Nobyembre 9 sa Pilipinas nang unang inilabas ng Disney UK ang kanilang advertisement campaign para sa darating na Kapaskuhan ngayong taon. Ang sinabing ad na may tagal na halos tatlong minuto ay nakasentro sa pamilyang Pilipino at kung paano ipinagdiriwang ang Pasko sa bansa.

Sa umpisa pa lamang ng video, na taong 1940 ang ginamit na setting, ay mamalas na ang isang masaya’t payapang komunidad sa Pilipinas kung saan makikita ang maraming puno ng mga niyog, kalesa sa daan, watawat ng bansa, at malalaki’t makukulay na mga parol sa labas ng mga bahay-bahay. Mas lalong naging interesante ang sumunod na mga eksena nang ipakita ang isang batang babae na sabik na sabik na sinalubong ang ama mula sa labas ng kanilang bahay. Pagkatapos magmano ng bata sa kanyang ‘papa’, sumilay ang napakatamis nitong ngiti nang bigyan siya nito ng stuffed toy na Mickey Mouse bilang munting regalo sa Pasko.

Taong 2005 at ang batang dati-rati na naghihintay lamang sa pagdating ng kanyang ama, ay naging isang Lola na sa isa ring batang babae. Malalaman na sila ay nakatira na sa ibang bansa dahil makikita sa video ang pag-ulan ng nyebe. Dahil sa kagustuhang maging masaya ang apo, binigay niya ang kanyang dating stuffed toy na Mickey Mouse dito. Tuwang-tuwa namang tinanggap ng apo ang stuffed toy na tinuring din niyang tila isang miyembro na ng pamilya.

Tuwing Pasko, gumagawa ang mag-lola ng Parol habang kasa-kasama pa rin ng dalawa ang stuffed toy na Mickey Mouse. Lumipas ang maraming taon at ang bata ay tuluyan nang naging dalaga. Ipinakita sa video na naging abala na ang apo sa ilang mga gawain at unti-unti nang nawalan ng interes gumawa pa ng parol kasama ang kanyang Lola. Makikita rin na ang dating laging akap-akap na Mickey Mouse noon ay isinasantabi na lamang.

Napagtanto ng dalaga na maaaring labis niyang nasaktan ang damdamin ng kanyang Lola. Ang sabay nilang paggawa ng parol taon-taon habang masayang nagkukuwentuhan ay isa sa mga kaligayahan at pinapahalagahan ng butihin niyang Lola at nagsisisi siya kung bakit unti-unti niyang binitawan ang dating nakasanayan. Upang iparamdam muli kung gaano niya kamahal at pinapahalagahan ang taong laging nasa kanyang tabi  sa ano mang yugto ng kanyang buhay, sinurpresa niya ito  isang gabi sa pamamagitan ng pagsabit ng napakaraming makukulay at umiilaw na mga parol sa loob ng kanilang tahanan. Manghang-mangha ang kanyang Lola nang makita ang mga ito at naluha nang bumalik ang marami niyang mga alaala kung paano sila nagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas noong siya ay bata pa lamang. Hindi lamang doon natapos ang kanyang surpresa, ang dating luma at sira nang stuffed toy na Mickey Mouse ay muli niyang tinahi at inihandog sa kanyang Lola na sa sandaling iyon ay hindi malaman kung saan isisilid ang kaligayahang nararamdaman.

Namangha rin ang marami na ang isang patalastas ng Disney UK ay itinampok ang pamilya at paskong Pilipino—na maaaring makapangyarihang testamento ng pagmamahal at pagbibigayan na nais mailangkap ng Disney sa mensahe at kampanya nito.

Ang ad campaign ay bahagi ng Disney EMEA ( Disney Europe, Middle East, at Africa) na may pamagat na “From Our Family to Yours”.  Ang musikang ginamit dito na may pamagat na “Love is a Compass”, ay mula sa UK artist na si Griff.  Ang ad ay mapapanood din sa Australia, New Zealand, North Amerika, at ilang bahagi ng Asya. Ayon sa tagapamahala ng Disney EMEA, ang kikitain sa campaign ay mapupunta sa Make-A-Wish INTERNATIONAL na tumutulong na bigyan kasatuparan ang mga hiling ng mga bata sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Sa kaibuturan ay kawanggawa sa loob ng isang dambuhalang korporasyon ang patalastas, at maaaring mayroon ding magsabing ang ‘di matatawarang pagmamahal sa pamilya ng mga Pilipino at sa mga nakatatanda—na iba o maaaring malayo sa mga Kanluraning kultura—ay ginagamit ng Disney UK. Bagaman, habambuhay itong magpapaalala sa atin ng mga bagay na natatangi at mabuti sa ating kultura.

Kaiba sa mga dating Pasko sa Pilipinas na nagsimula na ang mga kantang Pamasko at nagsabit na ng mga palamuti sa mga bahay at kalsada, kakaunti pa lang ang nasa kalagayan, kalooban o kahandaang salubungin ang Pasko matapos ang mahabang lockdown sa pandemya at nagresultang kawalan ng trabaho, kita at oportunidad. Kanselado na rin ang mga Christmas party dahil sa pandemya, dahil sa maaaring banta na malabag ang mga panuntunan sa social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield at ang pagbabawal sa mga hindi esensyal na mass gathering. Dumating na rin ang malalakas na bagyo ngayong Oktubre na nakapanalanta sa Timog Katagalugan, Bicol at Batanes, at inaasahan pa ang marami pang malakas na bagyo bago matapos ang taon. Tila mahirap isipin ang Pasko sa ngayon, lalo kung hindi naman ito masasalubong ng marami na may galak sa puso o kaluwagan sa loob, matapos ang maraming sakuna.

Ang mga Pilipino ay may lubos na paggalang at pagmamalasakit sa pamilya lalo na sa kanilang mga lolo’t lola gayundin ang malapit na ugnayan ng mga pamilya, kung kaya’t maraming naantig  sa ad na ito. Tumagos sa puso ng maraming Pilipinong manonood ang ad campaign ng Walt Disney UK dahil sa ipinamamalas nito ang tunay na diwa ng Pasko sa Pilipinas—ang pagsasama-sama ng pamilya. 

Paalala rin ito, lalo sa panahon ngayon, na mahalin at pahalagahan ang bawat miyembro ng ating pamilya lalong-lalo na ang ating mga Lolo’t Lola na naging pundasyon ng ating magagandang kaugalian bilang mga Pilipino. At sa panahon ngayon, maaaring hindi pagsasaya kundi pagtutulungan at pakikipagkapwa ang ating asamin sa darating na Pasko.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here