Sa araw na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulo Rodrigo Duterte, nagtipon ang iba’t bang organisasyon mula sa sektor ng mga manggagawa, artista, estudyante, at mga taong simbahan sa SONAgKaisa sa University Avenue, UP Diliman upang ipanawagan ang iba’t ibang isyu sa administrasyong ito.

Ayon sa Movement Against Tyranny, ang sama-samang protestang naganap ay simbolo ng nabubuong galit ng bayan dahil sa kapabayaan ng administasyon ni Duterte.

Lumahok ang ilang representante ng grupo ng health workers upang ipahayag ang kanilang mga panawagan sa pamahalaan na tutukan ang solusyong medikal upang labanan ang lumalalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Dumalo din ang mga tumututol sa Anti-Terrorism Act na isang linggo na ang nakalipas mula nang maipatupad ito — mayroon nang labing-anim na petisyong inihain sa Korte Suprema laban sa kontrobersyal na batas.

Sumama rin ang mga taong simbahan at mga grupong sumusulong sa karapatang pantao upang gunitain ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa madugong war on drugs at iba pang uri ng kalapastangan sa karapatang pantao sa ilalim ng naturang administrasyon.

Lumahok ang iba’t ibang samahan ng mga mag-aaral upang iparinig ang pagtutol sa pagbubukas ng online class sa gitna ng lumalalang pandemya. Maraming mag-aaral ang walang akses sa internet.

Balik-pasada at pagbasura naman ng jeepney phase-out ang hinaing ng mga tsuper at opereytor ng traditional jeepney —  halos apat na buwan na ring ipinatigil ang pagbiyahe ng mga pampasadang jeep sa kalakhang Metro Manila.  Nasa tatlumpung porsyento (30%)  o apatnapu’t siyam (49) na ruta ng jeep ang pinayagang maka-biyahe sa kabuuan nito.

Malayang pagpapahayag naman ang panawagan ng mga artista ng bayan gamit ang kani-kanilang sining – kaugnay nito ang tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN.

 

Mga kuha ni Patrick Caraig at Mel Matthew

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here