Para sa mga guro, higit pa sa isang buwan ang selebrasyon para kilalanin ang sakripisyo ng bawat kabaro.

Lusong sa kinabukasan

Hindi maitatanggi ang pagsusumikap ng mga guro mula sa liblib na lugar upang maihatid ang mga modyul, dagdag pahirap ang kawalang maayos na kalsada, makakapal na putik at lubak-lubak na daanan, kawalang tulay na nagdudugtong sa magkabilang dulo at iba pa.

Literal na lusong para sa kinabukasan ang mga nangyayari sa ating mga guro. Hindi ito iniinda ng mga guro dahil bawat na modyul na inihahatid ay pagdurugtong sa magandang kinabukasan ng mga mag-aaral. Nasa kabilang hukay ang buhay ng mga guro, malalim na lusong ang ginagawa ng bawat isa na pinahihirapan pa dahil sa mga polisiyang sumasagka sa kaayusan ng kanilang pagiging guro.

Magulang na walang tahanan

Hirap sa buhay ang ilang guro. Patuloy ang panawagan para sa dagdag na umento, benepisyo at pagsisiguro sa kanilang kaligtasan dahil tila nakalilimutan na sila ay frontliners din.

Abandonado ang mga guro sa panahon ng pandemya, mula sa mga limitadong training para sa online class, kulang na gadgets, limitadong internet allowance at patong-patong na gawain mula sa pagiging guro hanggang sa administratibong gawain.

Lahat ng ito’y nagpapalugmok sa kalagayan ng mga guro na nagsisilbing pangalawang magulang. At sa muling pilot testing sa pagbubukas ng mga paaralan, nawa’y hindi nakalilimutan ang kanilang mga pangangailangan mula sa bakuna, maayos na hygiene kit, maayos na pasilidad sa mga paaralan tulad ng palikuran, daloy ng tubig at bentilasyon, transportasyon, hindi rin dapat makalimutan ang benepisyo kapag natamaan ng virus habang nasa paaralan. Bigyan ng maayos na bubong ng pagkalinga ang bawat gurong Pilipino.

Gurong sinasakdal

Maraming mga gurong inihahanay bilang kalaban ng estado dahil diumano’y kasapi ng mga makakaliwang grupo. Ilan sa kanila ang nakapiit, nawawala at ang malala ay kinitil ang buhay.

Sa patuloy na militarisasyon sa mga kanayunan hindi lamang buhay ng mga inosenteng buhay ang nadadamay maging ang gurong nagtataguyod sa kabutihan ng kabataan. Sinira rin ng militar at ilang ahensyang nagrered-tag ang mga paaralang Lumad. Iba ang trato ng pamahalaan sa mga guro, malayo sa respetong binibigay ng mga kabataan sa kanilang ikalawang magulang.

Matapos man ang buwan ng mga guro, hindi natatapos ang serbisyo at sakripisyo ng mga guro.

Gaya ng matapos man ang isang araw o linggo ng klase ay hindi natatapos ang trabaho ng mga guro na kailangan pang mag-tsek ng mga pagsasanay, maghanda ng susunod na aralin, at pag-isipan ang kagalingan ng bawat estudyante.

Ang mga ganitong mga pagkilala ay dagdag sa mahabang listahan sa dakilang kontribusyon nila para sa ating kabataan at bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here