Ipinanawagan ng iba’t ibang grupo ang mass testing at iba pang medikal na solusyon sa problema sa paglaganap ng COVID-19. Maraming nabahala na bukod sa ‘lockdown’ ay hindi pa malinaw ang iba pang solusyong inaalok ng gobyerno sa problema sa COVID-19.

Usap-usapan ang paggamit ng ‘lockdown’ bilang solusyon sa lokal na pagsalin (local transmission) ng COVID-19 (ang sakit na dulot ng SARS CoV-2 o novel coronavirus) sa Metro Manila at iba’t ibang panig ng bansa. Ang lockdown ay ginawa sa ibang bansa gaya ng China na pinagmulan ng novel coronavirus at sa iba pang bansa na mabilis ang local transmission gaya sa Italy.

Nagpulong ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) noong Marso 12, 1 ng hapon, hinggil sa posibilidad ng lockdown sa buong National Capital Region o Metro Manila. Lampas 8pm, binasa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘community quaratine’ at ang anunsyo ay laman ng resolusyon ng IATF na kumalat na sa social media bandang 4 ng hapon.

Sa depinisyon nito sa diksyunaryo, nagpapatungkol ang ‘lockdown’ sa isang emergency measure kung saan ang mga tao ay hindi papayagang lumabas o pumasok sa isang ‘restricted area’ dahil sa bantang panganib.

Ilalabas pa lang din ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga panuntunan sa inanunsyong isang buwang ‘community quarantine’, kung kaya’t dagsa ang tanong at alalahanin ng mga mamamayan hinggil sa isasagawang pagsasara ng mga hangganan ng Metro Manila na napakapartikular sa mga sariling kaso o karanasan.

Batay sa laman ng kautusan sa lockdown at ilang paglilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga maagang interview nito matapos ang anunsyo, ipinagbabawal ang pagpasok at paglabas ng Metro Manila mula March 15 hanggang April 14, bukod sa mga manggagawang may pasok sa Metro Manila. Wala ring pasok ang mga mag-aaral hanggang April 12. Magkakaroon ng mga checkpoint sa boundary ng National Capital Region (NCR). Ipapatupad ang ‘community quarantine’ sa buong NCR habang magkakaroon nito sa antas ng barangay, munisipalidad o syudad kung mayroong dalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Umaga ng Marso 13 ay inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na inilagay na nito sa full alert ang NCR at 4 pang rehiyon: Region 3, 4A, 4B at 5.

 

Mass testing, mga solusyong medikal, hindi aksyong militar

Nabalisa rin ang iba na naglabas na ang anunsyo na wala pang malinaw at nakasulat na guidelines. Paliwanag naman dito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa kanyang presscon noong Marso 13 ay dahil sa emergency, kailangan nang maglabas ng hakbang ang gobyerno kahit ‘broad strokes’ pa lamang.

“Ang reaksyon at handling ng gobyerno sa COVID-19 ay nagpapakita ng mahinang health system sa bansa, epekto ng mababang budget sa kalusugan at kapabayaan ng gobyerno sa serbisyong pangkalusugan – ito ang magiging nakamamatay sa mamamayan sa kalaunan o sa lalong madaling panahon. Wala pa sa mga detalye ng ‘community quarantine’ ang medikal na tuon sa solusyon sa COVID-19,” anang National Union of Students of the Philippines (NUSP) Metro Manila sa pahayag nito.

Anang NUSP Metro Manila, nararapat lang na madagdagan ang emergency budget para sa pagsugpo sa COVID-19 na may nakalaan para sa mass testing at paggamot sa COVID-19.

“Isa sa maaaring haraping solusyon na maeenganyo ang partisipasyon ng mamamayan at matitiyak ang kanilang kalusugan nang hindi naman matatapakan o mawawala ang kanilang kabuhayan, pag-aaral at iba pa ay ang pagsasagawa ng mass testing,” ani Habagat Farrales, Pangalawang Pangulo ng NUSP Metro Manila at Ingat-yaman ng UP Manila University Student Council.

Sabi ng grupo, para sa pangmatagalan naman ay dapat ding madagdagan ang badyet sa kalusugan, gayundin ang pagsasaayos ng healthcare system sa bansa para magkaroon ng mas mataas na kapasidad sa paggamot at pangangalaga sa kalusugan at kapasidad maging sa mahihirap na bayan at mas maraming doktor at manggagawa sa kalusugan.

“Kung gaya sa South Korea na naglaan ng malaking budget para maabot ang 15,000 kada araw sa testing, maaari ring mapalaki pa ang kapasidad at madala sa mga lokalidad ang testing para mabilis na maisagawa ang mass testing. Nagsagawa rin sa South Korea ng pormang drive-through o walk-in sa pagsasagawa ng testing sa mamamayan nito, bilang porma rin ng partisipasyon ng mamamayan sa pagsagupa sa COVID-19, at libre ang mga testing,” anang NUSP Metro Manila.

Mungkahi rin ng Kabataan Partylist Metro Manila ang mass testing. Puna ng grupo, hindi pa rin nakalatag ang mga solusyon ng gobyerno bukod sa ‘containment’ sa pamamagitan ng lockdown matapos ang anunsyo ni Duterte.

“Oo, sige, mag-quarantine para hindi makahawa. Pero maraming tao ang natatakot o mas nag-aalala sa lockdown kasi wala pa namang ibang malinaw na solusyon ang gobyerno sa COVID-19. Nagdadagdag ito ng ‘psychological stress’ sa mga tao kasi hindi nila nararamdamang ligtas sila. Kung naka-quarantine ka at nagkasakit ka pa rin, pano na? ‘Yung mga maykaya, pupunta sila sa ospital, magpapagamot sila, habang yung ordinaryong mamamayan at mahihirap ay mas limitado ang rekurso, kaalaman at opsyon,” ani Lorevie Caalaman, Pangalawang Tagapangulo ng grupo.

Anang grupo, tila nakaasa ang mamamayan sa pananalig na hindi mahawa o hindi magkaroon ng anumang sintomas ng COVID-19 sa pagkondukta nila sa araw-araw na buhay. Makakapanatag ng isip sa publiko gayundin mabibigyan ng atensyong medikal ang mga magpositibo sa COVID-19 para hindi na rin makahawa sa iba.

 

Testing kit ng UP

Noong Marso 10, inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang na-develop na testing kit ng University of the Philippines (UP) National Institute of Health (NIH). Dadaan na sa ‘field validation study’ ang testing kit, kung saan kailangan nito magsagawa ng 500 validation test at kung pumasa rito ay bibigyan na ng FDA ng full access ang lahat ng ospital sa mga testing kit.

Ang nasabing testing kit ng UP NIH ay anim (6) na beses na mas mura kaysa sa ginagamit ng RITM. Nagkakahalaga lamang ito ng P1,320 at makukuha ang resulta sa loob ng dalawang oras.

Ang NIH ng UP ay kayang magsagawa ng test ng 1,000 sa unang linggo at papalaki sa mga susunod na linggo. Makakagawa ng 200 testing kit kada araw at may sapat na raw materials para sa 6,00 testing kit sa ngayon. Ang salik na naglilimita sa dami ng test na kayang isagawa ay ang availability ng mga raw materials na ginagamit sa testing kit.

 

Under-testing, hindi underreporting

Sa kasalukuyan, matumal ang paglabas ng kaso ng nagpositibo sa COVID-19 dahil sa mababang kapasidad sa bansa sa testing. Ito na rin ang isang nakikita ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na dahilan kung bakit matagal ang patlang ng napaulat na mga unang sa mga nagpositibo noong katapusan ng Enero sa mga sumunod na nagpositibo noong Marso, kung kailan nakumpirma na rin na mayroon nang local transmission sa bansa–at hindi naman daw sa tinatago nila ang resulta o bilang ng mga positibong kaso.

Marso 5 na nagpositibo sa COVID-19 ang ikalimang kaso sa bansa at sinabi ng kinatawan ng World Health Organization na kaso na ito ng local transmission, dahil walang travel history o sa Pilipinas nito nakuha ang sakit. Marso 7 sumunod ang asawa ng ikalimang kaso, kung kaya’t nakumpira na ang lokal na pagkalat. Marso 9 nang umabot sa 24 ang nagpositibo sa COVID-19 at nag-anunsyo si Duterte ng suspension ng klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at pasok sa pamahalaan mula Marso 10-14. Marso 11, pumalo na sa 49 ang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa bansa. Marso 12 ay 52 na ang positibo sa COVID-19 at 5 na ang namatay sa sakit.

Sa Pilipinas, ang nag-iisang may kapasidad at nagsasagawa ng testing sa COVID-19 ay ang ahensya ng gobyerno na Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Sinasala ng RITM ang mga sample ng ‘suspected cases’ ng COVID-19 at ipinapadala ito ng DOH sa mga laboratoryo sa labas ng bansa para makumpirma kung positibo sa novel coronavirus ang sample.

Sinabi ng RITM na maximum na 300 kada araw ang kaya nilang isagawang test, pero ang available testing kit nila ay 2,000 lamang. Mula Enero 31 hanggang Marso 9, umaabot pa lang sa 2,000 ang naisagawang testing ng RITM. Matapos ang kumpirmasyon ng mga unang kaso, isang buwan ang lumipas bago ang kumpirmasyon ng panibagong kaso. Pumalo sa average na 200-250 tests kada araw ang naisagawa ng gobyerno, ayon kay Duque, pero kung tutuusin sa datos ng RITM ay tila lalabas na nasa 52 lang ito sa loob ng 38 araw.

Ang mga ginagamitan lang ng test sa kasalukuyan ay iyon lamang nagpacheck-up sa ospital dahil nagpakita ng sintomas ng COVID-19. Ang kasalukuyang ginagamit na imported na testing kit ay nagkakahalagang P8,000 at makukuha ang resulta sa loob ng isa o dalawang araw. Ayon din kay Duque, ang isang pasyente ay tatlong (3) beses sumasailalim sa testing.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here