Tuwing eleksyon busog na busog tayo,
Tuwing eleksyon busog ang mata sa mga naglipanang tarpaulin
Tuwing eleksyon busog ang ating tenga sa jingle na pilit tayong pinapaindak
Tuwing eleksyon busog ang ating bibig sa mga kaliwa’t kanang handog
Isang pagnguya ang eleksyon, pwedeng lunukin, pwedeng durain ang tatakbo
Isang pagdighay ang eleksyon, pwedeng malakas, pwedeng mahina ang epekto
Isang pagsinok ang eleksyon, pwedeng susunod-sunod, pwedeng may distansya ang paglilingkod
Sa dami ng balimbing na politiko
Sa dami ng bola-bolang pangako
Sa dami ng higop-sabaw sa pamumuno
Lutuin nawa ang kanilang intensyon
Ang tinta sa daliri ang bubura sa gutom ng bayan—
gutom sa kapayapaan, gutom sa kabuhayan, gutom sa kaligtasan, gutom sa edukasyon, gutom sa pagkakaisa.
Aalisin ng tinta ang hapdi sa sikmura ng bayang nasanay na sa pangako.
Ang pagboto ay isang pagkaing pupuno sa sustansyang dapat matanggap ng bayang nalugmok sa tindi ng kagutuman.