, organisadong mga grupo, at maging ang rebolusyonaryong kilusan na isulong ang usapang pangkapayapaan para matugunan ang ugat ng armadong tunggalian.

Ngayong taon ay kinakitaan ng masiglang pagkilos ang mamamayan para ipalaganap ang programa para sa panlipunan at pang-ekonomiyang reporma na siyang susunod na substantibong adyenda ng usapang pangkapayapaan. Kumilos din sila para ipakita na interes ng mamamayang Pilipino ang nakasalalay sa usapang pangkapayapaan at hindi lang ng dalawang partidong nagtutunggali.

Narito ang nangungunang 10 ginawa ng mamamayan para isulong ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

10
Nakipadyak ang may 300 siklista para ipakita ang suporta sa muling pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Litrato ni Kathy Yamzon

Padyak para sa kapayapaan

Umabot sa 300 siklista ang sumama sa Padyak for Peace noong Agosto 21 mula UP Diliman sa Quezon City hanggang sa Roxas Boulevard sa Maynila para suportahan ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Pinangunahan ang bike ride ng Kapayapaan at Bikers Unite.

9
Nagpasa ng resolution ang Konseho ng Maynila para suportahan ang usapang pangkapayapaan.

Pagpasa ng peace resolutions sa mga Sangguniang Panlungsod

Sa pangunguna ng BAYAN Metro Manila, isinulong nila na magpasa ng resolusyon ang mga Sangguiang Panlungsod na nagpapahayag ng pagsuporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Kabilang sa mga nagpasa ng resolusyon ay ang mga lungsod ng Marikina, Quezon, Manila at Pasay.

8

Hunger strike ng mga political prisoners at fasting ng mga kapamilya at tagasuporta nila

Sa kabila ng pangako ni Pangulong Duterte at mga napirmahang mga pahayag ng GRP noong dalawang sesyon ng usapang pangkapayapaan na papalayain ang mahigit 400 na mga bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng General Amnesty, wala pa ring napapalaya hanggang ngayon ng may kaugnayan sa usapang pangkapayapaan mula noong Agosto.

Naglunsad ng hunger strike ang 76 na bilanggong pulitikal samantalang nag fasting naman ang 122 na mga bilanggong pulitikal na may sakit para ipanawagan ang agarang pagpapalabas ng mga bilanggong pulitikal. Nakilahok din naman sa fasting ang kanilang mga pamilya at mga tagasuporta.

7

National People’s Summit

Nagtipon mahigit 1,000 mula sa iba’t ibang organisasyong masa at mga indibidwal sa tinaguriang National People’s Summit noong Hunyo 29 sa UP Film Center. Iprinesenta sa pagtitipon ang nabuong People’s Agenda para sa unang 100 araw ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang 15 Puntong Programa para sa Makabayan at Progresibong Pagbabago.

Sa magkahiwalay na pagkakataon ay binigyan ng kopya nito ang mga punong negosyador ng GRP at NDFP para magamit sa pagbubuo ng CASER. Personal ding inabot ang kopya nito kay Duterte sa Malakanyang pagkatapos ng kanyang inagurasyon.

6
Photo ops ng mga mag-aaral ng Araullo High School kasama si NDFP consultant Loida Magpatoc pagkatapos ng peace forum noong Setyembre 22, 2016. Litrato ng Tudla Productions

Serye ng mga peace forum sa mga pampublikong High School sa Maynila

Dahil sa nailabas na peace resolution ng Konseho ng Lungsod ng Maynila, naitulak ng BAYAN Manila na maglabas ng memo ang Department of Education (DepEd) Manila Division na buksan ang lahat ng high school sa Maynila para makapaglunsad ng mga peace forum. Epektibong nagamit ang memo na ito para maipalaganap ang dahilan ng armadong tunggalian at kung bakit may usapang pangkapayapaan. Dito rin naipalaganap ang programang gustong ihapag ng mamamayan sa pagbabalangkas ng CASER.

Umikot ang serye ng mga peace forum sa maraming pampublikong high school sa Maynila na dinadaluhan ng daan-daang mag-aaral at guro.

5
Litrato mula sa BAYAN Bicol

Pagkilos ng 7,000 magsasaka sa Masbate para igiit ang ceasefire ng GRP

Umabot sa 7,000 magsasaka ang nagmartsa sa dalawang magkahiwalay na protesta noong Oktubre sa Masbate para igiit na ipatupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang deklarasyon ng tigil-putukan ng GRP.

Noong Oktubre 14, may 4,000 magsasaka ang nagprotesta sa Dimasalang, Masbate. Umabot sa 3,000 magsasaka naman ang sumama sa caravan at piket sa Cawayan, Masbate. Pinangunahan ang mga pagkilos ng Masbate People’s Organization.

Patuloy umano ang operasyong militar sa kanilang mga lugar at ginagamit umano ang Oplan Tokhang bilang dahilan para ipagpatuloy ang operasyon sa kabila ng tigil-putukan.

4

Lakbayan ng Pambansang Minorya para sa sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan

Sa kauna-unahang pagkakataon, naglakbay at nagtipon sa Kamaynilaan ang umabot sa 3,000 katutubo at Moro mula sa Kordilyera hanggang Mindanao para buuin ang kanilang pagkakaisa at buuin ang alyansang Sandugo. Giit nila ang sariling pagpapasya para sa pambansang minorya bilang bahagi ng kailangang gawin upang makamit ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan.

3

Pagkilos ng 40,000 sa araw ng SONA ni Duterte para suportahan ang usapang pangkapayapaan

Pangunahing panawagan ng pagkilos ay ang pagtupad ni Duterte sa inihapag na People’s Agenda ng BAYAN at kaalyadong mga organisasyon at ipahayag ang suporta sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

2

Pagtitipon ng mahigit 40,000 sa Mindanao noong Hunyo

Sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni Leoncio “Ka Parago” Pitao, isang kumander ng Bagong Hukbong Bayan, nagmartsa sa lungsod ng Davao ang umabot sa 40,000 na mamamayan mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 29 para suportahan ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Dinaluhan din ang pagtitipon ng mga myembro ng panel ng GRP at NDFP at doon ay tinanggap ang binalangkas na Mindanao People’s Agenda para gamitin sa pagbubuo ng CASER.

1
Nagbigay ng mensahe si NDFP Senior Adviser Luis Jalandoni sa libu-libong dumalo sa National Peace Assembly sa isang sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan sa Paquibato District, Davao City noong Disyembre 26, 2016.

Pagtitipon para sa kapayapaan na dinaluhan ng libu-libo sa iba’t ibang sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan

Sa isang pambihirang pagkakataon, nagpakita ng lakas militar ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang sonang gerilya sa buong bansa para sa mga Peace Assembly na itinaon sa pagdiriwang ng ika-48 anibersaryo ng PKP. Tampok sa mga pagtitipon ang umabot 15,000 na dumalo sa National Peace Assembly for Just and Lasting Peace sa lungsod ng Davao. Doon din ipinakita ang halos 200 pormasyon ng 1st Pulang Bagani Battallion.

Dumalo naman ang may 7,000 sa Butuan City, habang may 1,000 namang nagtipon sa isang sonang gerilya sa bundok ng Sierra Madre sa Quezon sa kabila ng kakatapos lang na bagyo. Napabalita rin na nagtipon ang mga nagsusulong ng kapayapaan sa mga sonang gerilya ng Misamis Oriental, Panay, Rizal at Central Luzon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here