Tumungo sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros ang mga manggagawang iligal na tinanggal ng Harbour Centre Port Terminal Inc. (HCPTI) upang manawagan kay Labor Secretary Silvestre Bello III na agarang ilabas ang motion of execution para sila ay makabalik sa kanilang trabaho.

Matatandaang noong ika-28 ng Hunyo ngayong taon, pinaboran ng Korte Suprema ng mga manggagawa laban sa kanilang management. Ibinasura ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ng HCPTI sa desisyong kinikilalang mga regular na manggagawa ang mga manggagawa ng HCPTI.

Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa ng Harbour Centre (UMHC), hinihintay na lamang ang paglabas ng motion of execution upang sila ay muling makapagtrabaho sa kanilang kumpanya.

Nagkaroon din noong ika-20 ng Hunyo ng kilos protesta sa harapan ng DOLE National Capital Region (NCR) upang muling igiit ang kanilang pagkapanalo at ipanawagan ang paglabas ng minimithing motion.

Kawalang-katiyakan sa DOLE

Nang dumulog sa DOLE NCR ang UMHC, sinabing kinakailangan ng motion of execution upang maipatupad ang naging desisyon ng Korte Suprema at sila ay makakabalik na sa kanilang mga trabaho.

Nagtungo ang mga manggagawa sa DOLE Intramuros noong ika-30 ng Setyembre upang makausap si si Bello para muling igiit ang kanilang pagkapanalo at ang agarang paglabas ng Motion of Execution.

Nauna na ring naglabas ang DOLE ng deklarasyong regular na manggagawa ang mga manggagawa ng Harbour Centre.

Ayon kay Francisco Manaog, presidente ng UMHC, pinangakuan sila na magkakaroon ng pulong sa parehong araw ngunit nang matapos ang kilos-protesta, hindi ito natupad sa dahilang wala raw silang appointment at mayroon pang meeting na dapat daluhan si Bello.

Anila, tila sila ay pinaiikot-ikot lamang sila ng dalawang sangay ng DOLE, ang pambansang opisina nito at ng NCR, na silang dapat nagtatanggol sa kanila sa pang-aabuso ng management ng kanilang kumpanya. Ang matagal na panahong pagtatrabaho na walang regular na katayuan, mababang pasahod at walang mga karampatang benepisyo ang mga tinutukoy nilang pang-aabuso, taliwas sa matagal na dapat na naigawad na regularisasyon at mas maayos na kalagayan sa paggawa.

Ginigiit din nila na ang mga kapitalistang tulad ni Reghis Romero, may-ari ng HCPTI, ay mas gustong kumuha ng mga manggagawa sa iligal na pamamaraan. Takot umano sila na mabawasan ang kinikita kung kaya ay hindi sila dumadaan sa ligal na paraan.

Matatandaang bukod sa hindi pagregularisa ng management, napatunayan ding gumamit ng hindi rehistradong manpower agency na Grasials Corporations ang management kung saan dati pinaloob ang mga manggagawa.

Apat na taon nang lumalaban ang mga manggagawa laban sa kanilang management upang sila ay maging regular, makatanggap ng maayos na benepisyo, at proteksyon laban sa masahol na pakikitungo sa kanila.

Matagal man ngunit tiniis ito ng mga manggagawa upang makamit ang tagumpay na sa tingin nila’y dapat na ring makamit ng iba pang mga manggagawang tulad nila na ‘di makakausad ang kumpanya kung walang manggagawa at pinagkikitaan ng dambuhalang tubo ang kanilang paggawa.

Mula sa pagkapanalo, kinakailangan naman ngayong maghintay muli ng mga manggagawa upang maisakatuparan ang kanilang pagkapanalo. Kung hindi ay mananatili itong nasa papel lamang at magpapakita kung may pangil ba ang desisyon kapwa ng DOLE at ng Korte Suprema.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here