“HAMBOG at walang pakundangan sa mamamayan ng Quezon City ang pahayag na pinakawalan ni Quezon City (QC) ask Force Disiplina head Rannie Ludovica sa isang public Facebook post, ika-3 ng Agosto,” anang Bagong Alyansang Makabayan Quezon City (BAYAN QC).

Anila, walang pagkakaiba ito sa mga ‘sangganong pahayag ni Duterte na ipapabaril niya sa mga kasundaluhan ang mga magrereklamong mamamayan na hindi nakakatanggap ng ayuda.’

Tinutukoy ng grupo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘shoot them dead’ sa mga protestang magkakagulo sa ikalawang linggo ng lockdown noon.

“My orders are sa pulis at military, pati mga barangay. Na kapag may gulo, okasyon na lumaban at buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead,” ani Duterte noong Abril 1, pahayag na kinundena ng marami.

Ang mga maralita ng Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa sa QC ay lumabas noon sa EDSA sa pag-aakalang may parating nang ayuda sa kanilang komunidad. May dala ang ilan sa kanila ng mga plakard na nanghihingi ng ayuda at sinasabing gutom na sila, at sila ay dinispers at hinuli ng mga pulis. Dinepensahan naman ng mga opisyal ng ehekutibo ang pahayag ni Duterte na umano’y nagpapatungkol lamang sa mga maka-Kaliwa at sinisi ang grupong Kadamay na inundyukan ang protesta, na itinanggi naman ng grupo at ng mga nagprotesta.

Nagpaliwanag naman si Ludovica noong Agosto 4 sa iba’t ibang panayam sa media na ‘out of frustration’ ang kanyang pahayag at ‘personal’ niya itong pahayag, bagaman siya ay opisyal ng lokal na pamahalaan at ang laman ng kanyang pahayag ay nagpapatungkol sa kanyang tungkulin sa pwesto. Binura na ni Ludovica ang binatikos na pahayag niya sa Facebook.

Hindi naman siya humingi ng paumanhin sa kanyang pahayag, bagaman sinisi ang Rappler na naglabas ng artikulo na “malisyosong” ginamit ang kanyang pahayag.

Sinabi naman ni QC Mayor Joy Belmonte na hindi polisiya ng syudad ang pahayag ni Ludovica.

Ipinanawagan ng BAYAN QC at iba pang mga indibidwal at grupo na palitan ng lokal na pamahalaan ng QC si Ludovica.

Ngunit ani Belmonte sa Rappler, hindi niya tatanggalin si Ludovica sa pwesto bagaman tingin nya ay hindi katanggap-tanggap ang sinabi nito at panghahawakan nito ang pangako ni Ludovica na hindi na ito mauulit.

Si Ludovica ay kilalang alyado ng mga Belmonte sa syudad, ka-tiket ito ng pamilya sa partido nito sa syudad mula 2013 hanggang 2019 kung saan ito ay naging konsehal sa syudad. Tumakbo rin ito bilang kinatawan ng party-list na inuugnay sa mga Belmonte na Serbisyo Para sa Bayan party-list noong 2019, pero hindi nakakuha ng sapat na boto para makaupo.

Kinundena ng mga grupo at mga netizen ang desisyon ni Belmonte. Ihinalintulad ito sa mga pagpapalampas at pagpapatawad ni Duterte at mga ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng lockdown sa mga lumabag sa lockdown na mataas na opisyal ng gobyerno, samantalang hinihiya at kinukulong ang mga ordinaryong mamamayan na karamiha’y naghahanap ng makakain o ikabubuhay sa gitna ng lockdown at pagkawala ng kabuhayan at kawalan ng ayuda ng gobyerno.

 

Bukod sa binatikos na pahayag ni Ludovica ay mayroon pa siyang ibang nakakabahalang pahayag sa kanyang Facebook account. Isa na rito ang post niya noong Agosto 2 ng video clip sa Barangay Holy Spirit sa QC. Aniya sa post:

“PAANO DI DADAMI COVID ,TINGNAN MO MGA IREEPONSABLENG TAGA EVERLASTING BGRY HOLY SPIIRT BOUNDARY COMMONWEALTH..DAPAT SA INYO PA…….T YIN.”

Bukod dito, sinabi niyang “Nang dahil sa mga ito MECQ TAYO KUNG SINO MAKAPAG TURO O MAKA PAGBIGAY NG PANGALAN SA AKIN MAY GANTIMPALA KAYO ,PM LANG KAYO.”

Sa isa pang post, pinaskil naman niya ang larawan ng mga ‘violators’ sa MECQ sa Quezon Avenue.

Naugnay na rin sa kontrobersya ang QC Task Force Disiplina nang makita sa video ang pambubugbog sa isang maralitang manininda ng isda noong Abril.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here